Ang Kwintas
Ni Guy de Maupassant
“Ang hindi marunong makuntento sa buhay ay hindi talaga magiging maligayang tunay.”
Gabay na mga Katanungan:
1. Ano ang tingin mo ayon sa pangunahing punto ng may-akda?
2. Ano ang napansin mong kakaiba sa gawa ng may-akda?
3. May karanasan ka ba na maihahalintulad sa akda?
4. Kung may tanong ka na gustong itanong sa may-akda, anu-ano ang mga ito? Magbigay ng tatlong tanong.
Ang pangunahing punto ng may-akda sa kwento ay “Ang hindi marunong makuntento sa buhay ay hindi talaga magiging maligayang tunay.” Sa pangunahing punto niya, sa tingin ko ay nababagay at nararapat lamang itong pagtantuin at isaisip ng mga mambabasa dahil ang aral na ito ay talagang totoo sa buhay ng tao. Sa reyalidad kung saan tayo nabibilang, maraming mga taong gustong umasenso sa buhay. Tinotodo nila ang kanilang pagsisikap at pagtatrabaho upang makamit ang kanilang gusto. At nang makuha na nila ang kanilang mga gusto ay hindi pa rin sila nakukuntento at mas tinotodo pa nila ang kanilang pagtatrabaho para mahigitan ang iba. Patuloy silang nagsisikap upang umangat sila sa lahat dahil ang iniisip nila, ito ang makapagpapaligaya sa kanila. Ang hindi nila alam, hindi lang kung paano maging maligaya ang kanilang nalimutan, kundi pati nakalimutan nila kung ano ang tunay na ligaya.
Sa buhay ko’y may mga karanasan na din akong maihahalintulad sa akdang ito. Katulad na lamang ng pag-abot ko sa pangarap ko na manguna sa klase. Sa tuwina’y makakakuha ako ng mababang puntos kaysa sa kaklase ko ay hindi ako nakukuntento. Mas nakikita ko pa ang negatibong pananaw na kulang pa ang aking pagsisikap kaysa sa positibong pananaw na hindi ako bumagsak o mas nakakuha ako ng mas mataas na puntos kaysa sa iba. Kaya sa huli, imbes na matuwa ako ay nagiging malungkot ako dahil ang pinangingibabaw ko ay ang negatibong pananaw imbes na ang positibiong pananaw.
Kung pag-uusapan naman ang tungkol sa akdang isinulat, ang kakaiba sa akdang ginawa ni Guy de Maupassant ay sumulat siya ng isang maikling kwento na may aral na nag-iiwan ng katanungang pangrepleksyon o katanungang sumasalamin sa kaugalian ng mambabasa na hindi gumagamit ng mga kathang-isip na mga bagay o pangyayari sa kwento. Pawang mga pangyayaring maaaring mangyari sa buhay ng isang tao, kapani-paniwala at makatotohanan.
Kung sakaling bibigyan ako ng pagkakataong matanong si Guy de Maupassant, ang mga tanong na nais kong masagot ay: May pangyayari ba sa kanyang buhay na sinasalamin ng maikling kwentong kanyang isinulat? Anong nag-udyok sa kanya upang sumulat ng isang maikling kwentong may paksang tulad nito? At para sa kanya, ano ang tunay na kaligayahan?