William Marshall

9 0 0
                                    

"Hindi mo mahahanap ang tunay na kaligayahan at tapat na pag-ibig sa mga materyal na bagay lamang."

Si William Marshall ay naging kaklase ko noong ako'y nasa 4th year high school. Ang kanyang palayaw ay Wil. Siya ay nakatira sa isang mansiyon malapit lang sa aking tirahan at sa aming paaralan, kabilang siya sa isang mayamang pamilaya sa Europe. Si Wil ay isang napaka malihim na tao, pilit niyang itinatago sa aming paaralan ang totoong estado ng kanyang buhay. Ayaw niya kasi na mailang o maiba ang pakikitungo sa kanya ng aming mga schoolmates.

"Nakakaangat ang pamilya ko sa Europe." Ang sabi niya sa akin noong minsan kaming nagkwentuhan.

"Para bang isa kaming royal family. Kakaiba ang trato ng mga tao sa amin, kami'y kanilang iginagalang ng lubos. Lahat ng aming ipag utos o kahilingan ay mabilis na nasusunod."

"Masaya siguro ang mamuhay ng ganyan, nasusunod lahat ng gusto mo," ang sabi ko sa kanya.

"Elizabeth, tatandaan mong lahat ng bagay ay may kapalit. Oo nga't nakukuha ko ang lahat ng gusto ko, kahit nga hindi ko hilingin eh. Pero ang lahat ng iyon ay may kapalit... Gaya na lamang ng pagtira ko sa isang malaking bahay ngunit ako nama'y nag-iisa. Araw-araw ang kasama ko lang ay ang mga katulong."

"Nasaan ang mga magulang mo? Ang mga kapatid mo?" tanong ko sa kanya.

"Wala akong kapaid, solong anak ako. Ang mga magulang ko naman ay nasa Europe, pero paminsan-minsan wala rin sila doon. Madalas hindi kami magkakasama, parating nasa iba't ibang bansa kami. Gaya ngayon, ako'y nandito, ang aking ama ay nasa America samantalang ang aking ina ay nasa Germany."

Sa mga sandaling yaon, naintindihan ko kung ano ang ibig niyang sabihin na sa lahat ng bagay ay may nagiging kapalit. Oo nga't nakukuha niya ang lahat ng gustuhin niya ngunit hindi naman siya masaya. Naisip ko tulo'y kung kailan kaya sila huling nagkasama ng kanyang pamilya? Simula pa ba noong bata siya ay ganito na ang mundong ginagalawan niya? Gusto ko sanang tanungin ang tungkol sa mga bagay na ito ngunit ako'y nahiya namang magtanong at baka isipin niya pa na masyado na akong nanghihimasok sa kanyang personal na buhay. Tuwing uwian, ako'y kanyang inihahatid sa aming bahay, at sa aming paglalakad ay nagkukwento rin siya.

"Madalas ka bang nag-iisa? May mga kaibigan ka ba at alam ba nila ang totoo mong stado sa buhay?" bigla ko na lang naitanong sa kanya.

"Marami rin akong nakilala at naging kaibigan kaya masasabi kong di ako nagiisa. Kung sa bahay ang pag-uusapan, 'yon lagi akong mag-isa."

Patuloy pa niya, "Sa lahat ng naging kaibigan ko'y sa'yo ko lamang ito naikwento. Hindi ko hilig ikwento ang personal kong buhay sa iba. Hangga't maaari ay gusto ko itong ilihim, magiging komplikado kasi ang lahat sa oras na marami ang makaalam ng totoo kong pagkatao."

"Ha! Ganoon ba, e di dapat pala hindi mo sa akin ikinuwento ang iyong buhay kung magiging komplikado ang lahat. Naku, mapapahamak ka pa ata ng dahil sa akin," ang sabi ko sa kanya.

Nagulat ako sa kanyang naging reaksyon, bigla siyang tumawa ng napakalakas.

"Huwag kang mag-alala! Gaya ng sinabi ko sa'yo, ikaw lang ang tanging nakakaalam nito. Hindi mo naman balak ipagsabi ang aking lihim, tama ba ako Elizabeth?" ang sinabi niya habang nakangisi.

"Oo! Pangako! Hinding-hindi ko ito pagsasabi kahit kanino! Mananatiling itong lihim sa iba."

At muli, tumawa nanaman siya ng napakalakas. Habang ako'y gumagawa nang aking mga assignments, bigla na namang pumasok sa aking isipan kung ano ang ibig niyang sabihin na magiging komplikado ang lahat. Ano kaya ang tinutukoy niyang lahat? Kinabukasan ay muli na naman kaming magkasama, gusting-gusto kong magtanong sa kanya tungkol sa personal niyang buhay ngunit ako nama'y nahihiya at natatakot na baka siya'y mainis sa akin,

"Elizabeth, sabihin mo... May gusto ka bang itanong sa akin?" ang biglang tanong ni Wil sa akin, siguro'y nahalata niya ang aking nararamdaman.

"Ha?! Tanong? At ano naman ang itatanong ko sa iyo?"

Pilit akong tumatanggi na may gusto akong tanungin ngunit ito'y taliwas sa sinasabi ng aking isipan.

"Ano nga ba ang itatanong mo sa akin? Kahit ano siguro, ewan. Basta, nararamdaman kong may gusto ka pang malaman..." ang sabi niya habang nakatitig sa akin.

"Elizabeth, gaya ng sabi ko sa'yo kahapon ay sa lahat ng aking naging kaibigan ay sayo ko lamang naikukwento ito. Iyon ay dahil sa may tiwala ako sa'yo at isa pa alam ko naman na hindi ka gaya ng iniisip ng iba na pagsasamantalahan lamang ang aking kabaitan."

Maraming mga tanong ang pumasok sa aking isipan, ako'y naguluhan. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong itatanong sa kanya.

"Wil, huwag ka sanang magagalit pero... Ano ang ibig mong sabihin sa magiging komplikado ang lahat? Ano ang lahat ng iyon?"

"Ah, iyon ba. Magiging komplikado ang lahat... Gaya ng kilos ko, sa ngayon ay maluwag pa sila sa akin, hindi pa nila ako masyadong hinihigpitan. Pero sa oras na marami na ang makaalam ng totoo kong pagkatao, magiging limitado ang lahat ng galaw ko. At isa pa, mamadaliin nila ang lahat ng bagay..."

Lalo akong naguluhan sa kanyang sinabi, ngayon ko lang napagtanto na mahirap pala ang maging katulad niya.

"Anong mga bagay ang mamadaliin? Sorry Wil, hindi ko talaga maintindihan. Mahirap pala ang sitwasyon mo."

"Sabi naman sa'yo eh... Iyong mga bagay naman na mamadaliin ay tulad ng pagpasa sa akin ng responsibilidad ng pamilya. Pangit man pakinggan pero, sapilitan ang gagawin nila sa akin kung mangyari man na mabulgar sa lahat ang totoo kong pagkatao. At dahil sa sapilitang ipapasa sa akin ang responsibilidad, syempre pipilitin din nila akong mag-asawa agad."

"Fixed marriage?! Sa ganyang edad?! Anong kinalaman ng fixed marriage sa pagpasa sayo ng responsibilidad?!"

"Nagulat ka, ano?! Ako man din ay nagulat noong una ko itong narinig. Ang dahilan ng fixed marriage sa ilang mayayamang pamilya ay para mapanatili ang yaman ng parehong pamilya," ang sagot niya sa aking tanong.

"Dahil lang sa para mapanatili ang yaman ng isang pamilya ay dapat kang magpakasal sa isang taong pinilit lang sa'yo? Grabe! Hmmmmm... Wil, sa mga gantong sitwasyon ba... Pwede kang tumanggi? Iyon bang sasabihin mo na hindi ka pa handa sa mga ganitong bagay, na kaya mong tanggapin na maagang mapapasa sayo ang responsibilidad pero hindi ka pa handa sa fixed marriage..."

Pansamantalang natahimik kami, natakot ako na baka nainis siya sa aking kakatanong ng mga bagay na sana'y isa lamang lihim. Ngunit nagulat ako nang bigla siyang ngumiti sa akin,

"Ganoon talaga kahirap mapabilang sa isang mayamang pamilya, gaya nga ng sinabi ko sa'yo noon... Ang lahat ng bagay ay may kapalit, ang lahat ng materyal na bagay na gustuhin ko ay laging may kapalit na kalungkutan..."

"Minsan ba'y... Nagsisisi kang naging kabilang ka sa isang mayamang pamilya?"

"Ahmmm, oo minsan ako'y nagsisisi. Subalit alam kong may dahilan ang lahat ng bagay ng nangyayari sa akin... Hindi ko man ito gustuhin..."

Marami pa sana akong gustong tanungin sa kanya, ngunit, ako'y natigilan nang bigla niya akong tinitigan ng napakatagal na para bang gusto niyang umiyak at maglabas ng sama ng loob ngunit ayaw niya lamang ilabas.

"Elizabeth, sana'y huwag magbago ang tingin mo sa akin. Ako pa rin ito, si Wil na nakilala mo noong unang araw ng pasukan. Tahimik, simple... Huwag sanang maging hadlang ang mga nalaman mo tungkol sa akin, at sa ating pagkakaibigan."

At hanggang sa dumating na nga ang araw na pareho naming hindi inaasahan. Umalis na siya patungong Europe. Nabalitaan ko na lang sa isang balita sa telebisyon na siya'y dumating na sa kanilang bansa upang harapin ang naghihintay na responsibilidad sa kanya at sa ngayon ay nagging isang malaking isyu ang tungkol sa kanyang pagpapakasal. Ang sabi'y wala pa raw komento si Wil sa balitang iyon. Ang sabi pa raw ay hindi na muling aalis ng bansa si Wil upang lubos na magampanan ang kanyang tungkulin sa bansa at sa pamilya. Ako'y biglang nangamba sa mga narinig ngunit alam kong nag-iwan siya ng isang pangakong pareho naming pinanghawakan.

Ako'y MaghihintayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon