Luha sa ilalim ng Bahaghari

449 33 12
                                    

"Ano ang tawag sa maliit na aso?"

Kunot-noo kong tinitigan si kuya Berting, pigil ang tawa niyang sumagot sa sarili niyang tanong, "Edi, kapiraso," sabay pakawala niya ng malakas na tawa sa joke niyang tila siya lang ang natatawa.

Hindi ko alam kung bakit nakukuha nya pang magbiro sa sitwasyon namin ngayon. Masikip. Sari-saring amoy. May mga tulala.Lumuluha. Kwentuhan tungkol sa masaklap na karanasan. Mga bata, samo't saring mga bata. Iyak ng mga munting sanggol. Uhog. Tunog ng mga kumakalam na sikmura. Hinagpis na tila ba'y hindi na huhupa. Dito sa evacuation center kung saan kami pansamantalang sumilong matapos ang napakalakas na bagyo, ang Yolanda. Bagyong sumira ng lahat. Bahay, buhay at mga munting pangarap. Sa labas ng masikip na silungang ito, ang siyudad na winasak ng mapaminsalang bagyo. Mga guho ng mga bahay at gusali, mga natumbang puno at poste, mga sasakyang lubog sa baha at putik, mga bangkay ng tao-bata't matanda-mga buhay na tinangay ng bagyo. Sa isang iglap, naganap ang trahedyang nagbigay ng bangungot sa aming lahat.

"Ano naman ang tawag sa maliit na pusa?"

Isang kalokohan nanaman. Hindi ko nalang pinansin ang tanong niyang iyon. "Edi Catiting!" Napahampas pa s'ya sa balikat ko, kita na ang ngala-ngala niya sa sobrang pagtawa. Nababaliw na talaga.

Hindi nga ba sya nalulungkot? Paano siya nakakapagbiro ng ganito gayong namatayan siya ng asawa na apat na buwan ng nagdadalang tao at isa pang pitong taong gulang na anak? Masaya ba sya sa mga nangyari? Gusto ko sanang isiping gayon na nga kung hindi ko lang nasaksihan ang mga pigil na paghikbi niya, pati na rin ang masaganang luhang pilit niyang itinatago at mga mahihinang hagulgol na pinakakawalan niya tuwing gabi, kung kailan inaakala niyang walang nakakarinig sa kanya.

"E ano naman tawag sa maliit na kambing?"

"Hindi ka ba nalulungkot?" Tanong ko sa kanya. Umiwas lang siya ng tingin at pagkatapos ay mapait na ngumiti at muling sumagot sa sarili niyang tanong. "Edi kapiranggoat."

Umiling muna sya ng bahagya bago muling nagsalita. "Kapiraso, katiting at kapiranggot. Kung meron mang saya sa pagkatao ko ngayon, yan lang yon. Mas lamang parin ang dalamahati at pangungulila."

Isang malalim na buntong hinininga muna ang pinakawalan niya bago muling nagsalita. "Mahal ko ang pamilya ko at masakit isiping nawala nalang sila sa isang iglap. Nasaksihan ng dalawang mga mata ko ang unti-unting pagpanaw nila. Masakit..." Halata sa panginginig ng panga niya ang pagpigil sa nagbabadyang luha sa kanyang namumulang mga mata.

Hanggang ngayon sariwa parin sa alaala ko ang pangyayaring iyon. Nung mga sandaling walang magawa si kuya Berting kundi panoorin ang unti-unting paglamon ng rumaragasang baha sa kanyang mag-ina. Kahit ako'y hindi mapigilang panlambutan ng tuhod sa tuwing magugunita ang senaryong iyon.

"Pero may dalawa pa 'kong musmos na mga anak." Pagpapatuloy niya. "May natitira pa akong rason para magpatuloy. Ano nga bang mapapala ko kung magpapatalo nalang ako sa labis na kalungkutan?"

Tinanaw niya mula sa bintana ang isang napakagandang bahaghari kasabay ng pagguhit ng malapad na ngiti sa kanyang labi. "Naitumba tayo ng bagyo pero hindi pa sapat 'yon para sumuko tayo sa laban ng buhay. Malungkot tayo ngayon kaya mas kailangan nating sumaya. Hindi makakapagtayo ng mga bagong tahanan ang mga luhang patuloy nating itinitigis sa lupa. Kung ngingiti tayo at magiging positibo, mas madali tayong makakabangon, makakapagsimulang muli."

Binalingan niya ako ng matamis na ngiti at itinuro ang bintana kung saan matatanaw ang bahaghari. "Nakikita mo yang makulay na bahaghari na yan? Yan ang simbolo ng pag-asa natin pagkatapos ng malupit na bagayo. Ngumiti ka at siguradong babangon tayo!"

Ngumiti ako sa kanya at sa pagkakataong ito'y ako naman ang nagtanong. "Ano'ng tawag sa pinakamahal na underwear?"

Sandali siyang nag-isip, ngumiti, at nagtanong. "Ano?"

"Bahaghari."

Luha sa ilalim ng BahaghariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon