[] Mula sa Puso

223 0 2
                                    

Oi! Oi! OO Ikaw! Ha-Ha-Ha.. Oo nga ikaw. Uulitin ko pa ba? Bakit? Wala lang. May tanong lang ako. Alam mo ba kung ano ang pag-ibig? Ako dati parang alam ko.

             "Ako? AKO? Magkakagusto sayo? Ang weird mo. Ang pangit mo."

Naging weird na nga ang lahatnung mga sandaling yun. Parang.. Parang biglang dumilim lang ang lahat. Nasan na ba sila? Nawawala sila.. Hindi ko na sila ramdam. Ang tahimik. Sobrang tahimik. Pero ang mga salitang yun -- yun lang ang lumilikha ng ingay. Ingay na sapat lang para mabingi ako at mabaliw sa kinatatayuan ko. 

              "Anong pangalan mo?"

Wala akong pangalan. Maaaring meron ngunit ito ay nakakubli sa isang mumunting lihim. Wala akong pagkatao. Wala akong katawang tao. Alien ako. Hindi man literal pero ganun na rin ang nakalakhan ko. Pero ang totoo nun, minsan nagiging tao rin ako. Bilang lang siguro yung mga taong nakakakita sakin. Marahil ay kanila yung talento. Maaarin nga ba?

             "Pipi ka ba?"

Tanong ng nakararami sakin. Walang tunog maliban sa paghinga ang lumalabas sakin. Panay sulat lamang ako at dahil dun ay pipi ang bansag sakin ng sino mang nais makipag-usap sakin. Panis na nga raw ang laway ko eh. Ganoon ba yun? Hindi ko na rin naman pansin pa. Tamad ako eh. Tamad akong magsalita. Tanong ko nga minsan yun eh. Kelangan pa ba yun? Ang saya nga kapagka ganito. Tahimik lamang. Ang gulo nga ng tao eh. Kapag ikaw ay maingay, panay bara nila tumahimik ka lang. Kapag naman tahimik eh pipi ka. Ha-ha.. Oo nga naman. Sabay singhay.

          "Naririnig mo ba ako?"

Pipi noon, bingi naman ngayon. Nakakatuwa lamang ano? Porke ba't di kumilos sa bawat bigkis ng salita niyo ay wala ng kapasidad upang makarinig? Rinig ko. Sadyang hindi lang kailangang magbigay ng reaksyon sa bawat kilos at salita ninyo. Tama ito.

           "Nakakaintindi ka ba?! Ang bobo mo!"

Wala akong magandang natamasa sa larangan ng inyong tinatawag na makamundong edukasyon. Wala akong medalya, wala akong parangal na natanggap, at ang mga grado ko ay di gaanong kataasan. Mahina akong umintindi sa Matematika. Mahina ako sa lohika. Mahina ako sa mga bagay na simple lang nga di ko pa masimot. Pero hindi ako bobo. Nag-aaral ako sapagkat nais kong matuto. Nag-aaral ako sapagkat parating hindi sapat ang kaalaman ko. Hindi man katulad sa mga alam niyo ang mga alam ko, tinitiyak ko pong hindi ako bobo. Ginawang balanse ang mundo. May mga bagay na hindi ko alam na alam niyo at alam niyo ngunit di ko alam. Ganun pa man, paumanhin ngunit hindi ko ibibigay ang sarili kong kapakanan, oras at utak para lang sa mga bagay na ikakatuwa niyo. Kung ano ang nais ko ay yun ang nais ko. Ngiti ka. Sapagkat may alam ka tulad ko.

         "Manhid ka. Bakit?"

Hindi ko rin alam. Pero bawat sa naunang salita niyo tungkol sakin -- Ang alam ko, may nabibiak sa loob. Siguro.. Siguro hindi ko pansin.

        "Ayos ka lang ba?"

Kung naglolokohan lamang tayong dalawa -- OO. Ayos lamang ako. Pero kung ang dikta ay sa reyalidad, sa lugar na kung saan tayo napaparoon, HINDI. Hindi ako ayos. Yung akala niyong normal din, yung taong natutuwa din. yung taong kausap mo, yung taong nagsulat nito.. Hindi. Hindi siya ayos. Kahit paulit ulit pang tanungin ito saakin, paulit ulit rin ang aking sagot. Kung gagamitan ko ng mga makatulang linggwahe, isa raw akong lumang makina sa isang pabrika sa malayong nayon. Minsan lamang ayos ngunit hindi niyo padin maigigiit na sa kanyang pagkilos ay hindi maitatagong hindi talaga siya ayos.

          "Ano bang iniisip mo? Bakit ayaw mong sabihin?"

Bakit nga ba kailangan kong sabihin ang iniisip ko? Baka kaya naman siguro hindi ko sinasabi saiyo kasi iniisip ko? Sa tingin niyo ba? Hindi nga ba ganun? Kapagod ano? Nakakapagod rin naman umintindi sa mga bagay na tumatakbo ng paulit ulit sa isipan mo. At kahit nais mong ilabas at sabihin, hindi mo magawa kasi walang sinuman ang makakaintindi nun. May hustisya ba sa tanong na to? Nasagot ko po ba?

        "Ano bang gusto mo?"

Kapag sinabi ko bang ikaw.. Maibibigay mo ba? HA-HA-HA nagpatawa pa ako. Marami akong gusto. Sa sobrang dami hindi kasya ang iilang papel at buok ng tinta sa pluma. Abot pa nga siguro ibang bansa eh. Pero sa mga oras na to, iilang bagay lang ang gusto ko. Gusto kong hawakan ang kamay mo, marinig ang boses mo, maglakad pauwi kasama mo, tumawa kasama mo. Ikaw. Ikaw ang gusto ko.

         "Ikain mo nalang yan."

Hindi ako gutom sa pagkain. Gutom ako sa bawat bagay na bumubuo sayo. Parang isang halimaw na nabubuhay sa lamang kailan man ay hindi mabibigay. Kaya mabigat.

        "Hindi ka ba natatawa?"

May ilang bagay na nagbibigay kahulugan sa 'nakakatawa' at 'nakakatuwa'. Magkaiba sila ngunit iisa nalamang yun para saakin. Ang ibig kong sabihin dito ay tatawa ako kapag ako ay natutuwa. Ang mga bagay na tinatawanan ko at kinatutuwaan ko ay manggagaling lang sa mga taong espesyal at importante para sakin. na kahit batong bato na ang mga tapon mong biro, matatawa ako.

        "Hindi ka ba nagsasawa?"

Saan? Sa madilim kong buhay? Sa luhang di ko kailan man nailalabas? Sa tuwang minsan ko lamang naramdaman? Sa sakit na dulot nila? Dulot niya? Sa maliliit at malalaking kumpol ng kalungkutan? Sa pag-iisa sa paglalakbay? Sa pagmamahal ng taong kailang man ay hindi ka mamahalin? Sa pakikipagharap sa mga natatanging kaibigan ko? Saan nga ba ako magsasawa? Hindi ako nababahala sa mga bagay na ito sapagkat mas marami pang tao ang higit na wala at nasasaktan. Ikaw? Bago ka gumawa ng mala telenobela mong pagdadrama, naisip mo ba yun? Na meron ring mga tao ang nasasaktan ng higit pa kesa sayo? Na may mga tao pang kahit kailan ay hindi pa nakita ang mga magulang nila? Na kahit kailan hindi pa sila naging buo sa buhay nila? Bagkus, hindi ako nag-antandang magsawa rito dahil buhay ko to.

        "Ako pa rin ba?"

Isa kang ilusyon at habang buhay kang mananatiling ganun. Ngunit ang lahat ng maganda sa pangit kong buhay ay nasasayo na kaya oo. Oo ikaw parin.

      "Hindi ka naman mawawala diba?"

Mawawala ako sa tabi mo. Hindi mo na ako makakausap. Pero hindi ako mawawala sa isip mo. Sumpa na ata ako eh HA-HA-HA hangin man ako para sayo, nasa paligid mo lang ako at kahit kailan, kahit itaboy mo ako, dito lang ako sa tabi mo. Hindi ako aalis.. Hindi ako mawawala.

Ngunit maririnig mo parin to kaya..

"Paalam."

Dito nalang ako.. Sana may natutunan kayo mula sa mga walang kwentang bagay na pinagsasasabi ko sa usapang to. Maraming salamat sa pagbabasa. Pupunasan ko nalamang ng maigi ang dugong kumalat at dumanak mula sa ilong ko dahil sa simpleng tagalog kong to.. "NOSEBLEED" po. :)

        May tanong ka pa ba?

                   Halika! Tanong mo lang.

-twinkletoes/RLR

Oy! Realtalk TayoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon