Tinawag Mo Ba Ako

642 5 7
                                    

1

Lunes

"Leus, ANO BA?!" ang sigaw ng kanyang ina mula sa kusina. "Tanghali na! 'Di ka pa ba gigising diyan? Baklang 'to! GUMISING KA NA!"

Pilit na tinatakpan ni Leus ng unan ang kanyang mga tainga habang pinagmamasdan ang kisame ng kanyang kuwarto at may mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya pinapansin ang mga tawag at sigaw ng kanyang butihing ina. Maya't maya pa ay may kumatok sa kanyang pintuan at sabay bukas ito.

"Leus," ang tawag ng kanyang ate habang pumapasok sa silid ng kapatid. "Gising ka na ba?"

Tila walang narinig si Leus dahil nakatakip pa rin ang kanyang mga tainga sa unan at mahina ang pagkakatawag sa kanya ng kapatid. Hindi niya napansin itong lumapit sa may kama at umupo sa tabi nang nakahiga at nag-iisip na si Leus. Marahang tinapik ng ate si Leus sa kanyang braso. Nagulat si Leus.

"Ano ba ate?!" ang gulat ni Leus. "Huwag ka ngang manggugulat."

"Bakit ka kasi nagtatakip ng tenga?" ang banat ng kapatid. "Bumangon ka na nga. Hinahigh blood na si mama."

"Bakit ba kasi?" ang inis ni Leus habang pinupunasan ang kanyang mga luha.

"Bakit ba kasi?" ang sabi ng ate. "Ewan ko sa' yo. Ba't 'di mo tanungin sarili mo."

Bago pa makapagsalita si Leus ay sumigaw na naman ang kanilang ina.

"Calis," ang tawag ng ina. "Gisingin mo na nga 'yang baklang yan!"

"Heto at ginigising na," ang sagot ni Calis.

Nagtinginan ang magkapatid.  

 2

Sa may hapag-kainan, abala ang tatlo sa pag-aalmusal. Piniritong itlog, hotdog, corned beef at mainit na sinangag ang kanilang almusal sa araw na ito.

"Kamusta 'yung application mo ng visa," ang tanong ng ina kay Calis.

"Pinoprocess na po," ang sagot ni Calis.

"Ikaw Leus?" ang sabi ng ina sabay higop sa kanyang mainit na kape. "Kailan ka naman tatanda? Graduating ka na pero panay ang pasaway mo."

"Ma," ang tawag ni Calis.

Hindi sumagot si Leus imbes pinagpatuloy niya ang pagkain niya ng almusal. Ilang saglit pa ay natapos na si Leus. Dali-dali itong nagtungo sa kanyang kuwarto upang kunin ang kanyang mga gamit sa eskuwela at sabay labas ng bahay.

Hindi pinansin ng ina ang umalis na si Leus. Napabuntong-hininga naman si Calis.

"Ano ka ba naman, Ma?" ang sabi ni Calis.

Hindi rin pinansin ng ina si Calis.

3

"Lakwatchina girl," ang tawag ni Mixie na isang binabae kay Leus habang papasok ito sa klase. "Go pa rin ba tayo this Saturday? Approve na ang lahat pati si Millardo. Ikaw na lang."

"Sure na ba kina Zanya?" ang tanong ni Leus kay Mixie.

"Oo naman," ang sagot niya. "Oh, ano? Go na ba?"

Tumango si Leus sa kasama at sabay silang pumasok sa kanilang klase.

"Nga pala," ang banggit ni Mixie kay Leus habang paupo sila sa kani-kanilang mga upuan. Magkatabi lang ang kanilang upuan sa bandang dulo ng silid.

"Ano 'yun?" ang ani ni Leus.

Bago pa makasagot ang kausap ay biglang tumunog ang bell at pumasok na ang kanilang propesor sa klase.

Tinawag Mo Ba AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon