Hindi lamang isang dance instructor si Sir RS. Ito rin ang nakatakdang maging emcee sa gabing iyon. Kasabay nitong dumating ang mga naggu-gwapuhang mga binata na karamihan ay kasali sa eighteen roses.
Mataas na ang patong ng mga regalong natatanggap ng magandang debutante. Patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga panauhin.
“Happy birthday, Kathryn!”
“Happy eighteenth birthday, Kathryn!”
“How does it feel to be a debutante?”
Ilan lang ang mga iyon sa mga pagbating natatanggap ni Kathryn. Ang totoo ay maligayang-maligaya siya. Gayunman, may nararamdaman din siyang magkahalong kaba at lungkot.
Napangiti siya nang makitang parating sina Ella, Sofia, at Bianca. Kasama ni Sofia ang boyfriend niyang si Khalil na siyang gumawa ng napakagandang invitation cards ni Kathryn. Pati na sina Ella at Bianca ay kasama rin ang kanilang boyfriend.
Matapos bumati at humalik sa kanyang pisngi, ibinigay ng mga kaibigan ang regalo sa kanya. “Thanks.” Sabi ni Kathryn bagamat mahahalatang kulang sa sigla.
“Dumating na ba si Julia?” tanong ni Ella.
Umiling si Kathryn. “Tuluyan na yatang nagtampo ang isang iyon, eh.”
“Gusto mo, sunduin namin?” tanong Sofia na nagpasigla sa debutante.
“Please, puwede ba? Wala na nga si Daddy, kaya kahit kayo man lang mga kaibigan ko ay nais kong makasama nang kumpleto sa gabing ito.” Nangingilid ang luhang wika ni Kathryn.
“Sistah, huwag ka nang magpa-cry cry diyan, ano? Hala sige ka, baka masira yang beauty mo pag tumulo yang luha mo.” Sabi ni Bianca na evening bag ang kanyang dala sa halip na ang kanyang silver brush. “Kami na ang bahala kay Julia.”
Talagang paalis na ang mga ito para sunduin si Julia nang magsalita si Ella. “Look who’s coming!”
Parang iisang matang napako ang paningin nila sa iisang direksyon. Nakita nila si Julia, kasama ang pinsang si Enrique. Nagpalakpakan ang tatlosa tuwa.
Ganoon pa man, hinanap ng mga ito si Daniel, ang boyfriend ng kaibigan. “Oy, Julia, nasaan si DJ? Bait parang di mo siya kasama?” tanong ni Ella.
“W-wala siya. Isinama ng Mommy niyang umuwi sa probinsya kaya si Quen ang partner ko,” paliwanag ni Julia na hindi tumitingin kay Kathryn.
Nasa anyo ni Julia ang pag-aalangan. Nasa anyo nito ang pag-aalala na baka galit pa ang kaibigan at ipagtabuyan siya nito.
Si Enrique ang unang bumati sa debutante. “Maligayang kaarawan, Kathryn. Para sa’yo,” wika pa nito sabay abot ng regalo.
“Maraming salamat, Quen. Pero ang higit kong ipinagpapasalamat sa iyo ay ang pagsasama mo rito sa bestfriend ko.” Wika naman ni Kathryn.
Doon napatingin si Julia kay Kathryn. “K-Kath, h-hindi ka na galit sa akin?”
Naiiyak ngunit nakangiting tumango si Kathryn kay Julia. Kasunod noon, mahigpit na nagyakap ang magkaibigan.
“Thanks, Kath… thanks… inalis mo ang kabang nararamdaman ko sa dibdib ko.” Naiiyak rin si Julia.
“Sorry sa mga nasabi ko, Juls. I didn’t mean it. Of course, you’re still my friend... my very special best friend gaya nina Bianca, Sofia at Ella.” Nakangiting wika ng debutante.
“Same here, Kath. Kaya naman ang ayoko sa lahat ay mapahamak ka.” Muntik na namang madulas ang bibig ni Julia. Mabuti na lang at agad itong nasenyasan ni Enrique.
Wala silang sasabihin kay Kathryn. Hindi nila sisirain ang gabi ng debutante.
Nagkalas sa pagkakayakap ang magkaibigan nang lumapit si Sir RS. “Kathryn, ano sa palagay mo? Puwede na kaya tayong magsimula?”
Inilibot ni Kathryn ang tingin sa malawak na bakuran. Halos lahat ng mesa ay okupado na. ibig sabihin, naroroon na lahat ang mga inimbitahan niyang mga kamag-anak at mga kaibigan.
“Shall we start?” muling tanong ng emcee.
Puwedeng-puwede na ngang simulan. Ganoon pa man ay hindi niya masagot ng “oo” ang kaharap.
Paano nga ba niya pasisimulan ang pagdiriwang? Wala pa ang taong pinakamahalaga sa kanya sa gabing iyon.
Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang dibdib. Paano kung hindi ito dumating?
Gusto na niyang mawalan ng pag-asa nang isang itim na limousine ang tumigil sa kanilang tapat. Napadako roon ang kanyang paningin.
Kulang na lang ay mapasigaw siya nang makilala kung sino ang bumababa mula roon.
“Albie!” tawag niya sa pangalan nito na hindi maitatago ang walang pangalawang kaligayahan. Masayang-masaya siya nang makita pa lang ito.
Si Albie Casiño nga ang bumaba mula sa itim na sasakyan. Higit itong kumisig sa kasuotang ternong black coat at black slacks. Kulay bughaw na asul ang panloob nito samantalang kasingpula naman ng dugo ang gamit nitong kurbata.
Hindi maitatago ang matinding paghanga rito nina Bianca kahit kasama ang kani-kanilang boyfriend. Kilig na kilig ang mga ito sa kaguwapuhan ng binata.
Nasa anyo naman ng debutante ang pagmamalaki. Hinding-hindi na kasi siya kakantiyawan ng mga kabarkada. May boyfriend na rin siya at mas nakahihigit pa ang katangian kaysa sa mga boyfriend ng mga ito.
Matinding pagtataka naman ang naramdaman nina Julia at Enrique. Nang nakaraang gabi kasi kitang-kita ng dalawa na naaagnas at inuuod ang kalahating mukha at katawan ni Albie Casiño.
Pero ng sandaling iyon, walang kaduda-duda ang kaayusan at kaguwapuhan nito. Larawan ito ng isang perpektong Prince Charming.
Nagkamali ba sila?
Namalikmata?
Humarap si Kathryn kay Sir RS na emcee ng gabing iyon at nakangiting nagsalita. “Sir RS, puwede na tayong mag-start.”
Hindi nagtagal, higit na lumiwanag ang buong bakuran. Bumukas din ang ilaw sa improvised stage na nasa gilid na bahagi ng bakuran nila Kathryn.
Magsisimula na ang pagdiriwang.
BINABASA MO ANG
Débutante
HorrorMay kumakalat na kababalaghan sa karatig bayan ng Sta. Isabel. Dalawang debutante na ang bigla na lamang nawawala at naglalahong parang bula. Palaisipan pa rin sa mga tao kung bakit nawawala ang mga dalagang sasapit ang kanilang ika-labing walong ka...