Hindi ko mapakuwari kung bakit sa libu-libong dilag na sa aking harapan ay nagdaan sa iyo ako lubusang nabighani, na para bang ang iba't tila liwanag na lamag na sa sobrang bilis ay hindi ko na napansin.Sa bawat paghakbang ng iyong mga paa'y panibagong numerong tinuturo ng maiksing bisig ng aking relo, para bang inabot ng buong araw ang iyong aglisan sa aking paningin mula sa kinaluluklukang bangko sa sulok ng kwadradong silid. Namulat na lamang ako sa katotohanan ng may biglang tumapik sa aking balikat, at sa muling paggising ng aking kamalayan sa reyalidad ay aking napagtantong na ika'y di na abot pa ng aking tanaw. Agarang ako'y tumindig at ika'y hinanap sa buong gusali ngunit tila kalaban ko'y oras at mukhang ako'y di magwawagi. Padapit hapon na noon, mga mag-aaral ay unti-unti nang nagsisilabasan kasunod nito'y pagkapuno ng pasilyo na kung saan kita inaabangan. Heto na naman ang mga paang nagsisiyabagan na lumilikha ng ritmong puso ko'y sinusundan, pakanan pakaliwa mga babae nagsisidaanan, ngunit tulad ng kanina tila wala akong namalayan, hindi ko mabatid kung bakit pero ikaw lang ang aking hanap. Lumipas ang mga segundo, nagdaan ang mga minuto at naubos na ang oras, ngunit ni anino ng dilag na sa aki'y bumighani ay walang nagpakita. Madilim na sa labasan at paubos na din ang mga tao dito sa loob, at mukhang isasara na ang gusali, naging hudyat itong ako'y dapat ng lumisan at sa aming tahanan ako hahayo.
Habang aking tinatakhak ang abalang kalsada patungo sa sakayan ng jeep, mata ko'y palinga-linga nagbabasakaling ika'y matanaw sa paligid. Bawat taong aking nadadaanan ay hindi nakalalampas sa aking paningin, lahat ay tila kariktan mo'y taglay, o baka naman ang larawan mo sa aking mga mata'y nakaukit na. Nang dumating na sa sakayan ay bahagya kong ipinikit ang aking mga mata kasabay ang paglanghap na sa oras na iyo'y malamig na hangin, at sa muling pagdilat ako'y di makapaniwala, pagkat tila pagsisikap ay nagtagumpay. Nakita kita sa isang jeep nakaupo at sa aking paningin kapalaran ang may gusto at nagkataon byahe natin ay magkatugma. Bahagyang labi ay napangiti, sa di maipaliwanag na dahila'y pagod ay nawala na tila ba ako'y nakapagpahinga. Nagmadali na ako, sa jeep ay sumampa at walang anu-ano'y sa iyo ako'y tumabi. Ninais kong magsalita sa oras na iyon, ngunit tila dila ko'y naipit at namimilipit. Ibuka ko man ang mga labi walang salitang nabigkas. Mata ko'y sa malaanghel na mukha mo nakatitig na para bang nais kang ipinta. Gustong-gusto ko ng magpakilala, gustong-gusto ko ng malaman ang iyong ngalan, ngunit kabog sa dibdib ay lumakas, nagpaurong ng mga salita. Nilasap ang oras na kung saan ika'y katabi, amoy mong sa aking ilong nagpapahalimuyak. Biglang guho agad ang mundo ng sa may kanto ikaw ay pumara, tumayo at bumaba, ako'y nilisang tuluyan. Wala akong nabanngit, wala akong narinig, wala akong nagawa, ang tanong ko lang ay Bakit. Bakit ako naduwag? Bakit ako tumahimik? Bakit ako walang nagawa? Bakit?
Nung sa tahana'y nakauwi, katawan ay agarang bumagsak sa kamang magulo nais ng umidlip. Mukha mo sa isipan ay naroon padin, mga katanungang nais kong malaman ang mga kasagutan. Ano kayang ngalan ng dilag? Yan man lang sana aking nalaman. Pagsisisi ang sa isipa'y pumaibabaw, bakit kung kelan pagkakataon na'y karuwaga'y sumapit. Nais ko ng matulog ng sa ika'y akin ng makalimutan, ngunit hindi ko magawa, hindi ko kayang wangis mo'y iwaksi sa isipang mababaw. Hindi ko pa rin alam kung bakit ako nagkakaganito, ika'y isang ordinaryong estudyante lang din namang gaya ko, pero iba sa akin ang iyong dating, ibang-iba sa karamihan. HIndi ko na mabatid pa ang paglalalim ng gabi, ni hindi ko nga namalayang mata ko pala'y di na kinaya, ako pala'y nakaidlip. Sa aking paggising ikaw na naman ang sa aking isip, at sa mga labi ay namutawi ang salitang "pag-ibig".