#2

12 1 0
                                    

Ang daming tanong ang tumatakbo ngayon sa aking isipan: "Nasaan ka na ba?" "Bakit bigla kang nawala?" "Naaalala mo pa ba nung huli tayong nagkausap?" "Anong nangyari, bakit iniwan mo ako sa ere?"
Iilan lang ito sa maraming katanungang meron ako para sayo. Pero sa ngayon, bibigyan muna kita ng pito.

Una. Kumusta ka na?
Siguro masaya kaya bigla mo nalang akong nakalimutan. Naalala ko kasing ang lungkot mo pala noon at may problema ka kaya mo ako kinausap muli matapos ang ilang taon. Sana ipinagpatuloy mo nalang ang hindi pagpansin sa akin dahil ganito rin pala ang iyong gagawin ngayon.

Pangalawa. Nasaan ka na ba?
Nasaang lupalop ka na naman ng mundo naroroon? Buti ka pa nakagagala ng walang dala dalang mabigat sa puso mo. Ako kasi, simula noon, saan man ako magpunta, dala dala kita dito... dito sa puso at isipan ko. Ang tanga ko ba? Hindi kita magawang iwanan at bitiwan man lang kahit saglit. Natatakot kasi akong baka pag nagkasalubong tayo ay di ko na alam pati pangalan mo. Gusto ko kapag binitiwan kita, alam mo. Kasi alam kong pag binitiwan na kita hinding hindi na kita pupulutin pa.

Pangatlo. Bakit bigla ka nalang nawala?
Ganun ba talaga kadaling iwan ang isang tao na wala man lang paalam? Parang isang anak na hindi magpapaalam sa magulang dahil alam na di papayagan? Sana kahit papano sinabi mo saking, "Uy, okay na kami. Aalis na akong muli. Salamat sa mga oras na dinamayan mo ako. Sa mga gabing nagpuyat ka makausap lang ako. Sa pagsabi saking magiging okay rin kami. Salamat sayo." Kung sana kahit papano may pasabi ka, e di sana hindi na kita hinahanap at tinatanong pa.

Pang-apat. Naaalala mo pa ba yung huli nating pag uusap?
Yung pag uusap natin kung saan ipinaramdam mo saking sa puso mo ako'y may puwang pa rin. Yung pag uusap nating alam kong meron pang pag-ibig. Pag-ibig? Ganito pala talaga ang umibig. Ang tanga ko na naman ba? Kasi naniwala ako sa matatamis mong salita? Sana hindi mo nalang sinabi upang hindi ko narinig, upang hindi ko nadamang meron pa talagang pag-ibig, para hindi na ako umabot sa

Panglima. Anong nangyari, bakit iniwan mo ako sa ere?
Hinayaan mo akong nakakapit sa mga sinabi't ipinaramdam mo. Dahil ba okay na kayo kaya ganun nalang kadali sayong iwanan ako? Ako na nilapitan mo nung may problema kayo? Ako na alam mong nandito para sayo? Kasi yun ang sinabi natin sa isa't isa noon, "Nandito lang ako." Yun na nga, andito ako at nandyan ka. Nandito ako mag isa at nandyan ka kasama siya. Ang tanga ko ba kasi 'noon' na nga diba? Parte nalang ako ng kasaysayan mo. Parte nalang ako ng kasaysayan mo pero isinama mo ulit sa kasalukuyan mo. Tapos ngayon, nasa noon na naman ako kasi iniwan mo ulit ako. Saan ba talaga ako? Ganun nalang ba ang role ko sayo? Babalik ka sa noon, kakatok ka't gigisingin ako dahil may problema kayo ng kasalukuyan mo?

Pang-anim. Totoo ba yung mga sinabi mo sa akin?
Oo, sige na. Sana ito muna ang tinanong ko bago ako kumapit. Dapat ito muna ang tanong ko at di na kita kinamusta pa. Dahil ako nga hindi mo na naalala. Itatanong mo pa ba ang isang bagay na ramdam mo naman kung ano ang kasagutan?
Oo!
Oo!
Oo!
Dapat pala talaga nagtanong muna ako. Kasi baka mali lang pala yung naramdaman ko nang sabihin mong, "Ang galing, andito pa rin tayo. Andito ka pa rin pala. Hindi ka pala nawala." Pakisabi saking tanga ulit ako dahil naniwala ako sa mga sinabi mo.

Pangpito. Ang pinakahuling katanungan ko. Katanungan na hindi ko na dapat pang itanong kasi alam ko naman ang sagot. Pero ito na.
"Mahal mo pa ba ako?" "Nandiyan pa rin ba ako sayo?" Okay. Umabot na ako sa walo. Kailangan kong itanong kasi baka mamaya mali pala ang sagot ko. Maaari ba namang mahal mo ako tapos mahal mo rin siya? Alam kong hindi, kaya kung pwede pakilinaw mo naman sa akin? Siyam. Kasi nakakapit pa rin ako sa mga sinabi mo kahit alam kong baka kaya mo lang nasabi ang mga ito dahil nga may problema kayo. Sabi nila, actions speak louder than words, pero ngayon mas gusto kong sabihin mo sa akin. Dahil nakakakita ako ng lungkot sa mga mata mo pag nagkakasalubong tayo. Lungkot dahil ba mukha akong tanga? Lungkot dahil alam mong bigla kang nawala? Lungkot dahil wala kang magawa? Lungkot kasi nagsinungaling ka? Sige na, aabot pala ako sa sampu. "Mawawala rin naman lahat to diba?"

 PS. Hindi ko na itatanong kung bakit mo ako binlock. Siguro nga alam ko na talaga ang kasagutan sa lahat ng ito. Gusto ko lang maliwanagan.  

Frustrated WriterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon