Naaalala ko pa dati, tatlong taon na ang nakararaan, bigla mo nalang akong ginawang ka-'in a relationship' sa facebook na walang pasintabi, sa hindi ko malamang dahilan kung bakit ni hindi ko na nakuhang magtanong. Disinsanay nagtapat ka lang sigurado naman akong hindi ka mabibigo. Sa laking gulat ko na may halong tuwa, tinanggap ko ng buong puso. Katunayan sobrang saya ko nuon pero hindi ko ipinapakita. Ansarap lang sa pakiramdam na matawag na 'boyfriend' ng taong mahal mo, kahit kunwari lang. Ang alaala na yon ang nagbibigay sa akin na baka sakali isang araw, magkatotoo. Baka sakali lang naman. Baka sakali mahalin mo rin ako ng tunay. Baka sakali maging tayo sa bandang huli.
Pero bago ko tapusin ang bawat estoryang ito, gusto kong malaman mo na masaya ako sa bago mong kaligayahan. Masaya ako na sa wakas may makakasama ka na ring mag plano ng kinabukasan mo, gaya ng iyong palaging sinasabi sa akin. Kahit na minsan gusto kong sabihin na, ako, puede mo naman akong maging katuwang sa buhay panghabang-buhay. Pero hindi, kailangan kong pigilan ang aking sariling masaktan muli at marinig ang mga katagang, may magmamahal din sayo balang-araw. Narinig ko na yan minsan, ayoko ng maulit pa. Nakabibingi, alam mo ba. Hahayaan kitang maging masaya sa piling niya, kakayanin kong masaktan ng paulit-ulit makita lang kitang masaya. Dahil ang pagmamahal ko sayo ay higit pa sa isang matalik na kaibigan, higit pa sa isang kapatid, higit pa sa isang 'soulmate'. Mahal kita hangga't ako'y nabubuhay. At mamahalin kita hanggang sa kabilang buhay.
Asahan mong hindi ako magbabago at nandirito lamang ako sa tuwing kailangan mo ako. Baka sakali mahalin mo rin ako katulad ng pagmamahal ko sayo. BAKA SAKALI MAGING IKAW AT AKO.