Ang Katiwala
(C)
Isa akong technical staff sa isang law firm na madalas humawak ng kaso tungkol sa mga properties. Kaya naman marami kaming client na mga developer sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan. Isa sa mga batang-batang abogado ng company ay si Alex. Lumaki siya sa isang probinsya sa north Luzon at galing sa isang mayamang angkan doon. Kami ang naging buddy sa opisina dahil halos sa akin niya kinukunsulta ang mga bagay-bagay na technical sa hinawakan niyang mga kaso. Sa gimikan din ay kami lagi ang magkasama.
Seryoso sa buhay si Alex at sobrang tahimik. Kahit kayumanggi ang kulay niya at marami pa ring chicks ang nahuhumaling sa kanya dahil na rin sa kanyang taas at kakisigan. Halos magkasing-edad lamang kaming dalawa kaya naman click kaming magkasama. Yun din ang napapansin ng mga kasamahan namin sa opisina. Minsan nga ay binibiro pa kaming magsyota at kung sino daw ang bading sa aming dalawa. Ewan ko, siguro tulad ni Alex, naging subsob kami sa trabaho kaya naman nalimutan na namin ang magka-girlfriend. Basta naging kontento na yata kami sa aming pagiging binata at trabaho.
Isang Biyernes ng umaga ay nakatanggap ng tawag sa telepono si Alex mula sa katiwala nila sa kanilang bahay sa probinsya at kailangan nya na raw umuwi. Nasa US ang kanyang mga magulang kasama ang ate niyang nakapag-asawa na rin ng puti. Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit siya pina-uuwi. Di rin niya pinaalam sa akin ang dahilan. Subalit niyaya niya akong samahan siya sa kanyang pag-uwi sa probinsya. Nagpaalam kami sa opisina at nangakong papasok kaming muli sa darating na Lunes. Kumuha lang ako ng aking mga damit sa bahay at tuloy na kaming nagbiyahe patungo sa kanila.
Takipsilim na ng dumating kami sa kanilang bahay. Di naman ito kalakihan, pero nakatayo ito sa gitna ng kabukiran na napapaligiran ng mga sari-saring punong kahoy. Gawa ito sa semento at kahoy at may malalaking bintana na yari sa kapis. Sa madaling salita ay maaliwalas ang dalawang palapag na bahay nila Alex. Si Aling Marta ang sumalubong sa amin. Sumalubong din ang nagngangalang Berto na ipinakilala ni Aling Marta na kanyang panganay na anak at tumatayong katiwala sa bahay nila Alex.
Nakahanda na ang aming hapunan pero minabuti pa rin ni Alex na puntahan ang kanyang mga tiyuhin para kausapin agad. Di na siya nagpalit ng damit at nagpaalam agad kay Aling Marta. Di na rin ako sumama dahil wala naman siguro akong business doon at isa pa gutom na rin ako. Pinagsilbihan ako ni Aling Marta sa aking pagkain ng hapunan. Naikwento nya rin ang tunay na problema ng pamilya ni Alex. Gusto na daw ibenta ng mga kapatid ng kanyang ama ang kanilang lupain kung saan malaki pa ang pakinabang nito sa mga naaani dito. Tatlo silang magkakapatid ang nagmamay-ari sa lupain na iyon. Pero ang ama ni Alex ang namuhunan para mapakinabangan ito ng husto. Di naman daw nagkukulang ang ama ni Alex na bahaginan ang mga kapatid niya. Marahil ang napipintong pagtakbo sa pulitika ng panganay na kapatid ang dahilan. Tiyak mangangailangan ito ng malaking salapi.
Kung anu-ano pa ang naikwento ni Aling Marta sa akin hanggang matapos akong kumain. Pumanhik ako sa balkonahe ng bahay upang lasapin ang preskong simoy ng hangin. Halos maidlip ako sa sarap ng simoy na hangin habang nakaupo sa tumba-tumbang upuan. Napukaw lamang ang aking pagkakaidlip ng mrinig ko ang tinig ni Aling Marta na nagpapaalam. Uuwi na daw siya at si Berto na daw ang bahala kung may kailangan daw kami ni Alex. Bago lubusang nagpaalam si Aling Marta ay tinanong ko siya kung malayo ang pinuntahan ni Alex. Di naman daw ito kalayuan pero baka napapahaba ang usapan dahil matagal-tagal na ring di nabibisita ni Alex ang mga tiyuhin nito.
Nang makaalis na si Aling Marta ay nilibot ko ang ang buong bahay. Iilan lamang ang mga silid pero pawang malalaki ito at kung bubuksan mo ang mga bintana ay di mo na kailangan pa ng aircon o electric fan. Di nagtagal ay nakarinig ako ng bumubuhos na tubig sa gawing likuran ng bahay. Sinundan ko tunog at pumasok ako sa isang silid kung saan mas malakas kong naririnig ang tunog ng buhos ng tubig. Bukas na bukas ang bintana at sa pagdungaw ko ay si Berto ang aking nakita sa ibaba ng bahay.