Tanging Mahal

2.5K 156 427
                                    

Shout-out kay @annavi16 hi! Hahaha... Tenkieeeee sa comment mo sa entry ako *wink, wink*

Napaigtad ako nang ihagis ni Vince ang kaniyang sariling aparato sa kama. Nagising ako nang pabigla niyang buksan ang pinto at heto nga, muntik pang tumama sa mukha ko iyon.

"Hayop ka! Anong ibig sabihin niyan?!" halos lumabas na ang litid niya sa leeg sa sobrang panggagalaiti habang nakakuyom pa ang dalawa niyang kamao. Napabalikwas na ako ng bangon dahil pakiramdam ko, anumang oras ay kakantihin niya ako.

"Ano bang problema?" medyo paos pa ang boses ko kaya nakailang tikhim muna ang aking ginawa.

"Ayan o, tingnan mo!" Agad siyang lumapit sa bandang kanan ko at dinampot ang selular. Napaatras ang ulo ko dahil halos ipagduldulan niya ito sa aking pagmumukha.

Ang kaninang inaantok ko pang diwa ay biglang nagising ng tuluyan. Tumambad sa akin ang dalawang taong nagtatalik at tila ba sarap na sarap sa kanilang ginagawa. At ang malaswang palabas na iyon ay ako mismo ang bida.

"Ano, naalala mo na ba kung gaano kayo nagpasarap?" Sinabunutan niya pa ang ulo ko para mapatingala. Pakiramdam ko ay mapuputol ang pagkakahugpong ng aking leeg sa aking katawan. Subalit, tikom ang bibig na umiling ako nang umiling.

"Hindi mo maalala o hindi mo sasabihin?!" Naramdaman ko pa ang nagtalsikang laway mula sa kaniya pero wala akong pakialam. Itinulak ko siya para tuluyan akong makawala sa higpit ng kaniyang pagkakahawak. Sapo ang nasaktang ulo habang mataman akong nakatingin sa kaniya.

"Hindi ko alam kung paano 'yan nangyari," mahinang sambit ko pero sapat para lalo siyang manggalaiti sa galit.

"Hindi mo alam?! Hindi mo alam, pero sarap na sarap ka?! Heto, titigan mo. At ang mas matindi, tatlo kayo. Ang bababoy n'yo!" Inambaan niya akong sasapakin, pero buti na lang at hindi niya itinuloy. Umiiyak na naiharang ko ang dalawang braso sa aking mukha habang siya ay malakas na napasigaw. Malakas na kalabog nang isinarang pinto ang tuluyang nakapagtayo sa akin.

Kailangan kong magpaliwanag.

***
Isang linggong hindi ako kinibo ni Vince. Sa loob ng halos tatlong taon naming pagsasama, ngayon lang nangyari ang ganito. Kahit anong paliwanag ang gawin ko, hindi siya nakikinig. Hindi ko naman talaga alam ang bagay na iyon. Ang huli kong alaala, inimbitahan ako ng matalik kong kaibigan na si Gemma sa mismong kaarawan nito. Sobra siguro akong nalasing kaya hindi ko na alam ang sunod na naganap. Kita naman sa palabas na halos lupaypay na ako at nakapikit pa habang may dalawang lalaki akong kaniig.

Isang linggo ko na ring kinokontak si Gemma, pero hindi naman niya ako sinasagot. Kaya ngayon, pinuntahan ko na siya sa kaniyang tinutuluyan. Nanlumo ako dahil mukhang walang tao sa loob, saradong-sarado iyon at wala man lang indikasyon na may magbubukas sa akin kung sakali mang kumatok ako.

Paalis na sana ako nang may humintong kotse sa aking harapan. Nabigla ako dahil kilalang-kilala ko ang kotseng iyon. Tikom ang bibig na hinintay ko ang mga taong bababa. Kahit pa nais ko silang sugurin, parang hindi ko maihakbang ang aking mga paa lalo pa at nakumpirma kong tama ang aking hinala.

"Bes?!" namumutlang hindi malaman ang gagawin ni Gemma nang masilayan ako sa tarangkahan ng kaniyang tinutuluyan. "Anong ginagawa mo rito?"

Halos sabay pa kaming napalingon nang bumaba ang nagmamaneho ng kotse. "Narito ka lang pala. Galing si Gemma sa bahay at hinahanap ka. Hinatid ko na rito nang hindi ka namin makontak," malamig pa sa yelong saad ni Vince. Matapos na isara ang pinto ay sumandal lang siya sa kotse habang matamang nakatingin sa amin.

Tanging Mahal - One ShotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon