HINDI pinansin ni Angela ang sunud-sunod na katok sa pinto ng kuwarto niya. Narinig din niya ang pagtawag sa pangalan niya ng bunso niyang kapatid na si Ivan pero nagpatuloy lang siya sa pagtulog. Magdamag siyang gising kagabi dahil tinapos niya ang manuscript niya.
Sa tuwing makakatapos siya ng nobela ay bibigyan niya ang kanyang sarili ng isang buong araw para makapagpahinga. At iyon nga ang balak niyang gawin ngayon. Gusto niyang matulog maghapon para makabawi sa ilang gabing pagpupuyat niya.
Mahigit apat na taon na siyang romance writer sa isang sikat na publishing company sa bansa at nakasanayan na niya ang ganoong routine. Kaya walang sinuman ang puwedeng kumuha ng reward niya para sa sarili niya. Sorry na lang ang kapatid niya dahil wala siyang balak na pagbuksan ito.
Pero nagpatuloy pa rin sa pagkatok si Ivan kaya napilitan na siyang magsalita para patigilin ito.
“Ivan, mamaya mo na ko istorbohin. Natutulog pa ko!” Nakapikit pa rin siya habang nagsasalita dahil ayaw niyang mawala ang antok niya.
“Sige, matulog ka lang para hindi mo makita si Arkin!” sigaw din ni Ivan mula sa labas ng pinto. Bigla siyang napabangon para pagbuksan ito pagkarinig niya sa sinabi nito. Kaagad din niya itong pinagbuksan ng pinto.
“Si Arkin? As in Arkin Alcantara?”
“Sino pa bang Arkin ang kinababaliwan mo?” iritableng wika naman nito.
Napatili siya sa sobrang excitement. “Asan siya?”
Arkin Alcantara was her ultimate crush. Seven months ago, inilipat ni Ivan ang pinapanood niya sa channel ng PBA at doon lang niya unang nasilayan ang kaguwapuhan ni Arkin. Kaya sa halip na magalit sa kapatid dahil sa pang-aagaw nito ng remote control ay natuwa pa siya. Dahil kung hindi iyon ginawa ni Ivan ay hindi niya malalamang may nag-e-exist palang napakaguwapong lalake sa Philippine Basketball Association.
Mala-anghel kasi ang mukha ni Arkin. Tila ito ang tipo ng lalakeng hindi marunong magpaiyak ng babae. Kaya hindi kataka-takang nasa UAAP pa lang ito ay mayroon na itong fans club.
Maliban sa pagiging guwapo ay hindi maitatanggi ang husay nito sa basketball. Noong nakaraang taon ay ito ang nagkamit ng Best Rookie of the Year award. Sa maikling panahon nito sa PBA ay malaki na ang naiambag nito sa Air Magnifico Flyers. Kaya naman lalo siyang humanga kay Arkin.
Pero hindi na siya umaasang magkakaroon pa ng katugon ang paghanga niya para sa sikat na basketbolista. Para sa kanya ay isa lamang itong pangarap. Kontento na siyang mapanood ito sa TV.
Kahit isang beses nga ay hindi pa niya ito nakikita ng personal. Hindi pa rin siya nakakapanood kahit isang game nito o kahit tune up game man lang.
Hindi kasi siya sanay na nakikisalamuha sa mga tao. Mahiyain at introvert siya. Kaya nga pagkalipas ng anim na buwan niyang pagtatrabaho sa isang kumpanya ay nagdesisyon siyang ipagpatuloy na lang ang writing career niya. Mas pinili niyang magtrabahong mag-isa sa bahay dahil hindi siya komportable sa presensiya ng maraming tao. Kaya nga nabibilang lang sa mga daliri sa isang kamay ang close friend niya.
Hindi naman siya nagsisi sa ginawa niyang desisyon. Naging masaya siya sa tinahak niyang landas. Kahit papaano ay nakatulong din siya sa kanyang ama sa mga gastusin sa bahay.
Pero sa mga nakalipas na linggo ay nahihirapan siyang magsulat. Panay ang balik sa kanya ng mga manuscript na pinapasa niya dahil hindi nakapasa ang mga iyon sa panlasa ng editor. Ayon sa feedback ng editor ay kulang daw sa kilig ang mga kuwento niya.
Siguro ay dahil hindi na siya masyadong nakakapagbasa ng mga romance novel. Hindi na rin siya nakakapanood ng mga telenobela at romance movie. Umikot na lang ang buhay niya sa apat na sulok ng kanyang silid. Maliban sa kapatid at ama niya ay wala na siyang ibang nakakausap kundi ang bestfriend niyang si Ciara.

YOU ARE READING
Maid to Love You
RomanceSuper crush ni Angela ang sikat na basketball player na si Arkin. Kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon na makadaupang-palad ito ay hindi na niya pinalagpas iyon. Agad-agad siyang nagpunta sa lugar kung saan niya ito makikita. Pero sa halip...