Ang Lihim kong Pagsinta

69 0 0
                                    


Sa isang pagkakataon na ikaw ay makilala
Nabighani aking puso, isip ko'y biglang tumila
Sa pagtinging lumalabis, 'di ko na alintana
Nadarama'y lumalalim, sumisibol ang pagsinta.

Magkatagpong mga landas, may karanasang makulay
Bawat pagpihit ng oras, bumabagal ang pagligid
Sa'yong ngiting kay dalisay, diwa'y pinukaw na tila'y
Pinagmumulang lahat ng kasiyahan sa daigdig.

Sa mga matang may taglay, ningning sa katahimikan
Lumalawig na pagtanaw, ligalig sa kamalayan
Tila may nagtipong tala sa malayong kalangitan
Bawat maikling sandali'y nagnanais na mamasdan.

Awit sa katiwasayan, pintig ng puso'y sumaliw
Sa mataimtim na saglit, naalala ang 'yong tinig
Bawat paghinga sa hangi'y sumidsidhing pagkasabik
Sa'yong pagbating banayad sana'y muli kong mahiling.

Pusong puspos ng ligaya may bakas na tinatahak
Nilibot ng pagtataka, bakit may binabalikan?
Sa isang munting pagsulyap, 'di malimot ang larawan
Pagsinta kong nalulumbay, ikaw laging hinahanap.

Sa'yong katangia'y taglay, 'sang busilak na damdamin,
Pumapawi sa mapanglaw, abang pusong may hinagpis
Sa'king dibdib na nag-alab ay may laging ninanais
Yaring matamis na ngiti na tanging nakakagaling.

S'walang tingkad na liwanag, mga mata'y napapikit
Dumalaw ang kadiliman at tuluyang lumalalim
Sa sulok may nagsambit, pariralang may'rong aliw
Masigasig kong inusig ngunit bigo ng sinapit.

Isip ko ay nangangamba, ano ang kinahantungan
Parang damdami'y hinimok, paggiliw na yatang tunay
Bakit tadhana'y kay ilap ngunit bugso'y walang hanggan?
Tila puso ko'y tinudla ni kupido na mahusay.

Oh! Kung 'di man kapalaran ang aking munting pagtingin
Ligaya sa'king damdami'y may pag-asang tumatangis,
Sa puso kong mapagpanggap, lihim na 'di mabatid
Hangad ko lang ay paglaya sa pagsuyong walang langit.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 30, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Lihim kong PagsintaWhere stories live. Discover now