Prologue

33 0 0
                                    

"Anong sinabi ko sayo?" iyon ang itinanong nya sa akin habang nakatalikod sya at pinaglalaruan sa kamay ang isang ballpen.

Nanatili akong tahimik habang nakaupo sa silyang katapat nya. Alam kong kasalanan ko ang lahat-- ang galit ni Scribe at kung bakit nangyayari ito sa kanya. Gusto ko lang naman syang makitang namumuhay nang maayos, gaya ng matagal ko nang ipinangako. At dahil doon, pinoprotektahan ko sya sa abot ng makakaya ko, ano nga bang mali doon? Anong mali sa pagtupad sa isang pangako sa kabila ng sitwasyong meron ako?

Anong mali sa pagtupad sa isang pangako kahit ako'y sumakabilang buhay na?

"Higit sa labinwalong taon na ang edad nya at ni hindi ka pa rin kumikilos para ihatid sya sa Caedes?!" dagdag nya pa kasabay ng pagharap ng swivel chair nya sa direksyon ko. "Hindi ko na gusto ang ginagawa mo. Nakikita mo ba kung paano nyang hinihiling na matapos na ang buhay nya, lalo na't sobrang lupit ng mga taong nasa paligid nya ngayon?"

"Nakikita ko iyon, Scribe." blangko ang ekspresyong sagot ko. Hindi nya ako pwedeng makitaan ng kahit anong emosyon. "Bigyan mo muna ako ng palugit."

"Hindi pa ba sapat ang labinwalong taon?" mahinahong tanong ni Scribe saka nya inilapag ang isang hourglass sa mesa saka nagbitiw ng makahulugang salita.  "Bawat maling pangyayari, may kaukulang kapalit... at isang pagkakamali ang nabuhay sya."

"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ko habang nakatitig sa hourglass na nakalahad sa akin at nang pagmasdan ko iyon nang mabuti, buhanging kasing-itim ng isang aninong Penumbra ang nahuhulog mula rito. 



Malapit nang mangalahati ang laman ng ibabang parte ng hourglass at nang ibaling ko ang tingin ko sa itaas na parte nito, blangko. Wala akong makitang kahit ano bukod sa transparent na salamin na dapat ay pinagmumulan ng buhanging napupunta sa ibabang parte ng hourglass.



Napatayo ako sa kinauupuan ko kasabay ng inboluntaryo kong pag-atras. Hindi maaaring mangyari ito.

"Pasensya na, pero isang-daan at sampung araw na lang ang pwede kong ibigay na palugit. Kailangan mo na talaga syang kunin." Maawtoridad na sabi ni Scribe habang pinaglalaruan sa ilalim ng palad nya ang hourglass na ipinakita nya sa akin kanina. "Alam mo ang mangyayari kung sakaling—"

Agad akong tumango. "Naiintindihan ko, Scribe. Bigyan mo ako ng tatlong araw, sisimulan ko na ang pagsundo sa kanya."

"Ikaw ang bahala." Sagot ni Scribe. "Misyon mo yan, basta't tapusin mo sa binigay kong deadline, magiging maayos ang lahat. Iyan na ang huling palugit na maibibigay ko, tandaan mo."

Into The Scattered LightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon