HP Fernandez
[ 5 Saknong; Quatrain: 12 Pantigan]
1
Kadalasan, ito ay nilalayuan
Isip nati'y 'di kinakailangan
Kaya 'pag umabot sa pagkatirikan
Sa umaga masusubukan ang tapang.
2
Tumataginting ang init sa katawan.
Sa balat na tayo ay ang tinatakpan,
O' kay tindi ng hapding nararamdaman,
Kaya naghahanap ng masisilungan.
3
Bawat sinag nito'y kay sarap pagmasdan.
Nagsisilbing ilaw sa dinaraanan,
At tanglaw upang makita'ng kagandahan,
Ng ating minamahal na kalikasan.
4
Kaya't, sa paghampas ng kinagabihan,
Kung 'san nangingibabaw ang kadiliman,
Na siyang nagdudulot ng katatakutan,
Hihilinging sana ang araw ay nandyan.
5
Ang araw na palaging nilalayuan,
Ang araw na madalas tinataguan,
Sa pag-agos ng masidhing kalungkutan,
Tila ito din ang nais masilayan.
Mula sa Organisasyon na PLUMA ng Kolehiyo ng Santa Eskolastika, Maynila
YOU ARE READING
Kalangitan Sa Loob Ng Isang Araw (Trilohiya)
PoésieIsang trilohiya ng mga tula kung saan sinisimbolo ng ating Inang kalikasan ang kagandahan ng iba't ibang aspeto ng buhay ng isang tao ― mga pagaalinlangan, pagpapahalaga, pagsisisi, pagbabago, pagkalungkot at pagkasaya.