Chapter 4. "Is this a dream?"
Haru's POV
"Ang totoo walang katiyakan ang lahat." malungkot na sabi nito habang nakayuko. Tumahimik ang buong paligid namin. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Ano namang drama ng isang 'to?
"Ano? Paano? Sabihin mo." Pangungulit ko sa kanya. Hindi siya agad na sumagot. Tumingala siya at nakita kong naluluha siya.
"10 years ago nang matuklasan ko ang tungkol sa kakayahan kong ito. Ang maglakbay sa panahon, mag-teleport at tumalon sa oras." Pag-uumpisa ng kwento niya. Tumingin naman siya sa akin at nagpunas ng luha. Huminga muna siya ng malalim at bahagyang ngumiti.
"Marami na akong napuntahan sa loob ng sampung taong pagtalon-talon sa timeline. Nahiwalay din ako sa totoo kong pamilya. Kaya naman..." bahagya siyang tumahimik at muli ay nawala ang ngiti sa kanyang labi. "...hinahanap ko ang sarili ko sa bawat panahon na mapunta ako." Dugtong niya. Pero mukhang naguguluhan at nalilito pa rin ako sa sinasabi niya.
"Ano? Ang labo mo naman Alazni." Nakita kong nagulat pa siya sa sinabi ko. Napatingin siya sa akin. Isang tingin na puno ng pagtataka. "Oh? Anong tingin yan?"
"Wala. Wala." Iniwas niya ang tingin niya at tsaka ngumiti, isang ngiting alam kong pilit lang.
"Psh. Sige na ituloy mo ang kwento mo!" Angal ko at tsaka humiga ako ulit sa sofa habang siya nakaupo sa kabilang sofa at tutok ang atensyon ko sa kanya.
"7 years old ako noon. Birthday ko. Naglalaro ako sa labas ng bahay namin kasama ang mga batang pumunta sa birthday ko. Habang naglalaro ako sa kalsada. Hindi sinasady na napunta ang laruan ko sa kalsada. Pumunta ako para kunin 'yon, pero...may isang mabilis na sasakyan ang malapit na makasagasa sa akin. Wala akong nagawa noon. Kaya pumikit lang ako. Nakarinig ako ng kakaibang tunog. Isang kakaibang tunog na parang malakas na hangin. Pagmulat ko ng mata ko. Isang paru-paro ang nakita ko" Pagkukwento niya. Habang nakatingin ako sa kanya ay nakikita ko ang mataimtim na paggugunita niya. Tumigil naman siya sa pagsasalita at tinaas ang kanang kamay niya habang nakakuyom.
Pinapatay ng katahimikan ang buong sala naming habang hinihintay ko ang gagawin niya. Magmamagic na naman ba siya?
Nakafocus ako sa kamay niya ng bigla ito lumiwanag, isang kulay asul na liwanag ang bumalot sa kamay ni Alazni. Nanglaki at kuminang ang mga mata ko dahil sa pagkamangha sa ginawa niya. Mayamaya pa ay binuksan niya ang nakakuyom niyang kamay at mula doon ay lumalabas ang isang paru-paro katulad ng nakita ko kanina noong nasa flower shop. Kasabay ng bawat galaw ng pakpak ng paru-paro ay isang magandang tunog ng bell, isang tunog na nagpapagaan ng pakiramdam ko.
Tiningnan ko si Alazni, nakangiti siya sa akin pero nababasa ko rin ang ilang lungkot sa kanyang mga mata. Totoo ba itong nakikita ko?
"Is this a dream?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa sarili ko.
"Hindi Haru, may mga bagay sa mundong ito na hindi imposibleng mangyari." Sagot niya sa tanong ko. "Kasama ng paru-parong ito, ay isang kakaibang lagusan ang bumukas sa harap ko noon, isang kalugasan na nagdala sa akin sa ibang dimension at doon na nangyari ang lahat ng ito." Bakas sa mukha ko pagkamangha sa nakikita ko. Sandali ko siyang tiningnan sa mga mata niyang nagsasabing katotohanan ang lahat ng sinabi niya.
Tiningnan ko ulit ang paru-paro. Dahan-dahan kong itinaas ang kanang kamay ko habang nakaturo ang hintuturo ko sa paru-paro. Marahan kong inilapit ang daliri ko sa paru-paro pero nang dumikit na ito sa kanya ay bigla itong naglaho na parang bula.