Alaala 4 : Kalooban ng Tala

61 11 32
                                    

Pinaglipat-lipat ni Lem ang mga mata kay Ruan at sa kanyang ina, ngunit hindi pa pala roon nagtatapos ang mga kakatwang rebelasyon sapagkat mas nagulat siya sa mga sumunod na nangyari.

Lumapit si Dan kay Ruan. Sabay na yumukod ang dalawa at inilapat ang kanang kamay sa kaliwang dibdib. Pagkatapos ay hinawakan nila ang kanang balikat ng isa't isa gamit parin ang kanang kamay.

"Ang sandata ko'y iyo. Sasayaw ito sa musikang lilikhain ng sandata mo. Sa kahit anong digmaan, sa kahit saang parte ng mundo," wika ni Dan. Seryoso ang mukha nitong tila susugod sa isang digmaan. Minsan pa lang nila itong nakitang ganito kaseryoso at iyon ay noong masyado silang nawili sa pangangaso sa gubat, hindi na nila napansing masyado na silang napapalayo. Nawala sila noon at isang gabi silang nanatili sa loob ng gubat. Ang mapagbirong si Dan ay halos hindi na maipinta ang mukha sa galit at pag-aalala.

"Ako'y isang Yuso. Ang sandata ko'y iyo, ang buhay ko'y sa Gal'den ko," sagot naman dito ni Ruan. Tumango ang dalawa at nagbitaw na.

Halos lumuwa na ang mga mata nila ni Kael sa sobrang pagtataka at pagkagulat. Naguguluhan na talaga sila. Bakit ganito ang kilos ng lahat? Ngunit tila hindi lang sila ang nagulat, mababakas sa mukha ni Deena, ng kanyang ina at ama ang pagtataka sa ikinilos ni Dan.

"Ano ang nangyayari rito?" kunot noong tanong ng kanyang inang si Gase. Inilibot nito ang mga mata sa buong silid. Nagtagal iyon kay Seta bago muling ibinalik kay Ruan at Dan.

"Ina," agaw niya sa atensiyon nito. "Si Damian ay ginagamot nila sa loob. Sugatan siya."

"Anong nangyari sa aking anak?" singit ni Dan. Kababakasan ng pangamba ang mukha nitong hapo sa maghapong pagtatrabaho sa bukid.

"Tinugis kami ng mga kakaibang nilalang sa gubat kanina, Aling Gase . . . Mang Dan. Nasugatan nila si Damian. Akala namin katapusan na namin mabuti na lamang ay dumating sina Ginoong Ruan upang iligtas kami," singit ni Kael sa mga ito. Nagbalik ang takot sa kanyang dibdib nang sariwain ang mga naganap.

"Kakaibang nilalang? Anong nilalang, anak?" tanong naman ng kanyang inang si Deena. Lumapit ito sa kaniya, sa likod nito ang iba pa.

"Sama-iil daw ang mga iyon, ina. 'Yan ang tawag nila sa mga nilalang na humabol sa amin."

Ganoon na lamang ang takot na gumapang sa mukha ng lahat. Pinaglipat-lipat ng mga ito ang tingin kay Ruan at Seta. Marahil upang tingnan sa reaksiyon ng mga ito kung nagsasabi nga ng katotohanan ang mga bata. Nang makita ang kumpirmasyon sa mga mata ng dalawa ay mas lalong nagdilim ang mga mukha ng lahat. Sabay na lumuhod sina Gase at Norr sa harap ni Lem at si Deena kay Kael.

"Ayos lang ba kayo? Wala ba kayong kakaibang nararamdaman? Hindi ba kayo nasugatan ng kuko ng mga Sama-iil?" sunod-sunod na tanong ng kanyang ina habang isa-isang kinikilatis ang kanyang katawan, sinisiguradong wala nga siyang mga sugat. Ganoon din ang ginagawa ni Aling Gase kay Lem. Nang makitang ayos ang lagay nila ay isang malalim na paghinga ang pinakawalan ng mga ito bago sila niyakap.

"Kael," tawag ni Norr sa kanya. "Mabuti naman at ayos ang lagay mo. 'Asan ang iyong ama? Hinanap ko siya nang malaman kong dumating kayo rito kasama ng mga dayuhan, ngunit hindi ko siya makita."

Nakagat ni Kael ang ibabang labi. Iniwas niya ang tingin habang madiin na isinara ang mga kamao. Hindi niya kayang salubungin ang mga nagtatanong na mata ng kanyang ina. "S-sinubukan niya kaming iligtas ngunit hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya nang siya ay aming iwan. Tulungan ni'yo 'ko, Mang Norr. Hanapin natin siya sa gubat." Nagbabadya na ang pagtulo ng kanyang luha, ngunit marahas niya iyong pinunasan bago iyon tuluyang maglakbay sa kanyang mukha.

Nabalot ng awa ng mukha ni Norr. Tumango siya at hinawakan sa balikat ang binata. "Oo. 'Wag kang mag-alala, hahanapin natin ang iyong ama. Hihingin ko ang tulong ng lahat ng kalalakihan upang tumulong sa paghahanap, ngunit kailangan natin iyong ipagpabukas. Ipagpaumanhin niyo Kael at Deena. Papadilim na at delikado na sa gubat ng ganitong oras, lalo pa nga't sa inyo na nanggaling na may mga Sama-iil na nagkalat."

Memories of the BreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon