Simula

307 4 0
                                    

Totoong ang buhay nga ay parang  gulong; minsan nasa taas ka, minsan nasa baba. Depende sayo kung papaano mo papanatilihin ang iyong sarili sa itaas.

Masaya kami noon, bagama’t wala kaming ama nandyan naman ang aming lola upang umagapay kay Mama sa pagpapalaki sa amin ng kapatid ko. Simple at payapa ang buhay namin noon, sapat na nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Nag-aaral si Mama sa umaga at nagtratrabaho sa gabi sa isang fast food chain. Maagang nabuntis si Mama sa akin, labing walong taong gulang pa lamang siya ng iluwal niya ako at pagkalipas ng isang taon ang kapatid ko naman ang isinilang. Nagalit ang Lola ko sa kanya dahil paano niya naman kasi kami bubuhayin kung nagaaral pa lang si Mama at ang ama naman namin ay iniwan kami para sa ibang babae. Itinakwil ni Lola si Mama nang halos anim na buwan dahil sa nangyari pero sino ba namang ina ang titiis sa anak niya. Lumambot ang puso ng Lola ko at muli kaming pinatuloy sa bahay niya at sinuportahan. Hanggang sa paglaki namin si Lola at Mama ang magkaagapay. Galit ako sa ama ko dahil sa ginawa niya sa Mama namin, pero ano bang magagawa ng galit ko? Uunlad ba ang pamilya ko ‘don?

Kinalimutan ko ang tungkol sa ama ko at nagpatuloy sa buhay. Nagaral akong mabuti at nakakuha ng pailan-ilan na medalya. Nakita ko sa mga mata ni Lola at Mama ang sayang dulot ng mga parangal na natatanggap ko. Ganon din ang aking kapatid na lalake, mas marami ang kanyang inuuwing parangal at aktibo siya sa iba’t-ibang larangan ng palakasan sa eskwelahan namin.

Nasa ika-apat na baitang ako nang mag-abroad si Mama. Tumungo siya sa bansang Amerika at nagtrabaho din bilang caregiver ng isang matandang lalake na nasa 70 na ang edad. Mabait ang amo ni Mama ‘don. Buwan buwan kaming pinapadalhan ng tsokolate, damit, pera at kung anu-ano pa.

Hanggang sa namatay ang matandang lalakeng kilala namin sa tawag na Grandpa Jones, inatake siya sa puso, dahil na ‘rin sa katandaan ay hindi na kinaya ni Grandpa Jones ang lumaban pa. Umuwi si Mama ‘non na may ipon at kaukulang cheque na galing daw sa anak ni Grandpa Jones. Cheque na naglalaman ng malaking halaga ng pera kung saan napagalaman namin na isinama si Mama sa pinamahanan ni Grandpa.

Ilang araw, linggo, at buwan si Mama na malungkot. Naiintindihan namin siya nila Lola at ng kapatid ko. Marahil ay napalapit siya matanda. Ibinangko ni Lola ang cheque para magamit sa bagay na mas kinakailangan.  Pagkatapos ng limang buwan ay naging okay din si Mama, salamat sa kaibigan ni Lola'ng psychiatrist na linggo-linggong napunta sa bahay upang magserbisyo ng libre kay Mama.

Mabait si Doctora dahil ginagamot niya si Mama ng libre. Humanga ako ng todo noong mga panahong ‘yon. Isinulat ko pa nga sa listahan ko ng pangarap ang maging isang doktor.

Nang maging okay na si Mama, ginamit namin ang ipinamana sa kanya ni Grandpa Jones na pera sa pagpapatayo ng di kalakihang sari-sari store para habang nasa bahay si Lola ay napaglilibangan siya dahil simula ng maging okay si Mama ay pinahinto na niya si Lola sa paglalabada sa kung saan-saan.

Noong nasa unang taon ako ng hayskul ay siya namang nasa ikaanim na baitang ang kapatid ko ay naging mailap ang swerte sa amin. Bumalik ang matagal ko ng sakit, asthma. Kung papakinggan napakababaw na sakit para sa iba pero para sa akin para akong tinatanggalan ng karapatang huminga. Ilang linggo akong lumiliban sa klase upang magpahinga. Napabayaan ang pagaaral ko ng dahil doon. Nababawasan lagi ang perang ipinamana kay Mama para sa mga gamot ko na tila wala naman epekto sa akin.

Isang taon at kalahati pero pabalik-balik ang asthma ko, at habang natagal ay siyang paglala nito. Natanggal ako sa listahan ng mga estudyanteng may parangal pero hindi naging hadlang ‘yon para maging malungkot ako. Kung ano ‘yung pagbagsak ko sa grado siya namang pag-angat ng kapatid kong lalake. Grumaduate siya dala ang isang katagang ikinatuwa naming lahat, valedictorian.

Dahil na rin sa hirap ng buhay ay nagdesisyon na naman si Mama na mangibang bansa upang matustusan ang pangagailangan namin lalo pa’t parehas na kaming nasa hayskul ng kapatid ko.

Naging laylo naman ang asthma ko at bihira umatake kaya’t nakakabawi na ako. Ilang araw pagkatapos ng Pasko’y lumipad na si Mama patungo ulit sa Amerika upang magtrabaho muna. Naging masagana kami noong mga panahon na ‘yon.

Pero hindi rin nagtagal ay dinatnan si Lola ng traydor na sakit; sakit sa puso.

Ilang beses na inaatake si Lola, nasa ikatlong taon pa lang ako sa hayskul ‘non, hindi ko alam ang gagawin. Lagi akong natataranta kapag nakikita kong nahihirapan huminga ang Lola. Ako ang sumasama kay Lola kapag magpapacheck up siya habang ang kapatid ko ang nagbabantay ng tindahan namin.

Unti-unting naubos ang pera namin sa banko dahil minsan nagkakasabay ang sakit ko at kay Lola. Inis na inis ako sa sarili ko ‘non dahil hindi naman ganon kalaki ang kinikita ni Mama eh nagkasakit pa ako ng ganito at sumasabay pa kay Lola.

Isang linggo na lang gragraduate na ako sa hayskul nang biglang atakihin si Lola at namatay. Lugmok na lugmok kami ng mga panahon na ‘yon. Umuwi si Mama ng Pinas para asikasuhin ang burol at libing. Kinausap ko na rin ang principal naming non na kung pwe-pwede ay kumuha na ako ng pagsusulit ng maaga dahil baka hindi ako makakuha dahil sa nangyari sa amin, pumayag ang principal na ganon ang mangyari na lubos ko namang pinagpapasalamat.

Isang linggo ang napagpasyahan ni Mama na araw ng burol ni Lola para makarating ‘raw ang mga kapatid ni Lola na galing pa sa ibang bansa.

Sa araw-araw na burol, iba’t ibang mukha at pangalan ang nakikilala ko, ang iba ‘raw ang tiyuhin at tiyahin ko at ang iba pinsan ko. Sa tagal ng pagkabuhay ko sa mundo ngayon ko lang sila nakilala.

Nalaman ko kay Mama na galit daw siya sa kamaganak namin sa side ni Lola. Noong mga panahon raw na kailangan sila ni Lola hindi sila nagpakita. Habang nasa ibang bansa pala si Mama sinusubukan niyang kontakin ang mga ito para humingi ng tulong ngunit ni isang sagot ay wala siyang nakuha. Nag-apoy ang puso ko sa nalaman ko. Miski kamag-anak mo ay maituturing na plastic tulad ng mga kapitbahay namin na lagi kaming sinasabihan na walang ama at kung anu-ano pa.

Huling araw ng burol ng Lola, nakita ko ng kapatid ko na nakaupo sa sulok at nkatingin sa mga pinsan namin na may hawak hawak na kanya-kanyang sosyalin na laruan. Nakaramdam ako ng awa sa pamilya namin ng oras na iyon kaya ipinangako ko na aangat kami at makakatikim din ng buhay na masagana at marangya.

Sa mismong araw ng pagtatapos ko ay siyang libing ng lola ko. Nakapagtapos ako bilang isang salutatorian pero walang halaga ‘yon dahil hindi iyon nasaksihan ng isa pang babae sa buhay ko. Pagkatapos ilibing nang lola ko hindi muna ako umalis sa sementeryo at pinauna na sila Mama. Inilabas ko ang medalya at sertipikasyon na patunay na nakapagtapos na ako sa hayskul na pangarap namin ni Lola. Iyak ako ng iyak non at pinangako ko sa sarili ko ang maraming bagay.

Umuwi ako noon na magang maga ang mga mata at pulang pula ang ilong. Dumiretso ako sa silid ko noon at nahiga sa kama.

Matagal akong nakatitig sa kisame nang maisip ko ang isang bagay.

Magtatagumpay ako.

MagdalenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon