Kinasusuklaman ata ako ng Diyos. Parang lahat ng problema, ibinigay na niya sa akin. May nagawa ba ako sa past life ko para pagdaanan ko ang lahat ng ito? Pakiramdam ko, sirang-sira na ang buhay ko. Isang hibla na lang ang pagitan ng buhay at kamatayan para sa akin.
Para sa iba, isang malaking pasyalan ang Luneta. Para sa akin, isa itong malaking lugar ng kautuan. Lahat ng tao dito, nagpapanggap na masaya, na walang problema. Anong karapatan nila para tumawa ng tumawa? Katulad ng mga babaeng iyon na halos makita na ang kuyukot sa ikli ng shorts, mga kilos-mayaman, nakakasuka. Yung mag-jowa naman sa sulok, hindi na nahiya at dito pa talaga naghahalikan. Hello? Barya lang may kwarto na sila sa Ermita o Recto. Pag-ipunan kaya nila ng limang-piso-isang-araw. Yung pamilya naman na iyon, akala mo kung sinong pa-picnic-picnic, puro click lang naman sa camera at dutdot sa cellphone ang ginagawa. Pamilya pa bang maituturing yun?
Ako? Ano bang ginagawa ko at puro panlalait ang iniisip ko? Napadaan lang naman ako dito. Maayos ang itsura ko ngayon dahil maghahanap sana ako ng trabaho, bitbit ang pipitsuging resume na ni highschool attainment, wala ako.
Nakaramdam ako ng inggit dahil mukhang wala silang mga problema. Sino ba kasi ako para makaramdam ng kasiyahan? Ako ang bunga ng kasalanan at ngayon, ako ang naging ugat ng panibagong kasalanan. Dapat akong parusahan.
Nakaupo lang ako sa malilim na parte ng Luneta, nagmamasid-masid, pinapatay ang oras. Nalulunod na ako sa mga iniisip ko, natatangay ng poot sa puso ko, nanggigilid na ang luha nang biglang may tumabi sa akin.
"Hi." Nagulat ako sa sarili ko na bigla ko siyang binati. Mukhang nagulat din siya. Sino ba naman kasing tanga ang biglang kakausap sa estranghero?
"Hello," balik niyang bati sa akin.
"Andaming tao ngayon noh?"
Tiningnan niya ang buong paligid. "Medyo."
"Kilala mo ba ako?"
Pinagmasdan niya ng mukha ko. Inilapit pa niya ng konti ang mukha niya para makitang mabuti ang mga mata ko at saka umiling. "Hindi eh. Artista ka ba?"
Napangiti ako sa sinabi niya. Mukha pala akong artista sa bihis ko ngayon. "Hindi. Gusto ko lang malaman kung kilala mo ako."
"Hindi nga kita kilala," ngiti nya sa akin, "ako ba kilala mo?"
Nakakaaliw na ito, "Hindi din."
Matagal bago siya muling nagsalita. "Kung ganoon hindi tayo magkakilala."
"Tama."
Tahimik lang kaming nakaupo sa pwesto namin. Ewan ko sa kanya pero natatawa ako sa sarili ko. Hindi ko pa ito ginagawa kaya natatawa ako sa mga sinasabi ko.
"Ako nga pala si---"
"Real name o alias?" pagputol nya sa pagpapakilala ko.
"Huh?"
"Yung sasabihin mo ba sa akin ay totoong pangalan mo o alias mo lang para sa araw na ito? Baka kahapon, ikaw si Aida. Ngayon ikaw si Lorna. Bukas ay si Fe ka naman."
"Hahaha! Kanta yun diba? Si Aida o si Lorna o si Fe." Kinanta ko pa, naaaliw na kasi ako. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong kagaanan ng loob sa isang estranghero. "Amber Gonzalez." Sinabi ko ang totoong pangalan ko, hindi naman niya ako kilala at malamang na hindi na kami magkita ng taong ito kahit kailan.
"Sige. Ako naman si Kevin Domingo."
Inilahad niya ang kamay niya pero hindi ko tinanggap. Wala namang dahilan para magkaroon kami ng pisikal na koneksyon. Nag-uusap lang kami.
Hindi na ako nagsalita pa, ano naman kasi ang sasabihin ko? Magaan lang ang pakiramdam ko sa kanya kaya ako nag-hi. Wala namang talagang dapat na pag-usapan. Hindi naman kami magkaibigan.
BINABASA MO ANG
Random Conversation (One Shot)
Mystery / ThrillerSa dinami-dami ng tao sa mundo, sino ang mapagkakatiwalaan na sabihan ng problema o sikreto? May kasabihan nga na kung sa sarili mo hindi mo maitago yung sikreto, paano ka makasisigurado na yung isang taong pagsasabihan mo ay hindi yun sasabihin sa...