CHAPTER 01

15.8K 266 23
                                    




MAHIRAP talaga ang buhay sa mundo. Mas lalong mahirap ito kung hindi ka tapos sa iyong pinag-aralan or worst wala ka talagang pinag-aralan. Kaya naman dahil high school graduate lang ang natapos ni Earl ay natuto siyang pahalagahan ang bawat trabahong kanyang nakukuha. Sa edad niyang disi-nueve ay lumuwas siya ng Maynila, iniwan niya ang kanyang pamilya na nasa probinsya upang makipagsapalaran. Wala naman kasing matinong trabaho sa probinsiya nila. Karamihan ay pagsasaka, pagtatanim o kaya ay pangingisda. Nagsawa na siya sa ganoong klase ng trabaho dahil kahit anong sipag niya ay hindi naman siya umaasenso. Apat pa ang kapatid niya na nag-aaral at masyado nang matanda ang kanyang ama at ina para magtrabaho ng mabigat. Nangingisda ang tatay niya at ang nanay naman niya ang nagbebenta nito. Siya ang panganay sa magkakapatid kaya naman siya talaga ang inaasahan ng mga ito.

Pagbaba ni Earl ng bus ay nagpalinga-linga siya. Sumalubong sa kanya ang mukha ng Maynila. Traffic, mausok, maraming matataas na gusali at ang lahat ng tao ay tila nagmamadali na parang naghahabol ng kung ano.

Tumabi siya at sumilong sa malapit na waiting shed dahil medyo matindi ang sikat ng araw. Tanghali na kasi.

Isang lumang back pack na nakasukbit sa kanyang likod at isang travelling bag ang kanyang dala. Literal na pakikipagsapalaran ang gagawin niyang ito dahil wala siyang tirahan dito at maghahanap pa lang siya ng trabaho. Nangutang pa nga ang nanay niya ng pera sa kakilala nitong nagpapautang para may budget siya sa pakikipagsapalaran sa lungsod. Kaya dapat niyang paghusayan ang pagtatrabaho dito. Ayaw niyang madisappoint ang pamilya niya sa kanya.

Sandaling hinugot ni Earl ang isang panyo sa kanyang bulsa. Pinunasan niya ang kanyang pawis sa mukha.

Matangkad na lalaki si Earl. Limang talampakan at sampung pulgada ang kanyang height. Medium-built ang pangangatawan at moreno ang balat. Dahil na rin iyon sa madalas na pagkakabilad niya sa araw kapag nagsasaka siya. Marami rin ang nagsasabing gwapo siya. Matangos ang kanyang ilong at bilugan ang mga mata na para bang palaging malungkot, maganda rin ang hugis ng kanyang labi. Manipis iyon at bahagyang mapula. Hindi kasi siya naninigarilyo.

Umupo siya saglit upang mag-isip kung saan ba siya magpupunta. Ang kailangan muna niyang hanapin ay murang bahay na matitirhan niya. O kahit apartment o boarding house.

Maya maya ay nakaramdam siya ng pagkalam ng sikmura. Gutom na pala siya. Sa bus ay hindi man lang siya bumili ng makakain. Pinagtiyagaan niya ang tigpi-pisong kendi na binili pa niya sa tindahan na malapit sa bahay nila. Talagang hangga't kaya ay magtitipid siya.

Tumayo na siya. Bago ang bahay, kainan muna pala ang kailangan niyang hanapin.

Isang lalaki ang biglang dumaan sa harapan niya. Huminto ito saglit at hinugot ang cellphone sa bulsa. Nakita niya na nahulog mula sa bulsa nito ang pitaka nito nang hugutin nito ang cellphone mula doon. Nang maglalakad na paalis ang naturang lalaki ay mabilis niyang dinampot ang wallet at tinawag ito.

"Boss! Wallet niyo!" Tinapik pa niya ito sa likod at nang lumingon ay ipinakita niya ang nalaglag na wallet.

"Ah, salamat!" Agad nitong inabot ang wallet.

"Sige ho. Sa susunod mag-iingat po kayo. Be careful ho."

"Salamat talaga. 'Andito kasi lahat ng ID ko at ATM card. Mabuti na lang at ikaw ang nakapulot. Salamat talaga!"

"Walang anuman..." Itinigil na ni Earl ang pangungu-po sa lalaki dahil sa tantiya niya ay magkasing-edad lang sila. Iyon nga lang, mas maayos ang pananamit nito.

Nakaporma ito habang siya ay simpleng puting T-shirt, maong na pantalon at lumang rubber shoes ang suot. Iyon na ang pinakamaganda niyang damit na panglakad.

Live BoysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon