***
Akala ko, tumalab 'yong I love you ko kasi nalaman ko kay Kuya na biglang nag-break sina Jacob at Wineth. Pero Miyerkules pa lang ng linggong dumating, may mga babae nang galing sa ibang department ang nagpapapansin kay Jacob. Mga taga-Architecture at mga taga-Advertising. Niyayaya siyang mag-coffee. Sabi ni Kuya, parehas lang daw 'yong pagyayang mag-coffee sa pagyaya ng date. Suwerte na lang kasi kahit namamansin si Jacob, nagde-decline naman. Kaso ilang ulit ko siyang nakita sa building nila na kausap si Maureen.
Si Maureen na naman.
Ilang ulit kong narinig sina Kuya Jepoy at Ivan na inaasar si Jacob kung makikipagbalikan daw ba sa first love niya. Wala namang sinasabi si Jacob.
Naging busy sila sa project nila sa school. Naging busy naman kami nina Yan at Mi sa science project namin at sa praktis ng play tuwing uwian. Halos hindi kami nagkakasabay umuwi. Binabalikan na lang kami ng van nina Tito Herbert sa gabi para sunduin.
Huwebes, napaayos na sa sukat namin 'yong costume. Biyernes, exempted kami sa klase para sa play.
Nazaria ng Panay ang title ng play namin. Tungkol 'yon sa buhay ni Nazaria Lagos, ang Florence Nightingale ng Panay. Supporter siya ng rebolusyon at naging ulo ng ospital na itinayo ng mga rebolusyunaryo no'ng panahon niya. Naging unang Presidente rin ng Iloilo Red Cross.
Senior ang nakakuha ng lead role. Kami nina Yan at iba pang bagong members ng teatro, supporting naman. Nurses kami sa dula.
Excited ako kasi nagsabi si Jacob na manonood sila nina Kuya. Kapag may sinabi kasi siya, tinutupad niya talaga.
May designated seat para sa parents na gustong manood. Hindi pupunta sina Mama at Papa dahil may gawa sa talyer kaya sina Kuya ang gagamit no'ng seat. Tinandaan kong mabuti kung saan 'yon para makita ko sila agad. Marami kasi akong eksena. Gusto kong makita kung pa'no ako panonoorin ni Jacob.
Pero magsisimula na lang 'yong play namin, wala pang tao sa seats nila.
"Team, get ready! Papatayin na ang ilaw sa auditorium at lahat kayo kasama sa opening!" malakas na anunsyo ni Mrs. Felardo. Nag-clap siya as cue.
Kinalabit ako ni Yan mula sa pagsilip ko sa malaking kurtina.
"Darating din 'yon sila," sabi niya. "Tara na sa puwesto natin."
Hindi ko maitago ang simangot ko sa kanya.
"Nag-text na ako kay Kuya ng seat number nila. Kabisado naman nila ang loob ng auditorium," sabi niya pa. "Nakapuwesto na si Mi."
Nakalabi ako nang magpahila kay Yan papunta sa left entrance ng stage. Sabayang bigkas ng tula ang opening ng dula namin. Nang mag-cue uli si Mrs. Felardo sa backstage staff, kanya-kanya kaming dampot ng props. Bayong ng gulay ang sa 'kin. Props na manok ang kay Yan. Tali ng suman ang kay Mi.
Pagdilim sa auditorium at pag-cue ng music para sa opening, lumabas kami mula sa backstage para sa dula.
***
Hindi ko namalayan kung kailan dumating sina Jacob, Kuya Jepoy, Ivan, at Tita Judy. Natuon na kasi ang pansin ko sa dula. Pakiramdam ko, walang time huminga kahit kapag nag-aabang kami ng scene namin. Nakakakaba pala kasi kapag mismong play na at may audience na. Kahit halos hindi namin makita ang mukha ng mga nanonood, ramdam at dinig naman namin sila. Lahat kami ay may adrenaline rush.
Wala akong nakalimutang lines pero nasalabid ako sa isang prop sa stage. Hindi naman ako nadapa pero nanakit ang paa ko.
No'ng nagpasalamat na ang narrator, nag-cue ang ending song, at nag-bow kaming lahat, saka pa lang kami nakahinga. Nagtapikan at yakapan kami nina Yanyan at Mimi. Pagbukas ng ilaw, nakita namin sina Kuya sa seat na allotted sa kanila—pumapalakpak.
BINABASA MO ANG
Kiss You (Candy Stories #1) (Published by Anvil Bliss)
JugendliteraturRejecting Iya's confessions is Jacob's norm. After sharing three kisses that Jacob claimed as meaningless, will Iya finally give up--or will she keep holding on until her dream romance turns into reality? *** "I'm falling for your meaningless kiss...
Wattpad Original
Mayroong 1 pang libreng parte