PREVIEW:

54 9 3
                                    

PREVIEW:



          Mayroong isang perpektong daigdig na puno ng liwanag at walang ibang kulay kun'di ang pinaghalong puti at maaliwalas na asul na animo'y kulay niyebe. Ito ang daigdig na kailanman ay 'di nagalugad o natuklas ng sinumang taong nabubuhay sa sangkatauhan. Kahit pa gaano ito katalino sa larangan ng pagsiyasat ng mga bagay-bagay sa siyensya, ay kulang pa ang kanilang kakayahan.

Kaya ni minsan hindi nila nadiskubre ang pinaka-aasam na mundong paniguradong gustong marating ng lahat kung sakali man. Dahil ito'y isang sikretong mundo na kailanman ay 'di nabatid ng mga nilalang sa lupa na kanila talagang tunay na pinanggalingan. Ang daigdig na iyon ay walang iba kun'di ang Nebah.


Ito'y isang mundo kung saan nanggaling at naninirahan ang mga nilalang na tinatawag na mga Nebiyo, ganoon din ang sari-saring nilalang na kung tawagin ay mga Nabon. At ang napakalaking daigdig ng Nebah ay binubuo lamang ng apat na lugar. Ngunit kahit apat lamang itong naghahati-hati, lahat naman ay may partisipasyon sa sinabing daigdig. Ito ay ang Dabin, Gono, Aknilan at Hanre. Sa gawing hilaga ay naroon matatagpuan ang Dabin, habang sa timog ay naroon ang Gono, sa silangan ay naroon ang Aknilan at sa kanluran naman ay ang Hanre.


Nebiyo - Ang tawag sa mga naninirahang nilalang na kawangis ng tao sa mundo ng Nebah. Ang mga nebiyo rin ang nagiging mga tao na pinapadala/pinapanganak sa lupa upang mamuhay ng normal sa mundo ng sangkatauhan. Sila ay binubuo ng limang klase base sa kanilang lugar na kinalalagyan sa Nebah. Obrerong Nebiyo, ang mga nakatira sa Dabin, Ensayerong Nebiyo at Prososyo o Maestrong Nebiyo naman ang mga na sa Gono, Ordinayong Nebiyo ang mga na sa Aknilan at Hanriyong Nebiyo naman ang mga na sa Hanre.


Nabon - Ang tawag sa iba't-iba at sari-saring hayop na naninirahan din sa Nebah. Ang mga Nabon din ay pinapadala sa lupa upang mapakinabangan ng mga tao. Sa Nebah din sila nagmula at sa Nebah rin sila babalik kapag sila rin ay pumanaw na sa sangkatauhan.



Ang lugar na Dabin ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Nebah. Araw-araw ay abala ang lahat ng mga Obrerong Nebiyo sa nasabing lugar. Dahil ang mga nebiyong ito ay ang mga tagatakda, tagatala at taga-ayos ng mga aalis at babalik na nilalang sa mundo ng Nebah. Lahat ng obrero ay hindi mo kakakitaan ng tinatawag na katamaran at pahinga. Kinakailangan nilang magtrabaho ng walang kapaguran at walang katapusan, para maging balanse at na sa tamang proseso ang pag-alis at muling pagbabalik ng mga Nebiyo at maging ng mga Nabon sa mundo ng Nebah. Sa Dabin, tinatala at unang dinadala ang mga nebiyo at mga nabon na aalis at babalik sa mundo ng Nebah. Ang mga obrerong nebiyo ay ang taga gawa ng listahan ng mga Ordinaryong Nebiyo mula sa Aknilan, na ipapadala sa Gono. Pagkatapos ay isasakay sa sasakyang tinatawag nilang Kamuri, upang dalhin sa ibang mundo na tinatawag na mundo ng mga tao. Ang mga obrero rin ang nagtatala ng mga babalik na nebiyo at ipapadala sa Hanre.



Ang Gono naman ay matatagpuan sa timog na bahagi ng Nebah. Matapos itala ang mga ordinaryong nebiyo sa Dabin, ay dito na sila sa Gono pansamantalang mamamalagi. Sa Gono sila walang humpay na tinuturuan ng mga Prososyo o Maestrong Nebiyo, dahil sila ay nakatakda ng ibaba sa daigdig ng mga tao. Dito sinasanay ang mga ordinaryong nebiyo na ngayo'y tinatawag ng Ensayerong Nebiyo, dahil nga'y wala na sila sa Aknilan. Sinasala ang kakayanan nila para malaman kung handa na silang tumapak sa ibang daigdig. Sa Gono rin unti-unting binabawasan ang kanilang 'di mapapantayang lakas at tuluyang tinatanggal ang kanilang mga kapangyarihan at ala-ala bilang isang nebiyo. Dahil ang mga nebiyong nakatakdang umalis sa Nebah, ay sinisigurado ng mga obrerong nebiyo sa Dabin at maging ng mga maestrong nebiyo sa Gono na wala na sa kanilang hinuha ang mundong ito, wala na silang kapangyarihan at hindi na nila maalala na minsan silang naging parte ng Nebah. Matapos ng kanilang pagsasanay sa Gono ay dadalhin muli sila ng Dabin upang isakay na sa Kamuri.


Ang Aknilan ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Nebah. Dito naninirahan ang mga tinatawag na Ordinaryong Nebiyo kasama ang mga samut-saring klase ng mga nabon. Ang mga nebiyong ito ay hindi pa nakatala sa Dabin ang pagkabuhay sa ibang mundo at hindi pa rin sinasanay sa Gono upang dalhin sa sangkatauhan. Kaya naman, sila ang mga nebiyong binubuno lang ang walang hanggang oras at walang sawang inaaksaya ang kanilang iba't-ibang uri ng mga kapangyarihan sa malaking lugar ng kalatagan sa Aknilan.


At ang lugar na Hanre ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Nebah. Dito kusang hinihigop o awtomatikong dinadala ang mga taong nasawi sa kanilang mundo para maging isa muling ganap na nebiyo, matapos makumpirma ang kanilang pagdating sa Dabin. Sa Hanre ang tanggapan at pansamantalang tirahan ng mga nebiyong kababalik lamang sa Nebah. Dito kusang tinatanggal ang kanilang memorya bilang isang tao at binabalik ang kanilang ala-ala at kapangyarihan bilang isang Hanriyong Nebiyo. Ang mga hanriyo ay sumasailalim muna sa ilang mga proseso bago sila muling alisin sa lugar ng Hanre. At pagpilian para maging isang obrero sa Dabin, maestro sa Gono o ibalik muli sa Aknilan at maging isang ordinaryong nebiyo.



Kamuri - Isang uri ng sasakyan na nagiging daan upang isalin ang isa hanggang apat na nebiyo sa isang taong babae sa mundo ng mga ito, upang ipanganak doon ng normal at maging isang ganap na tao.



Ang Nebah, ay ang katotohanang konsepto ng daigdig na tinatawag ng mga taong, langit o paraisong pinatutunguhan ng sinumang mabubuting nilalang sa lupang nasasawi o binabawian ng buhay. Ngunit subalit, kahit pa may kapirasong tugma ang mga haka-haka o hinuha ng mga tao, ukol sa kanilang kahahantungan sa kabilang mundo'y marami pa rin silang hindi nalalaman. Gaya ng sa Nebah din sila nagmula. Gayundin ang mga taong masasamang nasawi sa lupa ay tinatanggap muli sa Nebah. Dahil ang mundong ito ay patas at hindi gaya sa mga paniniwala ng sangkatauhang nahahati sa dalawang aspeto ang kalalagyan ng mga pumanaw. Dahil ang Nebah ay iisa lang at naandito na ang salin-salin at sari-saring mga taong namatay upang maging isang nebiyo at mga nebiyong ipinapanganak pa lang sa sanlibutan upang maging isang ganap na tao.


Ito'y isang mundong tahimik. Lahat ay may kontribusyon at nagtutulungan upang maging pantay pantay at balanse ang lahat.


Ngunit paano kaya malulutasan ng mga nebiyo ang hindi nila inaasahang pangyayari sa kanilang tahimik na pamumuhay sa mundo ng Nebah? Paano kaya ito malulutas ng perpektong mundo na ngayo'y nagkaroon ng matinding problema at pagsubok?




--------------------------------------------------------

A/N:  Ginawa ko po itong PREVIEW, para alam niyo na ang itsura at may ideya na kayo sa mundo ng Nebah. At para iwas confusions sa mga salita at lugar na gagamitin ko sa next kong update, which is Prologue at mga next na Chapters. Ayun! Sana po ay suportahan niyo ito. God Bless Us!

-- DerlheartsYou

LimitlessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon