"SINO'NG crush mo noong high school tayo?"
Iyon ang tanong kay Justine nang matapat sa kanya ang bibig ng pinaikot na basyo ng bote ng soft drink. Nasa lamay siya ng ama ni Suzy, ang kaklase niya noong high school. Namatay ang ama nito sa atake sa puso at sa isang araw ang libing. Lima sila sa batch nila na naroon at nagkatuwaan silang maglaro ng truth or consequence para malibang at magpalipas ng oras. Medyo mahirap na ring hagilapin ang iba nilang mga kaklase. May walong taon na rin mula nang maka-graduate sila sa St. Florence High.
Hindi agad nakasagot si Justine sa tanong ng kaklase niyang si Marichris. Alangan namang sabihin niyang si Keanu Reeves ang crush niya? Alam niya na ang inaasahan ng mga ito na isasagot niya ay isang dating schoolmate nila.
Umugong ang kantiyawan sa bilog na mesa kung saan sila nakaupo.
"Wala ka ngang inilagay na crush mo sa slum book ko noon. Kahit initials ay wala," sabi ni Marichris. "Pero imposible namang wala kang nagustuhan ni isa sa mga boys sa St. Florence High. Ang dami kayang guwapo ro'n, lalo na 'yong mga soccer player."
Alanganin pa ring sumagot si Justine. Ibubuka na sana niya ang bibig para magsalita pero mabilis ding itinikom. Mukhang nakatunog ang mga kasama niya na may itinatago nga siya.
Pabirong siniko si Justine ng katabi niyang si Dence. "Uy, sige na, Justine. Umamin ka na. Wala namang mawawala sa iyo kung sakali. Ang tagal na kaya nating grumadweyt."
Muling humirit si Marichris na nakaupo sa harap niya. "Baka naman nandito ngayong gabi ang dati mong crush sa high school, ha?"
Lalong umugong ang kantiyawan. Tahimik lang si Lucia na katabi ni Marichris. Sa tingin ni Justine ay kanina pa ito inaantok. Tumingin siya sa dalawang lalaking kasama nila sa mesa na sina Andrew at Jaime. Parehong wala pang asawa ang dalawa sa pagkakaalam niya. Parehong guwapo at galing sa mga pamilyang may-sinabi sa buhay. Pero wala sa dalawa ang crush niya noong high school.
Alam ni Justine na naiintriga sa kanya ang ilan sa kanyang mga kaklase dahil hindi masyadong outgoing ang kanyang personalidad. Halos wala siyang naging permanenteng mga kaibigan dahil mas gusto niyang mapag-isa. Hindi siya suplada o mahiyain; hindi lang talaga siya sociable na tao. Madalas sa library lang siya noon naglalagi. Come to think of it, siya na ngayon ang bagong librarian ng St. Florence High.
Bahay at eskuwelahan lang ang naging buhay noon ni Justine. Gusto kasi niyang makatapos na walang umiistorbo sa kanya. Iyon din ang dahilan kaya iniwasan niya ang magpaligaw. Well, that, and she was choosy when it came to boys. At lahat ng lalaking nagpalipad-hangin sa kanya ay ni hindi man lang pumasa sa kanyang standard. Oo, pihikan siya sa mga lalaki at hindi niya iyon ikinakaila.
And everything boiled down to her family background.
Justine's mother died of a broken heart almost seven years ago. Isang umaga, parang ayaw na nitong bumangon pa at nanatili na lang nakapikit ang mga mata habang-buhay. Natural causes daw ang sanhi ng pagkamatay ng kanyang ina, sabi ng doktor.
Wala na sa poder nila ang kanyang ama mula pa noong sampung taong gulang si Justine. May mataas itong ranggo sa militar at ayon sa mama niya, nilayasan sila ng papa niya para sumama sa kabit nito. Nabalitaan na lang nila pagkalipas ng dalawang taon na namatay ito sa serbisyo. Hindi sila nagpuntang mag-ina sa lamay o kahit sumilip man lang sa libing nito.
Lumaki at nagkaisip si Justine na busog sa pangaral ng kanyang ina na umiwas sa mga lalaking malilikot sa mga babae—mga playboy kagaya ng kanyang ama. Wala raw siyang magandang kinabukasan sa mga iyon, gaya ng sinapit nito. Nang mamatay ang mama niya, ang kanyang Lola Carmela na isa nang biyuda at pensiyonada ang kumupkop kay Justine. Sa bahay nito sa bayan ng Alava siya nakatira hanggang ngayon. Pinapaupahan na lang niya ang bahay nilang mag-ina sa Tierra Roja.
BINABASA MO ANG
Los Romanticos Book 1: Ryder (PREVIEW ONLY)
RomancePREVIEW ONLY!!! Complete story is available in my VIP group. Message us to join, search TheMandieLee on Facebook. Reprinted as new edition under PHR, 2019.