PAG-IBIG NI MIRA: SANCRETIREYA (Last Goodbye/Huling Paalam)

439 19 10
                                    



"Ayos ka lang ba, bessy? Sure ka?" may bahid pag-aalalang tanong sa akin ni Lira.

Matipid na ngiti ang iginanti ko sa aking pinsan. "Oo naman. Huwag mo kong alalahanin."

Ilang saglit muna niya akong tinitigan bago siya huminga ng malalim at tuluyang nagpaalam. Nangako kasi si Lira na sasama kay Aldo Rama Ybrahim sa pagbabalik nito sa Sapiro ngayong gabi. Doon muna ito mananatili ng ilang araw para samahan ang kanyang ama habang ako ay nagpasyang magpaiwan muna dito sa Lireo. Kailangan kong mag-isip. At hindi ko ito magagawa sa Hathoria dahil naroroon ang aking ina. Masyadong matalas ang pakiramdam ng sang'greng si Pirena at tiyak na mahahalata nitong balisa ang kanyang anak. Maaari kong itago ang aking damdamin sa ibang nilalang ngunit hindi ko malilinlang ang aking ina.

Tahimik na tinungo ko ang silid namin ni Lira. Ilang minuto na akong nakahiga ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Tila tuksong paulit-ulit na bumabalik sa aking gunita ang mga pangyayari kanina.

Ang muli naming pagkikita ni Anthony.

Bakit ganoon? Kahit sinasabi ko sa aking sarili na ayos lang ako at tanggap ko ang nangyari sa aming dalawa, nakakaramdam pa rin ako ng hindi matatawarang sakit! Tinatanong ko ang aking sarili kung tama bang nagbalik pa kami ni Lira sa mundo ng mga tao. Kung hindi ko natuklasang matagal na palang wala akong puwang sa buhay ni Anthony, marahil ay hindi ako nababalisa ngayon.

Hah! Ang matapang na tagapagmana ng hara ng Hathoria ay lumuluha ngayon dahil sa isang tao! Tiyak na kukulo ang dugo ni ina kapag nalaman niya ito.

Isa kang sang'gre! Hindi ka dapat umiyak dahil sa isang lalaki lalo na sa isang gaya niyang galing sa mundo ng mga tao! Umayos ka nga diyan, Mira!

Nakikita ko na sa aking imahinasyon ang anyo ng aking ina habang nakapameywang at taas-kilay akong sinisermunan.

Na durugtungan pa ni Ashti Hara Danaya.

Mas mahalaga ang tungkulin kaysa sa pag-ibig, Mira. Mainam kung ito ang pagtuunan mo ng pansin upang hindi ka masaktan. Walang karapatang maging mahina ang mga gaya nating sang'gre.

Iba naman ang magiging atake ni Ashti Alena.

Makakalimutan mo din siya, Mira. May mga pag-ibig talagang dapat pakawalan dahil... dahil hindi nakatadhanang maging sa iyo. Masakit pero kailangang tanggapin.

Sabay susulyapan ni Ashti Alena si Aldo Rama Ybrahim.

"At kung buhay ka pa sana, aking inang Amihan, ano kaya ang sasabihin mo?" bulong ko habang pinupunasan ang aking mga luha.

Siguro, yayakapin niya lang ako ng mahigpit gaya ng madalas niyang gawin noong ako ay paslit pa.

Oo na. Aaminin ko nang umasa ako. Isang kahangalan pero nagkaroon ako ng ilusyon noon na sa kabila ng mahabang panahong lumipas ay naroroon pa rin si Anthony at matiyagang naghihintay sa akin. Na gaya ko ay nangarap din siya ng isang buhay kung saan maaari kaming magsama kahit magkaiba ang aming mundong pinagmulan. Na maaaring manaig ang pag-ibig at magagawa naming tawirin ang malayong agwat na nakapagitan sa amin.

Pero gaya nga ng sinabi ko kanina, isang kahangalan lamang ang lahat ng iyon.

Iba ang takbo ng panahon sa mundo ng mga tao. Di hamak na mas mabilis kaysa dito sa Encantadia. Hindi lang ang anyo ni Anthony ang nag-iba. Pati ang laman ng puso nito ay nagbago na rin.

At ang mas masakit? Hindi ko siya magawang sisihin. Hindi ba't ako mismo ang nagsabi noon sa kanya na huwag na niya akong hintayin? Walang katiyakan noon kung makakabalik ako sa kanyang piling. Ayokong maging makasarili at itali siya sa isang pangako.

Ang pagkakamali ko lang, umasa ako sa isang ilusyon.

Ang sayang naramdaman ko nang makita ko siya kanina ay agad napalitan ng dismaya, sakit at panghihinayang nang matuklasan naming may asawa na pala siya. Asawa at anak. May pamilya na si Anthony. Saan lulugar ang isang sang'greng gaya ko sa buhay niya ngayon?

Parte na lamang ako ng kanyang nakaraan.

Habang siya... heto at ginagambala pa rin ang aking kasalukuyan.

Napupuno man ako ng sakit at panghihinayang ngayon ngunit idinadalangin ko kay Emre na bigyan niya ako ng katatagan upang malampasan ito.

Kailangan kong tanggapin ang sinapit ng aking pag-ibig. Ano nga uli ang salitang ginamit ni Lira kanina? Mab..muv...move on? Tama, kailangan ko nang mag-'move on'.

"Pangako, ito na ang huli. Ito na ang huling gabing iiyak ako dahil sa'yo, Anthony." bulong ko sa aking sarili.

Hangad ko ang kanyang kaligayahan. Kaligayahang hindi sa akin, kundi sa iba niya natagpuan.

"Paalam, mahal kong Anthony. E corre diu."






Sa mundo ng mga tao....

"Maraming salamat sa magagandang alaala. Mahal na mahal kita, Mira." bulong ni Anthony habang naroroon siya sa terrace at nakatingala sa buwan.

Bulong na narinig din pala ng kanyang anak na hindi niya namalayang nasa likuran niya na pala.

"I love you din po, daddy." Inosente at nakangiting sagot nito sa kanya.

Hinaplos niya ang ulo ng bata.

Siya namang paglapit ng kanyang asawa. "Mira! Mirabelle! Come here, sweetie! Para makapag-toothbrush at makapagpalit ka na ng pantulog mo."

"Yes, mommy!" bago umalis ay muli siyang nilingon ng anak. "Daddy, kuwentuhan nyo po ulit ako about sa magpinsang fairy princesses, sina Mira at Milagros! Sige na po, please!"

Nakangiting tinanguan niya ang anak. "Sure, sweetie."

"Yehey! I love them! They're a lot cooler than Dora and the other Disney princesses!"

Mira and Milagros.

Yes, they are way better than any fabricated characters, my dear child. They're real and they changed the way I think about life. They made me a better person. Especially Mira.

"I've already found my happiness, Mira. Sana ganoon ka din. You deserved it. I'll treasure our memories together and there's a place in my heart that only you can occupy."

Siguro nga ay hindi na kami magkikitang muli. A mystical wall divides our worlds. Pero sana... kung hindi man nagawang tawirin ng pag-ibig ang pader na iyon, umaasa akong kahit ang panalangin ko na lang na magkaroon si Mira ng masayang buhay ang siyang makaabot sa mundong kanyang kinaroroonan.

"Goodbye, Mira."

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Para sa paboritong sang'gre ng tatay ko :)

ENCANTADIA: ONE-SHOTSWhere stories live. Discover now