Chapter 1: Sa lumang tahanan

20 2 0
                                    

ASUL ANG kulay ng kalangitan nang araw na mapagpasyahan naming lumipat ng tirahan. Pinagmamasdan ko pa ang mga sasakyang kasama naming umaarangkada sa kalsada. Kitang kita ko rin ang mga usok na binubuga nila. Gusto ko sanang i-slide pababa ang window shield para makita ko ng mas malinaw ang paligid kaso baka pagalitan ako ni mama.

Biglaan ang paglipat namin ngayon kaya hindi man lang ako nakapagpaalam sa nag-iisang kaibigan ko sa Marikina. Di bale, parang malapit lang naman ang Marikina sa Antipolo. Pwedeng pwede pa rin naman kaming magkita.

"Tsk. Grabeng traffic naman." Ramdam ko ang pagkainis sa boses ni papa. Kung sa bagay, hindi naman kasi ganoon kalala 'pag nagkakatraffic sa Marikina. Napabuntong hininga na lang ako. Gusto ko maglaro sa cellphone ko kaso hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong ma-charge 'to kaya dead batt ako ngayon. Nababagot na ako kasi wala akong ginagawa.

Ano naman kayang mga mangyayari sakin rito? Sabi ni papa, itatransfer raw niya ako sa Science High School ng Antipolo tutal galing naman daw akong Marikina Science High. Bahala na sila doon. Sila naman ang nagdidikta ng mga dapat kong gawin eh since wala naman ako masyadong plano pa para sa sarili ko. Nakakainis lang kasi panibagong adjustments na naman at kelangan na naman makihalubilo sa iba.

"Hay, sa wakas, nakarating rin." Ani ni papa. Tiningnan ko ang pangalan ng subdivision. 'Kingsville' ang nakasulat. May nakita rin akong 7 eleven sa gilid ng entrance. Malapit rin ito sa mall. Ayos din naman pala lalo na kung mahilig ka mag-gala kaso nga lang hindi ako ganoon. Pinasok na ni papa ang sasakyan sa loob matapos hingiin ng guard ang I.D. niya. Nagulat ako kasi tribike ang uso rito at hindi tricycle, kakaiba rin dahil may uniformity sila. Hindi na ako nag-abala pang kabisaduhin ang mga daanan dahil hindi ko pa naman kailangan. Basta ang alam ko lang nasa Ivan street kami.

Naramdaman ko ang pagtigil ng sasakyan sa harap ng isang magandang bahay. Kulay puti ito at may magandang gate na kulay maroon. May terace din sa second at third floor. Pang-hasyindero ata ito eh. Pero medyo makaluma ang style niya, gayunpaman, maganda parin ito tingnan.

"Nandito na tayo." Sabi ni papa.

"Dito ba tayo titira sa malaking bahay na ito, pa?" Tugon ko naman na hindi parin makapaniwala. Nagtataka rin ako kung paano namin nakuha ang ganito kagarang bahay.

"Bakit, ayaw mo? Pwede naman tayong lumipat ulit kung gusto mo." Napatango na lang ako at bahagyang sumimangot."Pabukas ng gate, nak." Gusto ko pa sana magreklamo eh pero wala namang magandang maidudulot iyon. Bumaba ako ng sasakyan at pinagbuksan sila ng gate. Hindi parin umiimik si mama na nagbabasa parin ng libro sa loob ng sasakyan. Dumirediretso si papa hanggang sa may park area. Pinabayaan ko muna sila roon at naglibot ako.

Pumunta ako sa bakuran na punung puno ng damo at ilang mga patay na halaman. May tatlong naglalakihang mga puno rin dito. Malaki ang bakuran sa totoo lang at maaliwalas din ito tingnan. Pumunta naman ako sa harap ng bahay. May fountain dito na hindi na nagagamit. May plant arrangements din dito. Siguro may tumira na rito noon kaya naman maayos na tingnan ang pisikal na kaanyuan ng bahay.

"Chase, pumasok ka na sa loob." Sabi ni mama na kakalabas lang ng bahay. "Nakahanda na ang kwarto mo doon." Oh, may kwarto rin pala ako rito. Pumasok na ako sa loob ng bahay kasama ni mama at tinuro niya sa akin kung nasaan ang kwarto ko sa second floor.

Pagpasok ko ng kwarto ko, nagulat ako sa laki nito. Parang kalahati lang ng laki nito ang kwarto ko dati. Kung sa bagay, malaki ang bahay eh. Halos di na katakataka. Ang isa pang kapansin-pansin dito ay ang kalumaan ng ilang mga materyales. May aparador dito na luma na kung titingnan at may study table din mas mukha pang luma. Pati yung kama na magara ang disenyo ay kita na rin ang katandaan. Ewan ko kung bakit pero nahihiwagaan ako rito. Marahil dahil sa unang beses kong gagamit ng mga makalumang materyales. Maayos na tingnan ang lahat kung hindi lang dahil sa mga nakakalat ng gamit ko sa higaan na halatang hinagis lang ni mama. Ayos lang, onting linis na lang naman. Para ngang pinaghandaan ang pagdating namin eh.

Diary Of TimeWhere stories live. Discover now