One ShotMag isa na naman ako.
Nakaupo sa isa sa mga bench ng aming eskwelahan. Pinapanuod ko ang mga kaklase ko na naglalaro ng baseball, ang iba naman ay naglalaro ng sepak takraw at volleyball. Ako?, wala ako'ng alam ni isa man na laro... kahit sipa di ako marunong at hindi ko na pinilit pa na matutunan kahil alin sa mga larong iyon. Hindi ko rin naman iyon magagawa palagi, lagi ako'ng iskul-bahay, bahay-iskul. Kapag walang pasok ay nakakulong lang ako sa bahay, nakakalabas lang ako pag may iniutos na ipapabili si nanay. Kapag lumabas ako ng bahay ng walang paalam at wala namang importanteng dahilan sasaktan agad ako ni nanay. Kaya mas mainam pa na magkulong na lang sa bahay kesa sa ako ay masaktan, ako rin naman ang mahihirapan na itago ang mga galos at pasa ko pag pasok sa iskul.Naitatanong ko nga sa sarili ko kung tunay ba ako na anak ni nanay, o mahal ba ako ni nanay, kasi simula nang magkaisip ako o mamulat ako lagi na lang niya ako pinagbubuhatan ng kamay. Hindi ko naranasan na mayakap niya. Hindi ko naranasan na masuklay ang mahaba ko'ng buhok. Hindi ko naranasan na mapaliguan niya. Siguru nung maliit pa ako pinapaliguan niya ako, pero simula nung kayanin ko na ang gumalaw ng solo ako na ang palagi nagaasikaso sa sarili ko. Ang nanay ko? Tahi lang siya ng tahi sa harap ng ditipa na makina. Nagigisnan ko na siya sa umaga na nagtatahi at nakakatulugan ko na siya sa gabi na nagtatahi pa rin. Hindi ko alam kung natutulog pa ba siya o hindi na. Pero nagpapasalamat pa rin ako na mas mabuti pa ay manahi na lang siya nang manahi kasi nakakalimutan niya na ako ay saktan. Kapag wala siya'ng tinatahi ako ang pinagdidiskitahan niya.
Hindi ko alam kung ano ba ang nagawa ko'ng kasalanan sa kaniya. Bakit lagi niya'ng ginagawa sa akin iyon. Nung apat na taong gulang ako, konting pagkakamali ko lang may sampal na ako'ng natatanggap mula sa kaniya. Napansin ko na bawat madagdag na taon sa edad ko nadadagdagan ang pananakit niya sa akin. Minsan walang kadahi-dahilan bigla na lang niya ako sasampalin. Mas lalo pa pag may namali ako na nagawa sa iniutos ni nanay. Padadapain niya ako sa sahig at papaluin ng ulo ng walis tingting ang aking pwetan, masakit yun, sobrang sakit, kasi ang daming hampas na halos hindi ko na mabilang, tahimik lang ako na lumuluha kasi pag sumigaw ako hindi niya titigilan ang paghampas sa pigi ko.
Kaya kahit sobrang sakit kagat labi ko na lang na tinitiis para lang hindi na magtagal ang pananakit niya sa akin.Limang taong gulang ako, lumala ang pananakit sa akin ni nanay. Kung dati ay ulo ng walis tingting ang pinanghahampas sa akin sa pigi ko nang nakadapa, hindi na niya ako pinapadapa, kung ano na lang ang matamaan niya sa katawan ko sige lang ang hampas niya, kesehodang magkapasa ako wala siyang pakialam. Minsan ang nadampot niya na panghampas ay walis tambo, hinampas niya ako nang hinampas, ako naman ipinangsasalag ko ang mga braso ko na napamaluktot ang katawan ko, masakit pakiramdam ko nabalian na ako ng buto, tumigil lang siya kakahampas sa akin nang maputol na ang tangkay ng walis tambo. Pagkatapos nun magtatahi na ulit siya habang ako naman ay nasa sulok lang at tahimik na lumuluha. Papasok na naman ako sa iskul na maraming pasa.
Anim na taon ako, marunong na ako magsaing, inutusan ako ni nanay na magsaig, sumunod naman ako sa utos niya at nagsalang ng sinaing sa kalan namin na di-uling. Nasa kusina lang ako para bantayan na maluto ang sinaing, iniiwasan ko na masunog ang kanin dahil sigurado namasasaktan na naman ako. Pero nagulat ako nang bigla na lang niya ako'ng hinila ang buhok, at inginudngod ang mukha ko sa sahig namin na kawayan, bakit daw hindi ako nag-ingat, ikinalat ko daw ang bigas. Nag sorry ako, hindi ko talaga sinsadya na matapon iyun, nakita ko nga na may ilang butil ng bigas na nakasingit sa siwang ng kawayang sahig. Nag dahan-dahan naman ako, hindi nga lang maiiwasan na may malaglag na konti, pero hindi niya tinanggap ang sorry ko, sinampal niya ako at nakita ko na may dala-dala na siya'ng lubid, bigla niya'ng itinali sa aking kamay ay paa at yung lubid ay itinali niya sa kahoy na pinag papakuan ng bubong na yero, hinila niya ang lubid hanggang sa ako ay mapataas, nang malapit na sa bubong ang aking paa saka lang siya tumigil sa paghila sa lubid at itinali niya ang dulo ng lubid sa haligi ng bahay. Ibinitin ako ng nanay ko nang patiwarik. Hindi ako makaangal, hindi ako makaiyak dahil natatakot ako na baka madagdagan pa ang pananakit na gawin sa akin ni nanay. Matagal ako sa ganong posisyon, hindi na ako binalikan ni nanay, yung sinaing ko siya lang ang kumain, hindi niya ako naalalang pakainin. Ang sama na ng pakiramdam ko, masakit na ang ulo ko siguro dahil sa matagal na ako'ng nakabitin nang tiwarik, samahan na rin ng gutom. Madilim na sa labas, tanaw ko mula sa bintana na bukas na ang ilaw sa poste, ako nakabitin pa rin, nanlalabo na ang tingin ko nang bigla'ng sumulpot si nanay sa harapan ko, pabigla niyang tinanggal ang pagkakatali sa haligi ng lubid, kaya naman ako ay bumagsak sa sahig, masakit din yun pagkabagsak ko. Pasalamat pa rin ako dahil hindi naman kataasan ang bubungan ng aming bahay. Dali-dali ako na tumakbo palayo kay nanay, baka saktan na naman ako. Dumiretso ako sa kwarto ko at sumiksik sa sulok. Nangingilig pa ang buo ko'ng katawan dahil sa matagal na pagkakabitin ng tiwarik at dahil na rin sa gutom at uhaw. Matagal ako sa ganung posisyon hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako sa pagkakaupo ko.
Nung magpitong taon ako, sinaktan na naman ako ni nanay, yung klase ng pananakit na hindi ko makakalimutan, na madadala ko ang alaala hanggang sa pagtanda ko, o hanggang sa kamatayan ko. Nadagdag sa iniipon ko na karanasan. .. masasakit na karanasan. Limot ko na kung ano ba yung nagawa ko'ng mali, kung meron man o wala, basta namalayan ko na lang na nakadapa ako, nakagapos ang kamay ko patalikod sa upuang kahoy, yung mahaba, mas mahaba sa akin, sa pagkakatuwid ng katawan ko. Mabigat yung upuang kahoy dahil gawa iyon sa narra. Mas hindi ko yun kinaya kumpara sa pagbitin sa akin ng patiwarik. Akala ko mamatay na ako dahil hirap na ako nun sa paghiga, nakagan sa akin ay mahaba na mabigat na upuang kahoy na narra, naiipit ang dibdib ko. Pilit ko tiningala si nanay mula sa pagkakadapa ko, nakita ko na parang nasisiyahan siya sa kung ano ang nakikita niya na paghihirap ko. Umusal ako na "tama na po nanay" pero hindi niya ako pinansin, bagkus ay iniwanan niya pa ako. Ang sakit, ang sakit-sakit. Yung nanay ko na mahal ko walang pala'ng pakialam sa akin. Idinadasal ko na lang na sana tumigil na si nanay sa pananakit sa akin.
Dininig siguro yung dasal ko, kasi nung mag-walong taon na ako nabawasan ang pananakit sa akin ni nanay. Nasasaktan pa rin niya ako pero hindi na katulad ng dati na halos mamatay na ako. Sinasampal niya ako hanggang sa magdugo ang bibig ko, hihilahin niya ang buhok paharap sa salamin at ipapakita niya sa akin ang itsura ko, ang namamaga ko na pisngi at mga labi habang tumutulo ang dugo, ako naman ay tahimik lang na lumuluha. Iyon, iyong klase ng pananakit na iyon ang paulit-ulit niya'ng ginagawa sa akin, iyon na ang naging paborito niyang ipadama sa akin, hindi siya nagsasawa dun, tuwang-tuwa pa siya. Hanggang ngayon, labing-isang taong gulang na ako, iyon pa rin ang palaging ibinibigay niya sa akin. Siguro iyon na ang pagmamahal niya sa akin. Ganun ang style niya para maiparamdam niya sa akin kung gaano niya ako kamahal.
Kung ganun man ang klase ng pagmamahal niya sa kaniyang anak, buong puso ko na tatanggapin iyon. Kahit siguro mabalda ako mahal na mahal ko pa rin ang nanay ko. Siya lang ang kinamulatan ko na kaanak ko. Wala ako na nakagisnan na ama, hindi ako makapagtanong kay nanay kung nasaan ang tatay ko dahil natatakot ako na baka mauwi lang sa kaniyang pananakit sa akin. Wala ako na ibang mapagtanungan tungkol sa istorya ng nanay at tatay ko. Naiisip ko baka bunga ako ng isang pagkakamali kaya ganun na lang ang iparanas na pagmamahal sa akin ni nanay.
Pero, minsan hindi ko maiwasan ang mag-isip, ang humiling.... ang humiling ng maraming sana...
Hiling ko, sana hindi na lang ako nabuo
Hiling ko, sana hindi na lang ako nabuhay
O
Hiling ko, sana may tatay ako na nakakasama ko araw-araw
Hiling ko, sana mabait ang nanay ko
Hiling ko, sana mahal ako ni nanayIyan, ang mga hiling ko
Na pangarap ko na sana ay matupad yung nasa parteg huli.Hiling Ko Sana.