Pangalawang Yugto - Ang Naudlot na Tawag

18 0 0
                                    

 Tinitigan ko ang telepono at nakita kong namatay ito, at biglang may nagsalita sa aking tabi.

"Nasaan na ang kape ko?" Ako'y nagulat pagkat nandoon pala ang aking ama.

"E-Eto na po..." Binaba ko ang telepono at dali-daling pinagtimpla ng kape ang aking ama.

Siya kaya ang nagpatay ng telepono?

Maya-maya ay biglang tumunog ang telepono.

"Sumire! Telepono!" Tawag ng aking ina.

"Nandyan na po!" Inabot ko muna ang kapeng aking tinimpla sa aking ama bago tuluyang sinagot ang telepono. Hindi ko na napansin kung nanlaki ulit ang kanyang mga mata.

"Bakit mo naman binaba, Sumire?" Matutunugan mong sya'y malungkot dahil sa tono ng kanyang boses.

"Pasenya na, naputol ang aming koneksyon. Hindi ko sinasadya." Napangiti ako dahil hindi ko inaasahang sya'y muling tatawag.

Teka! Bakit ako napangiti?!

"Hindi bale, nasaan na nga ba tayo? Ah! Anong huli mong narinig kanina bago naputol ang tawag?" Biglang sigla sa kanyang tinig.

"Huwag mo nang intindihin iyon. Nagawa mo na ba ang takdang-aralin natin sa Agham?" Singit ko upang ibahin ang usapan.

"Ay oo nga pala! Mabuti at pinaalala mo! Tapos ka na ba?"

"Oo, madali lang naman ito." Bigla akong napatingin sa aking ama at kita kong pinanlalakihan nya na naman ako ng mata."A-Ah, Suiren, sige na, gawin mo muna ang ating takdang-aralin, bukas na lang ulit." Kinakabahan kong sabi dahil sigurado akong pagagalitan ako ng aking ama pagkatapos nito.

"Bukas ah! Sabi mo iyan! Tatawag ulit ako sa'yo bukas!"

Naku. Bakit ko ba nasabi iyon? Hayaan mo na nga!

"Oo na, sige na. Bukas na lang. Sige, paalam." At dali-dali kong ibinaba ang telepono nang hindi sya pinagsasalita.

"Sumire..." Dinig kong tawag ng aking ama.

Lagot. Patay ako.

Ayaw ko man ay lumapit ako sa kinauupuan ng aking ama.

"Sino ba iyon at dalawang beses pang tumawag sa'yo?" Tanong nya habang hinihigop ang kanyang kape.

"Kaklase ko lamang po. Nagtatanong lamang po sya tungkol sa aming takdang-aralin sa Agham. Hindi nya raw po kasi alam kung paano sasagutan." Aking pagsisinungaling.

"O sya. Tulungan mo na ang iyong ina sa paghahanda ng ating hapunan."

"Opo." Ako'y yumuko muna bago umalis upang tulungan ang aking ina.

Ako'y naguguluhan pa rin sa mga nangyari. Bakit kaya ako tatawagan ni Suiren kahit na alam kong nililigawan na nya si Himawari? At isa pa, hindi maganda ang aking kutob sa kanya. Hindi ko gusto ang mga gaya nyang lapitin ng mga babae. Delikado, kailangan kong matiyagan ang mga susunod nyang ikikilos. Kailangan--

"Sumire... Masusunog na 'yang niluluto mo." Nagulat ako sa sinabi ng aking ina.

"Naku, pasensya na po!"

"Mukhang malalim ang iniisip mo. Tungkol ba 'yan sa kausap mo sa telepono kanina?" Nakangiting tanong ng aking ina.

"Hindi po, ina. Nagkakabisado lamang po ako para sa pagsusulit namin bukas."

Aba'y dalawang beses na kong nagsinungaling para sa lalaking iyon! Tunay na walang magandang maidudulot ang pag-iisip sa mga gaya nya!

"O sige, bumalik ka na muna sa iyong silid at tatawagin na lang kita kapag luto na ito upang makapaghapunan na tayo."

"Opo." Matipid kong sagot.

Humanda sa akin 'yang Suiren na iyan!

Pangarap lang Kita (Ongoing)Where stories live. Discover now