Mula ng makilala ka sa isang klase, ang buhay ko ay nadagdagan ng saya. Isang kaibigan na sa isang iglap ay nakagaanan ng loob. Hindi maipaliwanag ang nadaramang saya simula ng makilala ka. Nang dumating ang araw na ika'y nagyayang gumala sa kahit saan tayo abutin ng iyong motorsiklo. Hanggang sa napagtantong magpunta sa baybayin ng dagat at pagmasdan ang paglubog ng araw. Marami ang nagtaka, marami ang naghinala, pero higit sa lahat, marami ang may gustong mauwi sa tunay na hinala ang kanilang inisip hinggil sa kung anuman ang kanilang nakikita. At dahil masaya ako, binalewala ko ang lahat ng kanilang sinasabi. Pagbabalewalang hindi ko inakalang hahantong sa aking nadarama ngayon.
Pagsisisi. Oo, pagsisisi. Balikan natin ang nakaraan, nakaraang masaya ako bilang ika'y naging malapit sa akin. Marami ang nagsasabing bakit hindi nalang ikaw, bakit hindi niyo nalang totohanin, kung bakit hindi ko pa sinagot. Paano, paano ko sasagutin ang taong ni minsan naman ay hindi ako sinuyo. Baka isipin, 'assuming' ako pero, di nga ba? Di nga bang umasa ako na higit pa sa kaibigan ang iaalay mo? Lumipas ang mga araw, lumipas ang mga taon, ako'y nag desisyon na lisanin ang bansa at makipagsapalaran sa kabilang ibayo. Pero hindi hadlang sa ating pagkakaibigan ang maging malayo sa isa't-isa. Patuloy pa rin ang ating komunikasyon, at pagbabalitaan sa isa't-isa. Mas lalo kitang nakilala. Mas lalo akong humanga sa aking kaibigan, at mas lalo kitang minahal. Hinangaan kita sa iyong mga pagkakamali, sa iyong ugali, sa pagmamahal mo sa iyong ina at higit sa lahat ang iyong buong pagkatao. Oo, kaibigan lang ang iyong turing gayon din naman ako.
Kahit alam ko sa sarili kong sa lahat ng naging kaibigan kong babae, ikaw lang ang nakikita ko sa aking hinaharap na gusto kong makasama hanggang sa ang buhok ko ay maging kulay abo. Aaminin ko, nuon pa man hindi lang kaibigan ang aking nadarama. Pero pinilit kong iwaglit sa aking isipan lalong-lalo na sa aking puso ang aking tunay na nadarama. At kung bakit, dahilang mababaw na hindi mapagtanto. Iisa lang ang ayaw kong mangyari. Ang mawala ka kapag naging tayo. Takot, takot na baka isang araw, magising nalang ako, wala kana sa buhay ko. Kaya't tiniis ko ang mga panahong kaibigan lang ako sayo. Kahit na may mga araw na gustong gusto ko nang sabihin sayo at sa lahat ng tao ang tunay na nandirito sa puso ko.