Welcome

21 4 3
                                    

Akala ko no'ng una, nasa langit ako.

Balot ng kulay puti ang buong paligid, at maliban sa suot kong pulang t-shirt na may tatak ng Jug's Hardware and Motor Supplies na pinaresan ng kulay itim kong maong pants, wala nang ibang bagay na nagtatangkang dungisan ang purong kaputian ng paligid. Ang tahimik din. Nakapagtataka, pero sa parehong pagkakataon ay nakakagaan din ng loob.

Hindi ko lubos maunawaan kung anong ginagawa ko rito, lalo pa't hindi ko rin naman alam kung nasaan nga ba talaga ako. Walang ibang tao bukod sa sarili ko, at 'di ko maiwasang mapansin ang kataka-takang puti na bumabalot sa paligid.

Langit? Ito na nga ba ang tinatawag nilang langit? Malabo. Sa pagkakaalam ko naman, tanging mga tao lang na may nagawang kabutihan sa lupa ang nakakapasok sa langit. 'Yong iba, mabubulok sa impyerno. At ang isang taong katulad ko? Nakapakalabong mapadpad sa langit.

Nasa'n na kaya ako? Kung sakaling ito na nga ang sinasabi nilang langit, ibig sabihin ba'y patay na ako? Langit ba talaga 'to?

Sa pagkakatanda ko, naglalakad lang naman ako noon papunta sa tindahan ni Aling Bebeng. Tirik na tirik pa ang araw no'n dahil tanghaling tapat, at ang sakit sa balat ng pumapasong init ng araw na tumatama sa batok ko. Napadaan din ako sa isang palengke, may ilang bata na naglalaro ng habulan sa gilid ng kalsada roon. Malapit do'n ay isang abala rin na construction site. May bago na naman yatang mall na ipagagawa, tabi pa ng palengke. Tanda ko pa ang pagbitaw ko ng isang malutong na mura dahil sa nakakapasong init ng araw, at ang pagdaan ng isang malaking truck na may kargang mababaho at maiingay na baboy sa likod nito--ay. Teka.

Nasagasaan... yata ako ng truck.

Kung gano'n ay patay na nga ako? Tama naman iyon 'di ba? Nasagasaan ako ng truck? Patay na ba talaga ako? Nasa'n si San Pedro? Nasaan ang mga nagliliparan at nagkakantahang mga anghel? Nasa'n ang impyerno?

Napalinga ako sa maputing paligid, at doon lamang napansin na may isa palang pinto sa may tagiliran ko. Hindi ko ito napansin kanina, marahil ay dahil pati ang doorknob nito, kulay puti rin. Kasingputi lang nito ang paligid, at wala naman akong nakikitang kakaiba sa itsura ng pinto. Wala itong pinagkaiba sa ibang mga pinto, maliban na nga lamang sa puti ang door knob nito.

Papunta sa'n ba ang pintong 'to?

Sa loob ng ilang segundo'y tinitigan ko lamang ang naturang pinto. Maraming katanungan ang nasa isip ko, at may kung anong nagsasabi sa loob ko na kapag binuksan ko ang pinto, masasagot na lahat ng katanungan ko. Alam kong gusto kong buksan ang pinto, pero alam ko rin na wala akong sapat na lakas ng loob upang harapin ang kung ano mang nasa kabilang panig nito. Duwag ako, oo. Duwag ako, noon pa man.

Patay na ba talaga ako?

Ang bilis naman yata. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa mga mahal sa buhay ko... iyon ay kung may mga 'mahal sa buhay' pa nga akong maituturing. Nakakatawa. Sa totoo lang, wala naman talaga akong 'mahal sa buhay'. No'ng nagpaulan siguro ang Diyos ng mga 'mahal sa buhay,' siguro'y wala sa katinuan kong binuklat ang isang payong, takot na maulanan at tuluyan nang natupok ng kaduwagan.

Nasanay na rin naman akong mabuhay nang mag-isa, kuntento na sa pagta-trabaho bilang isang cashier sa isang 'di kalakihang hardware malapit sa tinitirhang apartment, hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral, at pati mga magulang ay 'di alam kung nasaan na. Isang taong kung mawawala sa mundo ay ang inaalagaang aso lamang siguro ang makakapansin. Isang taong pandagdag lang ng espasyo at populasyon sa bansang Pilipinas, maliit na tuldok sa milyon-milyong tao sa buong mundo. Isang taong hindi karapat-dapat na papasukin sa tinatawag nilang langit.

Pero minsan nama'y, nag-iba rin ang daloy ng pag-iisip ko. Nakakatawa. Kung kailan napagdesisyunan ko nang magsimula muli, hindi pa rin ako pinahintulutan ni Buhay na matikman man lang ang bagong simula. Natatandaan ko pa ang kakaibang pakiramdam na dulot ng desisyong iyon, kalakip ang kaisipang may pag-asa pa pala.

WelcomeWhere stories live. Discover now