Hindi alam ni Kalen kung anong nagtulak sa kaniya na pumayag, ngunit ito siya ngayon, hawak ang isang labasa na pinangtatabas ng patilya ni Manton.
Wala na ang mahabang buhok ng bampira. Ang tuktok nito ay wala pang dalawang pulgadaang kapal at nakaayos papunta sa likod. Inaayos na lamang niya ang iba pang detalye bago tuluyang matapos.
Na lubos naman niyang ikinatutuwa dahil malapit na sa wakas ang paghihirap iwasan ang paningin ng lalaki at ang pagtama ng kaniyang balat dito. Malamig ngunit nakapapaso. Dapat talaga ay hindi niya tinulugan ang mga klase noon para maipaliwanag ito sa sarili.
"Tila, sanay ka nang gawin ito, Binibini," panimula ni Manton, swabeng boses ay pumutol sa katahimikang namamagitan sa kanila.
"Ako ang nagtatabas kay Papa minsan. Mas madalas naman kay Heneral Andrada." Nasa gilid siya ng bampira at mapalad siya't hindi niya nakikita ang pula nitong mata na nakatitig sa salaming nasa harap nila—sa repleksyon ni Kalen mismo.
Nasa isang silid sila na mas tamang tawaging parlor. May isang mahabang sopa at dalawang pang-isahan. Nakaupo sa huli si Manton na parang isang hari. Marahil ay nadadala ito ng kaniyang anyo at pwesto—naka-de cuatro habang ang mga braso'y nasa sandalan sa gilid. Diretsong-diretso ang katawan nito maski matagal na siyang nasa ganoong posisyon.
Mayroon ding tsiminea na nakasindi kahit mataas ang sikat ng araw. Nakasara kasi ang mga bintana't kurtina.
"Heneral Andrada..." pagmumuni nito. "Normal ba ang gano'n sa mga sundalo?" taas kilay niyang pang-uusisa. Bahagyang gumalaw ang ulo niya at hinawakan ng sundalo ang kaniyang panga upang ayusin ito.
Ikinubli niya ang reaksyon sa kuryenteng dumaloy sa katawan nang hawakan ito. Naramdaman naman niya ang pag-ngiti ng bampira.
"Kaibigan siya ng mama ko bata pa lang ako. Marahil dahil din sa pag-iidolo ko sa kaniya kaya ako nag-sundalo."
Ang atensyon niya ay nakatuon sa patalim, ngunit naalala niya ang binabalak kanina. "May sasabihin pala 'ko."
Nabigla siya sa lamig na dumapo sa kaniyang pulsuhan na napaatras siya at nahiwa ang sariling kamay. Kaagad ding napatayo si Manton—nakahawak pa rin sa kaniya. Hindi naman siya nasaktan ngunit bakas sa mukha ng lalaki ang pag-aalala habang nakatingin sa tumutulong dugo sa sahig.
"Ayos lang ako."
Bumitiw si Manton at umalis. Pagkabalik niya'y may bitbit na siyang paunang lunas.
"Maupo ka," mariin nitong utos na ikinagulat ni Kalen.
"Ako nang bahal—"
"Upo." Matalim ang tingin nito sa kaniya kaya minabuti niyang hindi ito kwestiyunin. Galit ba ito sa kaniya?
Nakangiwi niya itong sinunod habang nakaangat ang nasugatang kamay. "Hindi ko naman 'to ikamamatay," aniya nang kunin ng bampira, ngayo'y nakaluhod sa tapat niya, ang nahiwa niyang kamay.
Marahan nitong pinunasan ng basang bimpo ang dugo sa kaniyang kamay. Ang buong atensyon ay nakatuon lamang dito. Bahagya siyang nahiya na baka magbigay komento ito ukol sa magaspang niyang kamay. "Ano 'yong nais mong sabihin?" Nagsusungit pa rin ito, hindi man niya malaman kung bakit. Kunot ang noo ni Manton, ikalawang beses niya na makita ang isang sinserong reaksyon sa mukha nito. Ang una'y ang ngiti nang una silang magkakilala.
"Magpapadagdag ako ng karagdagang sundalo sa perimeter ng mansyon. Wala ka naman sigurong tutol? Lalo pa sa nangyari kanina."
Nanumbalik ang nakatutunaw nitong mga mata sa kaniya. "Kailangan ba? Hindi pa ba sapat ang proteksyon ko para sa 'yo?"
Kung hindi naging sapat ang pulang mga hiyas na wari'y para sa kaniya lamang, ang mga salita nito ay nagbigay sa kaniya ng kakaibang pakiramdam, mga paru-paro sa kaniyang tiyan, pagbilis ng tibok ng puso.
"P-para sa presidente." Binawi niya ang kaniyang kamay na hindi na dinudugo.
Pinasadahan niya ng tingin si Manton. Sa palagay niya'y malinis naman na ang pagkakagupit niya rito. Muli niyang hinanap ang boses na halos laging naliligaw sa presensya ng lalaki. "Tapos na 'ko. Aalis na ako't nang makapaglinis ka na."
Hindi na niya hinintay ang pagsagot nito at kaagad na tumayo upang umalis. Nararamdaman niya ang init ng titig nito sa kaniyang likod at mas binilisan ang paglalakad.
Minabuti niyang ilihis ang isipan habang binabaybay ang pasilyo ng mansyon. Nakatulong din na nakaramdam siya ng panginginig sa suot na pantalon. Inilabas niya ang pager doon at binasa ang mensahe sa maliit na kagamitan.
Papunta na ako.
Kilala niya kung kanino galing ito—sa kaparehang taong nagbigay sa kaniya ng aparato.
At ang isa sa tatlong tao na kaya siyang pakabahin nang ganito.
"Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!"
Pagkatapos ng kanta na ilang ulit ikinarolyo ng kaniyang mata—bagamat hindi nawawala ang ngiti sa kaniyang labi—ay hinipan niya ang labing pitong kandilang naghihintay sa kaniya sa ibabaw ng keyk.
Hinagip siya sa isang yakap ng isang babaeng malapit sa kaniyang edad. Nakangisi naman niya itong binalik. "'Wag ka naman umiyak, Kalen. Nag-ambagan naman kami para sa cake na 'yan kaya no biggie!"
"Lokaret ka, Jane. Hindi naman ako umiiyak," tugon niya rito nang maramdaman ang panggugulo sa tuktok ng kaniyang buhok.
Nilingon niya ang isang matangkad na lalaki sa kaniyang gilid. May makapal itong kilay at kayumangging kulay.
"Oo nga naman, Jane. Big girl na si Kalen, 'no." Nang gawaran siya nito ng ngiti ay lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang pisngi ng binata. Awtomatikong nagbuhol ang kaniyang tiyan at ginawa niya ang pinaka-rasyonal na naisip niyang gawin sa oras na 'yon—ang suntukin ang lalaki, na ikinatawa lang nito.
"Sige, Lloyd, mang-asar ka lang."
"Group hug na nga lang!" suhestiyon ni Jane.
Hindi na naghanda pa si Kalen ng mga plato sapagkat pagdating pa lang niya galing sa pinagtatrabahuan ay bumaliktad na ang maliit nilang bahay. Kung anu-anong dekorasyon ang makikita rito mula sa lobo, mga ginupit na papel hanggang sa banderitas na halatang minadali.
Ngunit nanaig sa puso niya ang init ng pagpapahalaga sa kaniya ng dalawang kaibigan. Sa presensya pa lamang nila ay masaya na siya.
Naghuhugas siya ng mga pinggan nang pahampas na bumukas ang pinto. Naliliyo nitong pinasok ang bahay, halos nakapikit na sa kalasingan. Napahawak si Kalen sa braso kung saan may naiwan pang marka ng pang-aabuso nito.
"Tito, gawa'n kita ng kape?" alok niya rito. Tanging haluyhoy ang naisagot nito sa kaniya bago dumiretso sa kwarto.
Ngunit nabalik ang atensyon ng dalaga sa pinto kung saan dumungaw ang isa pang matandang lalaki, nakasimangot at tila hindi nababagay sa mumunting bahay na ito.
BINABASA MO ANG
Sweettooth
FantasyHindi ordinaryo si Kalen at alam niya iyon. Bata pa lamang ay may kakaiba na siyang lakas ng pandama, higit sa mga kalaro niya. Mas matalas ang kaniyang pang-amoy, paningin, pandama, panlasa at pandinig. May kakaiba rin siyang resistensya na hindi k...