Hindi pa man nakakalayo ay nakakaramdam na ako ng hilo. Sana ay hindi nalang ako nag bus. Nasusuka ako, langya! Sinubukan kong umidlip kahit hindi naman ako inaantok. Para akong sumakay sa space shuttle ng paulit-ulit. Hindi ko na kaya. Gusto ko nang bumaba!
Kinalabit ko ang mamang katabi ko, nakakahiya man ay kailangan ko siyang istorbohin sa mahimbing na pagkakatulog. Hindi ako makakadaan kung hindi niya ililihis ang mga tuhod niya. Ang laking tao niya. Ang sikip! Nakaisa, dalawa, tatlo hanggang apat na kalabit at tawag ko sa kanya ay hindi niya ako naririnig. Baka makulitan siya sa'kin at bigla niya akong sapukin. Tsk!
Nakanganga pa siya, naghihilik at tumutulo ang laway. Paano na akong bababa nito?!
Dito ako nakaupo sa kaduluduluhan at kasuluksulukan. 'Pag minamalas ka nga namang talaga. Huminto ang bus sa tapat ng waiting shed kung saan isang kumpol na pasahero ang nag-aabang. Sa isang iglap ay napuno na ang bus at hindi ko na nakuhang tumayo man lang. Wala na, wala nang pag-asa.
Ipinikit ko nalang muli ang mga mata ko at sumandal. Lumipas ang limang minutong pakikinig sa hilik ng katabi ko ay biglang...
"Huuuuy! Ene be! Nakikiliti nge eke! Weg keshe... Hihihi!"
P*cha! Ano daw?!
"Ohhh...ohhh...Hihihi! H-hop na baby! A-ayoko na! Hahahaha! Sssshhh! Nakakahiya oh, ang ingay ko... wag kasi dya-hihihihi ayok-hahahahayoko na... tama n-na!"
Anak ng tinapa naman oo! Ang haharot ng mga hinayupak! Baby, baby! Maghihiwalay din kayo niyan, mga tukmol!
Kung kailan namang hinihila na ako ng antok ay saka naman nagharutan 'tong mga 'to. Nakapwesto ako sa dulo, sa kanang bahagi ng bus kaya literal na nasa sulok ako. Sumulyap ako sa bandang kaliwa, sa pangatlong upuan mula dito sa dulo. Doon nanggagaling ang maharot na hagikgikan. D*mn it.
"Baby! Ang sikip naman! Wala na bang space dyan?!" Lalo akong nainis sa pagba-baby talk niya, hindi naman bagay. Napapakunot nalang ang noo ko, parang mas lalo akong masusuka!
"Sagad na 'to baby. Gusto mo isagad ko pa?" Ay! Anak ng tutcha, ang sagwa ni brad!
"Huy! Ano ka ba! Ang naughty mo! Hihihi! Ang taba naman kasi niyang katabi mo!"
"Ssssh! Baka marinig ka by, hahaha!"
"Totoo naman! Look, oh? Ang sikip-sikip kaya!"
Mga p*tragis! Ba't kasi di nalang kayo nagtaxi?! First time kong mag-commute at akala ko ay mag e-enjoy ako. Kung ganito ang makakasalamuha kong pasahero ay mas gugustuhin ko yatang maglakad na lang.
Hindi ko alam kung hindi nila alam hinaan 'yung mga boses nila, o sinasadya talaga nilang paringgan yung katabi nilang nasa dulo. 3 seater kasi itong bus, si maarte nasa tabing bintana, sa gitna si Boy Toothpick, tapos katabi niya 'yung... tao. Hindi ko alam kung babae o lalake dahil nakatalukbong. Malamang ay natutulog siya, malas lang at doon pa siya natabi sa dalawang maharot na maingay. Natatanaw ko lang sila sa pagitan ng mga pasaherong nakatayo. Nakita ko lang na itinaas ni Boy Toothpick 'yung kamay niya para mag-adjust ng aircon, sa payat niyang 'yon ay talagang maninigas siya sa ginaw.
Mukhang mahimbing din ang tulog ng isang 'yon. Hay! Buti pa sila.
Ilang saglit pa ay unti unti nang lumuluwag ang loob ng bus pero may mangilan-ngilan pa rin na nakatayo. Hindi lang tulad kanina na parang nagsisiksikang sardinas.
Makalipas ang sampung minuto...
Naririnig ko nanaman ang malanding bungisngis ng babae. Ang likot pa nila! Ngayon ay mas natatanaw ko na sila mula rito dahil kaunti na lamang ang standing. Nagkikilitian silang dalawa, langyang 'yan! Hindi kaya sila nakakahalata na ang ingay na nila? Ang ilang pasahero ay pinagtitinginan na sila.