Napakasaya ng buong paligid. Ang anumang bakas na naiwan ng nagdaang digmaan ay hindi makikita sa mukha ng mga engkantadong dumalo sa espesyal na okasyong iyon. Ang lahat ay lubos na bumabati para sa dalawang parehang ikinasal sa harap nina Bathalang Emre at Bathalumang Cassiopeia.
Si Hara Pirena at ang Punjabweng si Azulan.
Ang dating hara na si Danaya at ang dating mashna na si Aquil.
Pero sa gitna ng kasiyahan ay may isang wasak na puso ang tahimik na umiiyak at nagmamarakulyo.
"Sang'gre Danaya... bakit hindi ako ang pinili mo?! Saan ako nagkulang?! Lamang lang naman ng isang paligo sa akin si pinunong Aquil!" naghihinagpis na bulong ni Wantuk. Napakagat na lang siya sa hawak na panyo para pigilan ang sarili sa pagpalahaw ng iyak lalo na nang makita niyang hinahagkan ng dating mashna ang mapupulang labi ng itinatangi niyang si Sang'gre Danaya.
Sakto namang napatingin sa gawi niya ang Bathalang Emre.
Napalunok si Wantuk. Maaari kayang narinig... o nabasa ng bathala ang kanyang iniisip?
"Sige na po, aaminin ko na. Mahigit isang daang paligo ang lamang sa akin ni pinunong Aquil. Ano namang laban ko sa pinakamakisig na sundalo ng Lireo?!" kamot-ulong bulong niya habang pasimpleng humahakbang palayo sa kasiyahan.
Nagpasya si Wantuk na maglakad-lakad muna sa dalampasigan habang nagmumuni-muni sa mga plano niya sa kanyang buhay.
"Kita mo nga naman! Tumatanda na nga siguro talaga ako kaya ganito na kalalim ang takbo ng aking isip."
Ang laki na ng ipinagbago ng kanyang buhay. Simple lamang ang lahat noong sa gubat pa sila naninirahan bilang tribo ng mga mandirigma. Maghanap ng makakain, ipagtanggol ang tribo at magpakasaya... iyan lang ang prayoridad nila noon. Pero kasabay ng pagkakatuklas sa tunay na pagkatao ng matalik niyang kaibigang si Ybarro, ang pagbabago sa takbo ng pamumuhay ni Wantuk.
Sumumpa siya ng katapatan sa kaibigan na siya ring nag-iisang tagapagmana sa trono ng noo'y gumuhong kaharian ng Sapiro. Hindi naging madali ang mga pinagdaanan ni Ybarro upang matupad ang pangarap nitong maibangong muli ang kaharian pero dahil na rin sa angkin nitong tapang at tatag, nagawa nito ang isang bagay na tila imposibleng mangyari noong una.
Mula sa pagiging mandirigma na si Ybarro, naging rehav at ngayon nga ay kinikilala na ng lahat bilang Rama Ybrahim ng Sapiro.
May pagmamalaki sa puso ni Wantuk dahil sa kabila ng mataas na estado ng matalik na kaibigan ay hindi nagbago ang trato nito sa kanya. Sa halip ay ito pa ang tumulong upang maiangat niya rin kahit papaano ang sarili. Hindi na siya simpleng mandirigma na walang ibang inisip kundi ang kanyang sariling kapakanan.
"Aba! Sino sa Sapiro at Lireo ang hindi nakakakilala kay Wantuk? Ang kanang-kamay ng rama ng Sapiro na kasama ring lumaban sa nagdaang mga digmaan. Tunay na kinahuhumalingan sa buong Encantadia! Matapang, maginoo at napakakisig!" malakas na bulalas ni Wantuk na tila nagtatalumpati na sinabayan pa ng kumpas ng mga kamay.
"Kinapos nga lang sa tangkad at laki."
"Tama!" pagsang-ayon ni Wantuk bago kunot-noong binalingan ang pinagmulan ng tinig na iyon. "Sino ka? At bakit mo ginagambala ang aking pag-iisa?"
Nakakaloko ang kislap ng mga matang sumilay sa mukha ng enstranghera. "Ginoo, hindi mo pag-aari ang dalampasigan. Kung tutuusin ay ikaw ang nakakaabala dahil sa pagsigaw-sigaw mo diyan. Ano na lang ang sasabihin ng iba kapag nalaman nilang ang kanang-kamay ng rama ng Sapiro ay tila hibang na mahilig makipag-usap sa kanyang sarili?"
YOU ARE READING
ENCANTADIA: ONE-SHOTS
FanfictionOne-shot stories featuring the different characters from Encantadia 2016.