Chapter 3

2.1K 50 6
                                    

“AYOKO,” tanggi ni Summer sa kaibigan niyang si Snow at nakatatandang kapatid ni Winter na nagkataong editor-in-chief ng Clever Girls magazine kung saan siya nagta-trabaho bilang senior writer.
Natawa si Snow, saka umupo sa receiving chair sa harap ng mesa niya. “This is job, Summer.”
Nanatili siyang nakasimangot habang nakatingin sa papel na hawak niya. In big bold letters, nakasulat do’n ang mga salitang: “Ways To Steal Back Your Ex-boyfriend From His Current Girlfriend”.
“Hindi ba’t si Assunta ang naka-assign sa topic na 'to?” kunot-noong tanong niya na ang tinutukoy ay ang co-writer niya.
“Yes, pero binitawan niya ang assignment na 'yan dahil hindi raw niya kayang magbigay ng ganyang klase ng tip sa mga kababaihan. Paano raw kung mabasa iyon ng ex-girlfriend ng fiance niya at maisipan pa 'yong gamitin laban sa kanya?” natatawang pagkukuwento ni Snow.
“May point siya.”
Ipinaikot ni Snow ang mga mata nito. “Come on, Summer. This is what Clever Girls magazine is for. We empower women, we give them tips on how to live to the fullest and we teach them how to be playful without being that bad.”
“Even at the expense of other people?”
“You’re Clever Girls’ best writer, Summer. Kayang-kaya mong manipulahin ang readers mo. Diskarte mo na kung ano ang magiging tono at mensahe ng article mo. I need you to do this for our next issue,” seryosong sabi ni Snow. Mukhang naka-professional mode na 'to.
Bumuntong-hininga siya. Sino ba siya para tumanggi sa trabaho at kontrahin ang EIC nila? “Okay, okay. I’ll do it. Hanggang kailan ang deadline nito?”
“In three weeks time.”
“Kailangan ko ng increase pagkatapos nito,” biro niya.
“Summer, kapag naging hit ang article mo na 'yan, you’ll be promoted as the associate editor.”
“Seryoso?”
Tumango ito. “Uh-huh. Dalawa kayo ni Mimbelle na pinagpipiliin ng big boss natin. So, do your best, okay?”
Napangiti siya. “Of course!”
Tumayo si Snow at niyakap siya. “Good luck!”
Pagkaalis ni Snow sa cubicle niya ay kinuha niya ang unan sa likuran niya saka niya sinubsob ang mukha niya ro’n. Impit siyang tumili. Matagal na niyang hinihintay na ma-promote bilang associate editor ng Clever Girls. Tatlong taon na siyang nagsusulat do’n kaya oras na para tumaas ang posisyon niya.
“Summer.”
Nag-angat siya ng tingin sa nagsalita. It was Winter. Pinatuloy na siguro ito ni Snow do’n kaya walang nagsabi sa kanya na naroon ang binata. “Winter.”
“Kain na tayo.”
Tumango siya. Malapit lang sa building nila ang architectural firm na pinagta-trabahuan ni Winter bilang senior architect kaya tuwing lunch break ay sinusundo siya nito para sabay silang kumain.
Pagtayo niya ay kinuha agad ni Winter sa kanya ang hand bag niya kahit magaang lang naman iyon. Kumapit naman siya sa braso nito dahil sa excitement niya.
“Ano’ng nangyari?” tila naaaliw na tanong ni Winter.
Bumungisngis lang siya, saka niya ito hinila. Napansin niya na habang palabas sila ng opisina niya ay pinagtitinginan ng mga babaeng empleyada si Winter. Well, hindi kataka-taka iyon. He was a walking hot meat after all.
Nang silang dalawa lang ni Winter ang nakasakay sa elevator ay hindi na niya nakontrol ang emosyon niya. Tumili siya at niyakap ito ng mahigpit. “Winter! I made it!”
Naramdaman niya ang pagpalupot ng mga braso nito sa baywang niya. “Ang alin?”
Kumalas siya rito para matingnan niya ang mukha nito. “Malapit na kong ma-promote bilang associate editor. Well, i-e-evaluate muna ako ng big boss namin, pero confident akong sa’kin mapupunta ang promotion.”
Ngumiti si Winter. He rarely smiled, so that smile made her happier. “Congratulations.”
“Salamat!”
No’n niya napansin ang mga bitbit ni Winter na shopping bag. Masyado siyang na-indulge sa kasiyahan niya kaya marahil hindi niya iyon agad napansin.
“Nag-shopping ka? Bakit hindi mo ko sinama?” paghihinanakit niya.
“You’re busy, so I shopped for you.”
Kinuha niya ang inabot nitong shopping bag sa kanya at binuksan iyon. Napasimangot siya nang makita ang laman niyon na little black dress. Alam niya kung para saan iyon. “Winter, hindi ako pupunta sa welcome party ni Spring,” matigas na sabi niya saka siya nagpatiuna sa paglabas ng elevator. Si Tita Sophia ang nag-organize ng party na iyon.
Sumunod agad si Winter sa kanya. Hinawakan siya nito sa magkabilang-balikat habang naglalakad sila palabas ng gusali. “Pumunta ka, Summer.”
Inakay siya nito papunta sa kotse nito at sinandal siya sa pinto niyon. “Winter, ayoko. Sabihin mo na lang kay Tita Sophia saka kina Spring na may sakit ako.”
“Bakit ayaw mong pumunta?”
Nag-iwas siya ng tingin dito. “Umiiwas lang ako.”
“Hindi ko maintindihan.”
Tiningala niya ito. “Winter, listen. Ayokong makita sina Spring at Autumn dahil kapag nakikita ko silang magkasama, may nararamdaman ako na hindi dapat.”
“You’re running away.”
Tumango siya. “Sometimes, running away is the best option to protect yourself from getting hurt, and to avoid hurting other people as well. Mas gugustuhin ko nang magtago kaysa naman masira pa ang pagkakaibigan natin nang dahil lang sa nararamdaman ko.”
“You won’t hurt anyone. You won’t get hurt.”
“Winter –”
“I won’t let it happen, so don’t run away,” matatag na sabi ni Winter.
Para sa isang tao na kaunti lang kung magsalita at kadalasan ay walang pakialam sa mundo, kapag may sinabi si Winter, hindi puwedeng hindi niya sundin o pakinggan. Umungol siya. “Kailangan ko ba talagang pumunta ro’n?”
Ipinatong nito ang mga kamay nito sa mga pisngi niya. “Sasamahan kita.”
Bumuntong-hininga siya. Kung kasama niya si Winter, tiyak na hindi siya matatalo ng kung anumang kumakain sa kanya ngayon. Ginulo niya ang itim nitong buhok. “Big boy ka na talaga, bunso.”
“I hate you, Summer.”
Natawa lang siya.

“NAKAKA-RELAX talaga ang Jacuzzi, 'no?”
Pilit na ngumiti si Summer. “Oo. I’m glad you brought me here, Autumn.”
Tumango lang si Autumn. “Ahm... actually, Summer, inimbita kita dito dahil may gusto akong pag-usapan nating dalawa.”
Nawala ang pilit na ngiti niya. Kahit ang mainit at nakaka-masahe na tubig kung saan nakalublob ang mga katawan nila ni Autumn ay walang nagawa para pakalmahin ang sistema niya. The knot in her stomach was still there, so was the throbbing pain in her heart.
It was Saturday morning when she received a call from Autumn. Inaya siya nitong magpa-body massage, kaya hayun sila sa isang salon habang in-e-enjoy ang Jacuzzi. Paghahanda raw iyon para sa welcome party ni Spring mamaya. Pero alam niyang may importanteng bagay silang kailangang pag-usapan.
Pakiramdam niya ay sumikip bigla ang hot tub na sapat naman ang espasyo para sa kanilang dalawa.
“Summer, ang totoo niyan, gusto ko sanang magkausap muna tayong dalawa bago namin sabihin sa’yo ang tungkol sa relasyon namin ni Spring,” pagsisimula ni Autumn. “Pero nagbago ang plano nang mag-email kayo ni Winter sa’min ni Spring at sinabi niyong ikakasal na kayo. Akala namin, kayo na talaga kaya umuwi kami ng Pilipinas.”
“Akala mo kami na talaga ni Winter kaya inisip mong okay lang sa’kin kapag nalaman kong kayo na ng ex ko?” pagtatama niya kay Autumn.
Marahan itong tumango. “Aaminin ko, Summer. No’ng nabasa ko 'yong email na 'yon, nakahinga ako ng maluwag. Naisip kong magiging madali ang pagtanggap mo sa relasyon namin ni Spring dahil may mahal ka nang iba.” Sinalubong nito ang tingin niya. “Galit ka ba sa’kin?”
“Hindi ko alam,” pag-amin niya. “Pero hindi ako masayang malaman na ang ex-boyfriend ko at ang girl best friend ko ay magkarelasyon na ngayon. Autumn, magkaibigan tayo. At alam mong may nakaraan kami ni Spring.”
Gumuhit ang kalungkutan sa mukha nito. “Alam ko 'yon, Summer. Naging mahirap din sa’kin ang nararamdaman ko para kay Spring no’ng una. Pero nang nagkasama kami sa Paris ng kaming dalawa lang, nag-iba ang pagtingin ko sa kanya. Naiintindihan namin ang isa’t isa. We share the same pain, so we protect each other... we care for each other. Before we knew it, higit na pala sa simpleng pag-aalala ang nararamdaman namin para sa isa’t isa.”
Nanatili siyang tahimik. Sa totoo lang, no’ng nalaman niyang nagpunta sina Spring at Autumn sa Paris para magbakasyon kasama ang kanya-kanyang magulang ng mga ito, natakot siya. Pero inalis niya iyon sa paniniwalang kaibigan lang ang tingin ng mga ito sa isa’t isa.
Pero tama si Autumn. Misery loved company. Sina Spring at Autumn lang ang nakakaalam kung gaano kasakit para sa mga ito ang nangyari sa kanya-kanyang pamilya ng dalawa, kaya hindi na siguro kataka-taka na nagmahalan ang mga ito.
“Summer, hindi ko inagaw ko si Spring sa’yo,” pagpapatuloy ni Autumn. “I feel so bad for falling in love with my best friend’s ex-boyfriend. Hindi ko gustong saktan ka, o bastusin ka sa kahit anong paraan.”
“Pero mas naging matimbang ang pagmamahal mo para kay Spring kaysa sa pagkakaibigan natin?” paghihinanakit niya.
Nangilid ang mga luha nito. “I took the risk, Summer. Alam kong posibleng masira ang pagkakaibigan natin. At ng pagkakaibigan na rin namin ni Spring kung sakaling hindi mag-work out ang relasyon namin. Pero hindi ko napigilan 'yon.”
“Why?”
“Because it is meant to happen.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Summer, I love you, you know that. Ayokong masira ang pakikipagkaibigan natin.”
Bumaba ang tingin niya sa magkahawak na kamay nila ni Autumn. Wala siyang maramdaman na init bukod sa hatid ng tubig na kinalulubluban nila. “Hindi ko alam kung ano’ng dapat maramdaman.”
“Summer, hindi naman kayo nagkasakitan ni Spring, hindi ba? Pareho niyong desisyon ang paghihiwalay. But tell me, do you still love him?”
Umangat ang tingin niya kay Autumn. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Matagal nang tapos ang relasyon nila ni Spring at hindi naman sila nagkasakitan, kaya kahit pa mapunta ito sa best friend niya ay wala siyang dapat ikagalit. Hindi naman siya niloko ng mga ito.
Pero bakit hindi niya masagot ang tanong nito kung mahal pa niya si Spring?
Gumuhit na ang pag-aalala sa mukha ni Autumn. “Summer?”
“Hindi ka mahina, Summer.”
Narinig niya ang boses ni Winter sa isip niya, at binalik siya ng mga salitang iyon sa huwisyo. Her conscience kicked in. Dapat siyang maging masaya para kina Spring at Autumn. “Sana hindi pa huli. Congratulations sa inyo ni Spring.”
Nawala ang pag-aalala sa mukha ni Autumn. Niyakap siya nito ng mahigpit dala ng tuwa. “Thank you, Summer!”
Kahit na alam niyang tama ang ginawa niya, hindi pa rin siya nakaramdam ng kasiyahan sa puso niya. Pero inalis niya iyon sa isip niya. Naninibago lang siguro siya dahil ngayon lang uli sila nagkita at nagkasama ni Autumn. Mawawala rin iyon. Kailangan mawala niyon.
“Hey, Autumn,” aniya sa pinasiglang boses.
“Hmm?”
“Parang lumaki 'yong boobs mo.” Pabiro niyang hinila ang tuwalya na nakabalot sa katawan nito na ikinatili nito. “Patingin naman!”
Natawa si Autumn habang pilit na hinihila pabalik ang tuwalya. “Summer!”

Seasons' Love And FriendshipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon