Spoken Poetry

20 0 0
                                    


Noon sabi ko, paano?
Noon sabi ko, bakit?
Noon sabi ko, ano?
Walang sumagot—
Wala ni isa.

Pero rati na iyon,
Lumipas na,
Nakaraan.
'Di na dapat balikan.
Ngunit sa bawat pagpikit ng lumuluhang mga mata, tanging ikaw at ikaw lang ang nakikita.
Paano, bakit, ano?

Paanong sa isang iglap ay iniwan mo ako?
Paanong sa isang pagsubok ay mas pinili mong lumayo?
Paano, bakit, ano?

Bakit sa tuwing kinakausap kita ay tanging pagtango lang ang sagot mo?
Bakit sa tuwing yayakapin kita'y ngingitian mo lang ako
Na hindi ko mawari kung matamis ba o mapait?
Paano, bakit, ano?

Anong nagawa ko para magkaroon ka ng dahilan na bitawan ako?
Anong mayroon, anong nangyari?

Oo! Tanga na kung tanga.
Pero paano ko malalaman kung hindi ko itatanong?
Paano ko malalaman kung naglalakad lang ako tapos ikaw tumatakbo?
Sabihin mo sa akin,
Paano, bakit, ano?

Alam mo
Sa t'wing pipikit ako, gusto kong ngumiti.
Ngumiti hindi dahil sa mga alaalang gumuguhit sa aking isipan,
Ngingiti ako dahil alam kong malaya na ako sa sakit na dinulot mo sa nakaraan.
Ngingiti ako upang maramdaman ang pasasalamat na hindi ikaw ang aking nakatuluyan—
Sa huli.
Ngingiti ako dahil wala na akong dahilan para masaktan
Kasi tanggap ko na.
Tanggap ko nang hindi tayo ang para sa isa't-isa.
Tanggap ko nang may hangganan tayo dalawa.

Pero salamat pa rin dahil nakilala kita.
Nakilala ko ang ikaw na walang paninindigan sa mga binibitiwang salita.
Salamat, salamat.

At kung sakaling makikita ulit kita sa bawat pagpikit ng aking mga mata—
Alam ko na.
Alam ko na ang sagot sa mga tanong ko—
Kung paano, bakit, ano
Na minahal kita sa kabila ng reyalidad na kailanma'y 'di tayo.
Hindi tayo ang para sa isa't-isa.
Salamat, salamat.
Salamat.

©cheyonnibapps||2017

Fileiana PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon