Sa mga oras na iyon marahil ay tulog na siya, aniko.
Kasabay ng pagduyan ng mga tinanim sa gilid ng aming bahay, kung saan tumitilaok na ang manok, at nagmamadali ang mga tao sa palibot sa paggising ay saka ko pa lamang napansin na alas-kwatro na pala ng madaling araw. Kaya pala, kaya pala panay na ang pagtiklop ng aking dalawa mata mula sa durungawan kung saan ko tinatanaw ang nakaraang gabi, gabing isinusuka ng aking kamalayan.
Mabagsik at mangalit ang oras na iyon. Hindi ko inaasahan na sa bawat patak ng ulan ay saka rin siya mayayamot sa paligid, saka niya pagdidiskitahan ang aking pagkatao; saka niya ako lulutuin ng hilaw sa karimlan. "Ayoko ko sa dilim, ayoko!" pagsusumamo ng aking isipan. Hindi ako sanay sa ganoong pagkakataon at lalong ayokong magdusa sa karimlan ng mag-isa dahil lamang sa aking kasakiman na kainin ang isang pirasong tinapay na dapat ay haponan niya.
Oras, minuto at segundo ang aking binibilang kasabay ng napakalakas ng kalabog ng aking puso. Maluha-luha at madapadapa ako sa sakit na nararamdaman. Sa isang silyak at dampi niya ay tila ba tinakpan ako ng langit; tila inunahan ako ng pagkakataon na maranasan ang ganoong tema ng buhay. Masakit at nakakayamot ngang isipin na sa isang dampi ng napakabigat niyang kamay ay sisilyak ang aking pagkatao; napukaw ang mura kong edad na sa kamusmusan ay sumasamba.
Nagising na lamang ako sa pangalawang katotohanan ng biglang bumungad sa aking mga mata si haring araw kasabay sa sabay-sabay ng paghuni ng ibon sa may luntiang damo. Ngunit, tandang-tanda ko pa rin. Patuloy na nakapako sa aking isipan ang kasamaang ginawa ng itay. Kung papaano niya nilagyan ng sugat ang aking puwetan; kung anong luha ang ibinuhos ng aking mata sa magdamag.
Ng dahil sa kapirasong tinapay ay binigyan niya ako ng madilim na gantimpala. Napagtanto ko bigla, "Ganoon nga ba sila? Porke bata ako? Porke wala akong laban? O baka naman hindi niya ako tunay na anak? Ampon nga lang seguro ako. Masakit. Napakasakit."
Lumipas ang mga araw ay ni hindi ko kinibo ang itay. Ni wala akong kinausap sa bahay maging ang aking ina at mga kapatid. Alam ko ring dama ng aking mga kadugo ang aking hinihikbi; ang aking nararamdaman; ang hinanakit na gusto kong pasabugin sa kanila. Alam ko. Alam ko.
BINABASA MO ANG
Sa Unang Dampi ng Itay
Non-FictionMay mga araw na itunutulak tayo pabalik sa ating pagkabata. May mga oras na dahan-dahan tayong hinihimas ng mga masasaya't malulungkot na araw ng ating kabataan. Hindi masama ang dumungaw pabalik sa ating pinanggalingan. Aminin man natin o hindi, do...