ANG LALAKING HINDI PARA SA AKIN

307 7 15
                                    



Mula pa pagkabata ay pinangarap ko na ang maging hara upang makapaglingkod sa Lireo at sa buong Encantadia. Maging isang mabuting reyna na gaya ng aking inang si Mine-a. Doon lang nakatuon ang aking isip at hindi ko inakalang darating ang sandaling pagsisisihan ko ang pagsusuot ng koronang ito.

Sa tuwing nakikita ko si Rehav Ybrahim ay ganito ang lagi kong nararamdaman.

Pagsisisi. Paghahangad. Pagkalunod sa mga makasariling pangarap.

Alam kong mali ito. Oo nga't minsan ay nagsalo kami ng isang gabi dahil siya ang napili ni Emre na maging ama ng aking anak na si Lira ngunit hindi pa rin ito sapat na dahilan upang bulabugin niya ang aking buong pagkatao. Isa akong hara. At ang hara ng Lireo ay walang karapatang magmahal ng isang engkantado dahil hindi siya maaaring ikasal.

Hindi ko rin maaaring kalimutan ang katotohanang si Ybrahim at si Ybarro na iniibig ng aking kapatid na si Alena ay iisa. Ano na lang ang mararamdaman ng aking apwe kapag nalaman niyang nangahas akong mahalin ang engkantadong unang naging kanya? Sino ako para hadlangan ang pag-ibig sa pagitan nila na ilang ulit nang sinubok ng kapalaran? Kay rami nang sakit at dusang pinagdaanan si Alena. Makakaya ko bang maging dahilan upang magkaroon ng panibagong pilat sa puso ng aking kapatid?

Malaking pagkakamali. Tama. Iyan ang dapat itawag sa nararamdaman ko kay Ybrahim. Kaya naman pinipilit kong maging pormal at umaktong kaswal sa tuwing kami'y magkakaharap. Walang dapat makaalam sa pagpitlag ng puso ko sa tuwing tinatawag niya ang aking pangalan pati na rin sa tuwang sumisibol sa aking kalooban sa tuwing nasisilayan ko ang maamo niyang mukha. Walang dapat makapansin sa mga panakaw na sulyap na aking ginagawa dahil tila may magnetong humihila sa aking mata kapag nasa malapit lang ang rehav na aking itinatangi.

Napakahirap. May mga pagkakataong nais kong magpadala sa aking kahinaan at tumakbo patungo sa direksiyon ni Ybrahim at makiusap na ilayo niya ako mula sa malupit na mundong sumisikil sa aking puso. Nais kong kalimutan ang bigat ng tungkuling nakaatang sa aking balikat at sa halip ay biglang laya ang aking pag-ibig para sa nag-iisang engkantadong bumihag sa puso ko.

Ngunit ako si Hara Amihan ng Lireo. Wala akong karapatang maging mahina. Lalo na ngayong malaki ang delubyong kinakaharap ng Encantadia dahil sa pamumuno nina Hagorn at Pirena.

Hindi ko napigilan ang mga luhang nag-uunahan sa pagpatak mula sa aking mga mata. Buti na lamang at nag-iisa ako sa parteng ito ng aming kuta sa kagubatan dahil kung may ibang makakakita ay tiyak na----

"Aking hara?"

Gulat na lumingon ako sa pinagmulan ng pamilyar na tinig. Dahil sa aking ginawa ay hindi ko na naitago pa kay Ybrahim ang aking mukhang tigmak ng luha. Napakunot-noo ang rehav at mabilis na tinawid ang direksiyon sa pagitan naming dalawa.

Hindi ako nakahuma nang bigla niya akong yakapin ng mahigpit na tila ba nais akong protektahan sa kung anumang bagay na nagpaiyak sa akin. Nais ko siyang itulak palayo dahil isinisigaw ng aking isip na mali ito ngunit ang taksil kong puso ang nanaig at natagpuan ko ang aking sariling pumipikit at tinutugon ang yakap ng aking pinakamamahal.

Mahabaging Emre. Kahit ngayon lang... hayaan niyo po akong maging mahina.

"Hindi kita pipiliting magsabi sa akin ng dahilan ng iyong pagluha. Kung anuman iyon, umaasa akong magagawa kong ibsan kahit kaunti ang sakit na iyong nararamdaman. Hindi ko gustong nakikita kang umiiyak, Amihan." bulong ni Ybrahim.

Tila nais kong umiyak lalo dahil sa kanyang tinuran. Ngunit hindi nakatakas sa aking pakiramdam ang ibinubulong ng hangin. May panganib na paparating sa aming kuta at kailangan naming maghanda.

Kay lupit namang magbiro ng tadhana. Muli ay ipinaalala nito na sa aking buhay, ang tungkulin ang siyang mas mahalaga. Tunay ngang may sumpa ang korona ng pagiging hara ng Lireo.

"Kailangan na nating bumalik sa kuta upang magpulong." sabi ko sa kanya.

Huminga ng marahas si Ybrahim at napilitang pakawalan ako.

Magkasabay kaming naglakad nang tahimik pabalik sa aming kuta. Sa lugar kung saan naghuhumiyaw ang katotohanang isa akong pinunong may tungkuling unahin ang karapatan ng aking nasasakupan.

At ang rehav sa aking tabi, ang engkantadong nagmamay-ari sa aking puso ang siya ring lalaking hindi mapapasaakin kailanman.

ENCANTADIA: ONE-SHOTSWhere stories live. Discover now