FILIPINO 10
Martes, Mayo 26, 2015
CUPID AT PSYCHE (Mitolohiya) Panitikang Miditerranean
Cupid at Psyche
Isinalin sa Ingles ni Edith Hamilton
Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat
Noong unang panahon, may hari na may tatlong magagandang anak na babae. Ang pinakamaganda sa tatlo ang bunsong si Psyche. Labis siyang hinahangaan at sinasamba ng kalalakihan. Sinasabi nilang kahit si Venus, ang diyosa ng kagandahan, ay hindi makapapantay sa ganda nito. Nalimot na rin ng kalalakihan na magbigay ng alay at magpuri sa diyosa. Gayundin, ang kaniyang templo ay wala nang mga alay, naging marumi, at unti-unti nang nasisira. Lahat ng papuri’t karangalang dapat sa kaniya ay napunta na lahat sa isang mortal. Nagalit si Venus at inutusan niya si Cupid, ang kaniyang anak upang paibigin si Psyche sa isang nakatatakot na nilalang. Hindi na niya naisip ang maaaring maidulot ng kagandahan ng dalaga sa kaniyang anak. Agad tumalima si Cupid at hinanap ang nasabing babae. Umibig siya kay Psyche nang nasilayan niya ang kagandahan ng dalaga. Tila ba napana niya ang kaniyang sariling puso.
Nang makauwi si Cupid, inilihim niya sa kaniyang ina ang nangyari. Labis namang nagtitiwala si Venus at hindi na rin nito inusisa ang anak. Nanabik ang diyosa ng kagandahan sa kahihinatnan ng buhay ni Psyche.
Gayunman, hindi naganap ang inaasahan ni Venus. Hindi umibig si Psyche sa isang nakatatakot na nilalang o kahit kanino. Ang isa pang nakapagtataka ay walang umiibig sa kaniya. Kontento nang pagmasdan at sambahin siya ng mga lalaki subalit hindi ang ibigin siya. Ang kaniyang dalawang kapatid na malayo ang hitsura sa taglay niyang kagandahan ay nakapag-asawa na ng hari at namumuhay nang masaya sa kani-kaniyang palasyo. Naging malungkot si Psyche sa kaniyang pag-iisa. Tila walang nais magmahal sa kaniya.
Nabahala ang magulang ni Psyche. Naglakbay ang haring ama ni Psyche upang humingi ng tulong kay Apollo. Hiniling niyang payuhan siya ni Apollo kung paano makahahanap ng mabuting lalaking iibig sa kaniyang anak. Lingid sa kaalaman ng hari naunang humingi ng tulong si Cupid kay Apollo. Sinabi niya ang kaniyang sitwasyon at nagmakaawang tulungan siya. Kaya sinabi ni Apollo sa hari na makapangangasawa si Psyche ng isang nakakatakot na nilalang. Pinayuhan niya ang hari na bihisan ng pamburol si Psyche, dalhin siya sa tuktok ng bundok at iwan nang mag-isa. Doon ay susunduin siya ng kaniyang mapapangasawa na isang halimaw, isang ahas na may pakpak.
Labis na kalumbayan ang baon ng hari sa kaniyang pagbabalik sa palasyo subalit agad pa rin siyang tumalima sa payo ni Apollo. Ipinag-utos niyang bihisan si Psyche ng pinakamaganda niyang damit. Pagkatapos mabihisan si Psyche, ipinabuhat ng hari ang anak na parang ihahatid sa kaniyang libingan papunta sa tuktok ng bundok. Habang naglalakbay sila, nagluluksa ang lahat sa maaaring mangyari kay Psyche. Sa kabila naman ng mabigat na sitwasyon, buong tapang na hinarap ng dalaga ang kaniyang kapalaran. “Dapat noon pa ay iniyakan na ninyo ako. Ang taglay kong kagandahan ang sanhi ng panibugho ng langit,” sumbat niya sa kaniyang ama. Pagkatapos nito ay pinaalis na ni Psyche ang kaniyang mga kasama at sinabing masaya niyang haharapin ang kaniyang katapusan.
Naghintay si Psyche habang unti-unting nilalamon ng dilim ang buong bundok. Takot na takot siya sapagkat hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya. Patuloy siyang tumatangis at nanginginig sa takot hanggang sa dumating ang malambing na ihip ng hangin ni Zephyr. Inilipad siya nito at inilapag sa isang damuhang parang na kasinlambot ng kama at pinahalimuyak ng mababangong bulaklak. Napakapayapa ng lugar na tila nawala ang lahat ng kaniyang kalungkutan. Nakatulog siya sa kapayapaan ng gabi. Nang magising si Psyche sa tabi ng ilog, natanaw niya sa pampang nito ang isang mansiyon na parang ipinatayo para sa mga diyos. Nagmasid-masid siya at labis ang kaniyang pagkamangha sa kagandahan nito. Yari sa pilak at ginto ang mga haligi, at ang sahig ay napalamutian ng mga hiyas. Nag-aalinlangan niyang buksan ang pinto subalit may tinig na nangusap sa kaniya. “Pumasok ka, para sa iyo ang mansiyong ito. Maligo ka, magbihis, at ihahanda namin ang piging para sa iyo. Kami ang iyong mga alipin,” wika ng mga tinig.