Kahit mahaba ang bigote't balbas niya na ni hindi mo na makita ang mukha niya; kahit magulo at di nasusuklay ang buhok niya; kahit luma at lukot-lukot ang mga damit niya, limang beses sa isang araw kung mag-yosi, at routine na sa umaga ang pag-inom ng alak; kahit mas gusto niyang magpakalunod sa kalungkutan kaysa makipag-kwentuhan, heto ka pa rin at na-inlove sa kanya. Ang malas mo.
Minsan ka na nga lang magmahal, dun pa sa bigo. Dun pa sa halos araw-araw tulala at laging wala sa sarili. Dun pa sa ayaw mag-move on. Anak ng pop corn! Ngayon pa lang, sinasabi ko na'ng ihanda mo ang sarili mo'ng masaktan. Ihanda mo ang puso mo na maging matatag. Dahil haharap ka sa isang matinding pakikibaka sa larangan ng pag-ibig. Kahit tunog Madam Auring pa yan, maniwala ka parin. Dahil isa sa pinakamahirap gawin sa mundo ay ang magmahal ng taong may minamahal paring iba. Single but not ready to mingle. Mahigit isang taon nang break, pero ang laman ng mga blogs, tungkol pa rin sa ex. Di mo siya masisisi. Tinamaan eh! Dun mo malalaman kung gaano niya minahal yung ex niya. At dun mo rin siya lubusang makikilala. Dahil sila yung tipong wagas magmahal, pero wagas din masaktan. Sila yung nag-alay ng buung-buo ng puso nila sa dating minahal, wala man lang tinira sayo este para sa kanilang sarili. Sila yung kahulugan ng salitang "empty"-nasaktan, nag-antay, umasa, patuloy na umasa, di pa rin nawawalan ng pag-asa, hanggang sa matanggap na di na sila babalikan, at tuluyang mawalan ng pandama. Mahirap magmahal ng broken-hearted. Nakakatanga.
Pero siyempre, di ko ginawa ang entry na'to para takutin ka o sisihin ka. Dahil sabi nga, ang isa sa pinakadalisay at inosenteng bagay sa mundo ay ang magka-crush at ang magmahal. Kahit na sa broken-hearted pa yan. Medyo tiis-tiis nga lang. Kailangan ng matinding pasensya at tatag ng loob kung nagpasya na ang puso mong ma-inlove sa taong bigo. Bawal umayaw, bawal sumuko. Unang maggive-up, panget! Tsaka, ginusto mo yan eh! Di mo rin naman alam, baka ikaw na pala ang inaantay niya para tuluyang maghilom ang sugat sa dibdib niya. Pero ang masasabi ko lang, gawin mo ng dahan-dahan. Wag mo siyang bibiglain. Wag kang magpapakita agad ng motibo. Pwede magpacute pero wag mag-flirt. In short, wag mo siyang takutin. Ang pagkasawi sa pag-ibig ay kasingtindi din ng pagkakasangkot sa isang aksidente, pagiging biktima ng sunog, o pagiging hostage ng abu sayaff. Nakakatrauma. Ang kailangan nila ay hindi panibago'ng lalandiin, kundi isang taong tutulungan muna silang makalimot. Isang kaibigan, isang tagapayo, o isang taong pwede nilang yayain sa inuman-para makinig ng kanyang kwento, hindi para ubusin ang pulutan. At hindi ko sinabing wala kang pag-asa. Dahil sa box ni Pandora, yun lang ang bukod-tanging lumabas na maganda.
Ang mangarap na maging parte ka ng madramang buhay ng taong yun, ang makigulo sa mga kakaiba niyang trip, makiramay sa mga angst niya sa buhay, at ang samahan siyang tuluyang makaahon sa ilog ng kalungkutan, isa iyong mahirap, mabusisi, at mahabang proseso. Parang pagkuha lang ng nbi clearance - kailangan ng tiyaga at matinding pasensya. Siyempre, magsisimula yan sa pagkuha mo ng atensyon niya. Kilala ka ba niya? Maituturing ka bang isang malapit niyang kaibigan o tipikal lang na kakilala? Kumbaga, nag-eexist ka ba sa mundo niya? Hindi ka ba niya natatawag sa ibang pangalan? Ipakilala mo ang sarili mo, hindi lang ang pangalan mo. Mag-set ka ng impression. Kakaiba, unique, pero refreshing. Yung parang ansarap mong kasama, o kakwentuhan. Yung parang ang ganda ng outlook mo sa buhay. Pero mas maganda na lang din kung ireresearch mo muna ang mga hilig niya sa babae. Isang malaking no-no ang pagpapaalala sa kanya ng ex niya para lang kunin ang atensyon niya. Mamaya niyan makita mo nalang siyang natutulala, sabay tatayo at magyayaya ng inuman. Patay na!
Maganda kung i-ooffer mo muna ang iyong friendship. Yung tipong magiging kumportable na siya sa'yo na siya na mismo ang magkukwento ng buhay niya. Mahalaga'ng malaman mo yung dahilan ng breakup nila. Para makapaghanda ka habang maaga. Sa tingin mo ba mas mapapasaya mo siya kaysa sa dati niya? Kaya mo bang punan yung mga pangangailangan niya na hindi maibigay nung ex niya? O kung siya ang may fault, kaya mo ba siyang tanggapin ng buung-buo? Sa tingin mo ba pag naging kayo mas kaya mong alagaan ang relasyon niyo at mapapangako mo bang hinding-hindi na ulit siya mabibigo sa pag-big? Lahat ng iyan kailangan mo munang pagbulayan bago mo isakatuparan ang Oplan: Paibigin si Mr./Ms. Broken-hearted.
So ngayon, kung close na nga kayo, and he considers you as someone whom he can share his time and company with, let's proceed to the next move. Be his ultimate distraction. Diyan pumapasok yung pagyayaya mo sa kanya from casual kain ng fishball at siomai, to nood ng sine, to pasyal sa Luneta, to the officially dating level. Pwede rin naman magyaya lalaki man o babae, kahit ng simpleng movie marathon, malling, o kahit pagtambay lang sa kanto. Basta huwag mo siyang hayaan masyado sa pag-iisa. Yung wala na siyang time alalahanin yung sweet memories nila nung ex niya. At siyempre, make him happy. Show your malambing, maalalahanin, at maasikaso side. Patawanin mo siya na tipong hanggang pagtulog niya, ikaw pa rin yung nasa isip niya. Ganun! Magtiwala ka sa sarili mong karisma. Kung sobra na talaga kayong close na hinahayaan ka niyang makialam sa mga gamit niya, at nakita mong may tinatago pa rin siyang memorabilya ng ex niya, pwede mo siyang iconvince na idispatya na ang mga yun. Di naman dahil sa bitterness kundi para sa letting go phase. Iparamdam mo'ng okay lang sayo kahit matagal bago siya tuluyang magmove-on, na handa kang mag-antay. Ipakita mong andyan ka lang lagi para sa kanya. Pero siyempre, huwag naman umabot sa puntong maging buntot ka na niya. Lahat ng sobra ay nakasasama. Bigyan mo din siya ng alone time paminsan-minsan. Huwag masyadong text ng text para di nahahalata'ng patay na patay ka sa kaniya. Magpamiss ka rin. Oh, well, di ko na masyadong idedetalye pa dahil alam nyo naman na ang eksena sa mga ligawan.
At ang huli ngunit pinakaimportanteng dapat tandaan sa paghuli ng puso'ng sawi, dapat wag palaging puso ang pairalin. Maging matalino, maging sensitibo, at maging alerto. Wag pakadadala sa mga matatamis na salita. Matutong bumasa ng mata at ng mga kilos. Dahil ang pinakamasakit na pwedeng mangyari sa isang pusong nagmamahal, ay ang magsilbing panakip-butas ng taong napili niyang mahalin. Isa lamang itong paalala. Kaya wag sanang mawala ang maningning nating paniniwala sa kapangyarihan ng tunay na pag-ibig.
BINABASA MO ANG
Fix me, I'm broken
De TodoNung sa wakas, may lalaki na ding nagpatibok ng puso mo... Kaso nga lang, hindi pala siya buo. As in wasak wasak pa yung kanyang puso. Suko na lang ba, bes?