Chapter One

21 0 0
                                    

Kung meron man akong ayaw marinig sa araw-araw na ginawa ng Diyos, iyon ay ang tunog ng aking alarm clock. Maingay siya. Goal talaga niya na magising ako mula sa mahimbing na pagtulog. At hindi siya titigil hangga't hindi ko siya binibigyan ng atensiyon. Sinubukan kong tumagilid at takpan ang tenga ko. Maingay pa din. Parang nangangasar. Bakit nga ba kasi patuloy ko pa din inilalagay ang alarm clock ko malapit sa pintuan? Ugh. Wala na akong choice. Kailangan kong bumangon para lang mapahinto ang pag-iingay niya. Bumangon ako na kukurap-kurap pa ang mga mata. Malaki ang kuwarto ko. Mga ilang hakbang din ang layo ng pinto mula sa kama ko. Hay. Wala na. Gising na ako. Hindi na ako makakaidlip pa kahit 5 minutes lang. Kinuha ko ang alarm clock sa may ibabaw ng mesa at pinindot ang off button. 5:30am na. Kailangan ko na maligo at mag-ayos. Kailangan ko pumasok sa school. Kailangan ko makapagtapos para makahanap ng magandang trabaho, makapagpundar ng sariling bahay at makaalis dito. Katulad ng mga nagdaang araw, naririnig ko na naman sila daddy at mommy. Nagtatalo na naman sila. Nagsisigawan. Siguro nagkakasakitan. At wala akong magawa kundi magkulong sa kuwarto ko at pakinggan lahat ng mga masasakit na salitang binibitawan nila sa isa't-isa. Hindi ko naman daw kasi naiintindihan kaya huwag na lang daw ako makialam. Ibinalik ko ang alarm clock sa ibabaw ng mesa, ayokong ma-late sa school.

"Good morning, Maam Grace." Narinig kong bati sa akin ni Yaya Mildred. Buti pa si yaya, lagi akong binabati ng ngiti. Kahit papaano, gumagaan ang loob ko.

"Good morning din, ya." Balik kong bati sa kanya at naupo ako sa hapag-kainan. Masipag ang yaya ko. Mula pagkabata, siya na ang nag-aalaga sa akin. Alam na alam niya ang mga paborito kong pagkain kaya naman palagi akong busog bago umalis ng bahay papuntang school. "Kain tayo, ya." Paanyaya ko sa kanya kahit pa alam kong tatanggihan niya lang din. Isang araw kasi, nakita ni mommy na sumabay si yaya sa akin sa pagkain ng almusal at nagalit siya dito. Magmula noon, hindi ko na siya mapilit pa na kumain at sabayan ako.

"Sige lang, Maam Grace. Kumain na kayo. Tapos na po ako mag-almusal." Excuse ng yaya ko. Alam ko namang makakakain lang siya pag-alis ko ng bahay. Hindi ko na siya pinilit pa, bibilisan ko na lang ang pagkain para makaalis na ako agad.

"Grace, pahingi naman ako ng 500 oh." Saglit akong natigilan nang makita ko ang nakatatanda kong kapatid. Hindi ko alam kung kailan ko siya huling nakita. Hindi na siya madalas umuuwi ng bahay at nakikitulog lang sa mga kabarkada niya.

"Kain ka muna, kuya." Nakangiti kong sabi pero kumunot lang ang noo niya.

"Nagmamadali ako. Sige na. Pahinging 500. Ubos na ang allowance ko baka pagalitan pa ako ni dad kung manghingi ako. Ibabalik ko na lang next week." Sabi ni Kuya David. Hindi ko alam kung bakit parang gusto kong umiyak. Wala na ba talaga akong pwedeng makasabay kumain sa bahay na 'to? O makausap man lang? Pero hindi. Hindi ako iiyak. Pagod na akong umiyak. Kinuha ko ang wallet sa aking bag at humila ng 500 peso bill saka iniabot iyon sa aking kapatid. "Thanks." Madali niyang sabi sabay hablot sa salapi. Wala akong nagawa kundi panoorin siyang maglakad palayo sa hapag-kainan.

Ipinagpatuloy ko ang pagkain, pero unti-unti, nararamdaman ko ang kawalan ng gana. Kundi lang dahil kay Yaya Mildred, marahil iniwanan ko na ang inihanda niya.

"Umagang-umaga, bakit ang tahimik mo?" Pasigaw na tanong sa akin ni Cassie. Siya ang best friend ko. Magkaibigan ang mga magulang namin kaya naman mula pagkabata ay magkakilala na kami. Imbes na magpahatid sa aking driver, pinili ko na lang na magpasundo at makisabay kay Cassie. Nakatira kami sa iisang subdivision at malapit lang ang bahay niya sa amin.

Nagkibit-balikat ako. Hangga't maaari, ayokong sinasabi sa ibang tao ang mga nangyayari sa loob ng bahay namin. Ayokong mapag-usapan ang mga magulang ko. Ayokong isipin ng ibang tao na masamang binata ang kuya ko. Kung kaya ko silang protektahan sa pamamagitan ng pananahimik ko, gagawin ko. "Wala... Puyat lang. Anong oras na kasi ako nakatulog kagabi." Sabi ko na lang at pinilit ko pang ngumiti para lang ma-assure si Cassie na okay lang ako.

Mukhang tinanggap naman niya ang paliwanag ko. Hindi na siya nangulit pa. Nakinig na lang kami ng mga love songs sa playlist niya hanggang sa marating namin ang school. Nagpark siya sa sarili niyang parking slot at sabay kaming naglakad patungo sa Building A. Magkaiba kami ng kurso ni Cassie. Fashion Design ang kinuha niyang kurso dahil mahilig siya sa mga damit at magaling din siya gumuhit. Sinunod ko naman ang utos ng aking mga magulang na mag-aral ng Business Management. Wala daw kasing balak pangunahan ng kuya ko ang kumpanya namin kaya ako lang ang inaasahan nilang magpatuloy ng business. Gusto ko sana maging doktor. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko?

"Sabay tayong mag-lunch mamaya, ha." Narinig ko na lang na sabi ni Cassie at ayun, naglakad na siya patungo sa kanyang classroom. Naiwan na naman ako. Teka bakit ba ang drama ko ngayon? Huminga ako ng malalim. Hindi pwedeng mahalata ng ibang tao na hindi ako okay. Baka kung ano pa ang mapagtsismisan nila tungkol sa akin.

Mabilis natapos ang lecture ng mga professors namin. Kaunting daldal, kaunting pasulat dito at pagkahaba-habang pa-exam doon. Madali lang naman ang kursong ito. Siguro dahil na rin sa namulatan kong business ng pamilya. Bata pa lamang ako, inililibot na ako ni daddy sa bawat business na pagmamay-ari namin. Meron kaming malls, banks at restaurants. Sa pagkakaalam ko, balak ni daddy magpatayo ng resort sa Batangas at gusto niyang ako na ang mag-manage nito pagka-graduate ko.

"Alright guys. For your midterm project, group yourselves into two and decide what product you're going to sell or what kind of service you're going to offer on our upcoming school fair." Malayo na ang nararating ng pagmumuni-muni ko nang marinig ko ang announcement ni Miss Dalia. Lumingon ako sa paligid, halos lahat ng mga kaklase ko'y nagkasundo at nagpa-plano na. Sinong pwede kong maging partner dito? Tumingin ako sa gilid-gilid, nagbabakasakaling may mga kaklase pa akong naghahanap ng kapareha.

"Grace? Kung okay sayo, tayo na lang." Napatigil ako. Teka. Parang may mali sa sinabi nun ah. Nilingon ko kung sinuman ang nagsabi nun. Siya yung katabi ko sa seatplan. Palagi siyang late sa subject na 'to. Never ko pa siyang nakausap, sa pagkakaalam ko kasi, back subject niya lang 'to.

"Um, okay." Hindi ko alam kung bakit pero parang ang awkward ng feeling. "If you don't mind me asking, what's your name again?"

Ngumiti siya. Naglahad ng kamay. Ang guwapo niya---

"Raphael."

---
051317

Hello guys! Salamat sa time magbasa nitong first chapter. Sana subaybayan niyo ang mga susunod na kabanata. Sana marami kayong matutunan na mga life and love lessons sa story na 'to. Some scenes were based on real life events.

All glory to you Lord Jesus! 😊🙌🙏

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 09, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon