Kamusta ka na? Sana masaya ka na. Natatandaan mo pa ba ko? Sana oo pero malamang hindi na. Sino nga ba kasing tao ang gusto pang umalala sa taong pinagtabuyan siya palayo. Sobrang nasaktan ba kita? Pasensya na ha. Hindi ko naman sinasadya eh. Nakailang habol kana sakin pero tinulak pa rin kita palayo. Ang hirap eh. Ang hirap hanapin ng sarili ko. Pasensya na ha, pati ikaw nadamay sa galit ko sa mundo. Pasensya na ha, kung ang tigas tigas at ang lamig ko na. Pasensya na ha, hindi ko magawang maging masaya kahit na nandyan ka pa. Pasensya na ha, patuloy parin kitang itinulak palayo.
Ang swerte ko. Nandyan ka nung mga panahong sobrang down na down ako. Nandyan ka nung mga panahong hindi ko na makilala ang sarili ko. Nandyan ka nung mga panahong wasak na wasak ako dahil sa pamilya ko. Pasensya na ha, patuloy parin kitang itinulak palayo.
Nasasaktan ako kasi nasasaktan kita eh. Naaawa ako sa tuwing nagmamakaawa ka para lang maging maayos ako. Nalulungkot ako kapag umiiyak ka kasi naaalala mo ko pati yung mga alaalang nabuo. Nadudurog ako kasi nawasak kita. Pasensya na ha, patuloy parin kitang itinutulak ng panahon.
At ngayon, maiintindihan kita kung galit ka sakin. Sino ba namang hindi magagalit kung ang babaeng binigyan mo ng lahat eh patuloy ka paring itinulak palayo? At ngayong nakikita kong lumayo ka na nga at naging masaya sa iba ay nasasaktan ako. Nasasaktan ako kahit na hindi na dapat. Kasi kasalanan ko ang lahat. Nakakaya mo na ng wala ako. Nasasanay ka na sa ibang tao. Natutuwa ka na sa ibang tao. Samantalang ako, nandito pa din. Tinitingnan ka sa malayo.
Salamat ha? Salamat sa lahat. Pasensya na sa mga salitang nabitawan ko. Pasensya na kasi nagbago ko. Pasensya na kasi itinulak kita palayo.
