Nakahilig ang kanyang ulo sa bintana ng kotse habang minamasdan ang mga nararaanang puno sa kanilang subdibisyon. Mula sa repleksyon n'ya sa salamin ng bintana ay mababanaag mo sa kanyang maamo at magandang mukha ang lungkot at kirot. Ayaw n'yang lisanin ang lugar na 'yon. Ayaw n'yang iwan ang kinalakhan n'yang bayan. Hindi pa s'ya handa na maging alaala na lamang ang mga sandaling naroroon s'ya.Ayaw n'ya, ngunit kailangan.
Isa sa mga sikat, ginagalang, kilala, at tinitinangala sa larangan ng politika ang kanyang ama, si Senador Ruel Buendia. Dahil sa ipinamamalas nitong galing ay maraming naghahangad na s'ya'y bumagsak at pumalit sa puwesto nito. Maraming politiko ang nalulunod sa inggit at nais s'yang mawala sa linya. Kaya ganoon na lamang ang dami ng mga death threat na nakukuha ng kanyang ama, pero sanay na ito roon. Animo'y parte na ng araw nito ang makatanggap ng mga death threat.
Hindi ito nagpatinag at sa darating na halalan ay balak din nitong tumakbo bilang presidente ng bansa. Alam naman ng lahat ang kayang gawin ng isang Ruel Buendia para sa Pilipinas. Siguradong mapapalagay ang bansa sa mabuting kamay. Kaya mula pa lang sa mga survey na nakakalap ay hindi malabo na ito ang manalo. Wala naman duda dahil mahal na mahal ito ng mga tao.
Dahil doon ay hindi na nakapagtataka na maging ang anak at asawa ni Senador Ruel ay nakatatanggap na rin ng mga nakakahindik na death threat para pigilan ang senador sa pagtakbo. Paulit-ulit silang nakakatanggap ng mga sulat na nagbabanta sa kanilang buhay. Nang malaman ni Senador Ruel ang tungkol doon ay hindi na s'ya nagdalawang isip pa na ilayo ang pinakamamahal n'yang mag-ina. Alam n'yang kayang-kaya ng mga halang na politiko na totohanin ang mga pagbabanta sa kanila. Hindi n'ya isusugal ang buhay ng asawa at anak para sa posisyon na nais n'ya. Mahal na mahal n'ya ang kanyang pamilya higit sa ano man. Kaya nga ngayon ay aalis na sila. Minamaneho n'ya ang sasakyan nila patungo sa airport. Balak n'yang sa America na sila titira ng kanyang pamilya.
Napabuntong hininga na lamang ang dalaga habang patuloy na nakatanaw sa bintana. Ayaw pa sana n'yang sumang-ayon sa desisyon ng ama ngunit 'yon ang mas makakabuti para sa kanila. Inapa n'ya ang pendat ng suot n'yang kwintas ngunit laking pagtataka n'ya nang hindi n'ya ito mahagilap sa kanyang leeg.
Hindi 'yon pwedeng mawala.
Agad pumasok sa isip n'ya na maaaring naiwan n'ya ito sa kanilang mansyon.
"Papa!"
"Yes my dear?" Baling ng ama sa kanyang anak habang tinitignan ito sa rear view mirror.
"Pa, can we go back to our house? May nakalimutan lang po ako." Nakikiusap ang kanyang mga mata. Sobrang importante ng bagay na 'yon para sa kanya.
Tinignan naman ni Senador Ruel ang asawa na katabi upang hingin ang opinyon nito.
"Ma, Pa, please?"
Nginitian naman ng ginang ang kanyang anak at maingat na tumango sa asawa na nagpapahayag na pumapayag ito.
Hindi pa naman sila nakakalabas sa kanilang subdibisyon kaya mabilis silang nakabalik sa mansyon.
"Make it quick, okay?" pahabol ng ginang sa anak na agad na tumakbo palabas ng kotse.
"Yes Ma!" sagot naman n'ya sa ina bago pa makapasok sa loob.
Tinakbo n'ya ang hagdan at agad na tinungo ang kwarto. Hinagilap n'ya ang lahat ng laman ng kanyang drawer hanggang sa wakas... nakita na n'ya ang hinahanap. Ang kwintas na may pendant na kalahati na puso.
Hinagkan n'ya 'yon bago isuot sa sarili. Hindi 'yon pwedeng mawalay sa kanya. Mahalaga 'yon at galing 'yon sa isang espesyal na tao, galing ito kay Donnie. Si Donnie ay ang isa sa mga scholar ng kanyang ama. Malapit sila sa isa't isa dahil madalas ito sa kanilang bahay upang tumulong sa kanyang ina na s'yang mayordoma sa kanilang mansyon.
Pinagkakatiwalaan ng Senador si Donnie sa lahat ng bagay at maging sa kanyang anak. Magkasing edad lang sila na ngayon ay 17 taong gulang at halos sabay rin na lumaki. Nang malaman ni Donnie na aalis na ang pamilyang Buendia ay hindi na s'ya nag-aksaya ng pagkakataon. May pagtingin ang binata sa anak ng senador at matagal na n'ya itong tinatago. Kagabi lang ay nagtapat s'ya rito ng pagmamahal kasabay ng pagbigay ng kwintas na pinapahalagahan ngayon ng dalaga. Handang maghintay si Donnie, kahit na gaano pa katagal. Gano'n n'ya 'to kamahal.
Muling hinaplos ng dalaga ang pendat bago tuluyang lisanin ang kwarto. Mabigat ang kanyang mga yabag habang pababa sa hagdan. Nang mabuksan na n'ya ang pinto ng mansyon ay nakita pa n'ya ang bukas na pinto ng kanilang kotse. Nag-aabang na sa kanya roon ang kanyang mga magulang. Tinitigan n'ya ang mga ito at pilit na ngumiti. Papalapit na sana s'ya nang maagaw ang kanyang pansin sa limang lalaking nakahelmet at nakamotor na tumigil sa kanilang gate. Kunot ang noo ng dalaga.Hindi nito alam ang pakay sa kanila, hanggang sa bumunot na sila ng kanilang mga armas. Nanlaki ang kanyang mga mata nang masilayan ang mga baril nito. Tila nagkakutob na s'ya sa nais ng mga hindi kilalang lalaki. Mabilis ang mga pangyayari. Sunod-sunod nilang pinaulanan ng bala ang kotse ng kanyang mga magulang. Mga nakakabinging putukan ang pumalahaw.
Dumanak ang dugo.
Dugo ng kanyang pinakamamahal na ama't ina. Kitang-kita n'ya ang buong pangyayari. Kitang-kita n'ya kung paano sila bumagsak at naligo sa sariling dugo. Tila ba tumigil ang pagpintig ng kanyang puso. Nais n'yang sumigaw pero tuod ang kanyang katawan at bibig. Gusto n'yang lapitan ang kanyang mga magulang at yakapin ito ngunit kahit munting paggalaw ay hindi n'ya magawa.
Nababalot s'ya ng takot...ng sobrang takot. Lalo na nang mapansin n'yang bumaling ng tingin sa kanya ang isa sa mga lalaki at tinutukan s'ya mula sa malayo ng bitbit nitong baril. Gusto n'yang iligtas ang sarili. Gusto n'yang tumakbo. At dahil gusto n'ya, pinilit n'ya itong gawin. Bago pa man s'ya matamaan ng bala ay naisara na n'ya agad ang pinto ng kanilang mansyon. Inilock n'ya ito at aligaga na nag-isip habang binabalot ng pagkataranta. Hindi na n'ya alam ang gagawin. Litong-lito na s'ya.
Napapitlag s'ya nang marinig ang sunod-sunod na kalampag sa kanilang pinto. Andyan na sila. Itinatak n'ya sa isip na anumang oras ay maaari na s'yang mamatay. Palakas nang palakas ang kalampag. Tuliro na s'ya. Walang sino man ang nasa bahay dahil umalis na ang mga kasambahay nila sapagkat lilipat na sila sa America, pero hindi na 'yon matutuloy pa. Hindi na, dahil patay na ang kanyang ama't ina at anumang oras ay maaaring mamatay na rin s'ya.
Kailangan n'yang kumilos. Kailangan n'yang iligtas ang sarili at takasan ang kamatayan. Wala sa sariling dinampot n'ya ang susi ng van na nasa stante ng cabinet. Malapit na nilang mabuksan ang pinto dahil pinapatamaan na nila ito ng bala ng baril. Tumakbo s'ya sa likod ng bahay patungo sa garahe.
Sumakay s'ya sa van at nanginginig na pinaandar ito. Hindi s'ya marunong magmaneho. Hindi n'ya alam pero kailangan n'yang makaalis doon. Kailangan n'yang iligtas ang sarili sa kahit na anong paraan. Pinapaandar na n'ya ito ngunit sarado ang kanilang gate. Wala na s'yang oras para buksan pa 'yon dahil may mga lalaking nakabantay sa labas ng kanilang bahay. Wala na s'yang magawa. Hindi na s'ya makapag-isip ng tama. Binangga n'ya ang gate nila upang magbukas iyon.
Naglikha iyon ng ingay at agad na bumalik ang mga lalaki sa kani-kanilang mga motor. Binangga pa n'ya nang paulit-ulit ang gate hangang sa magbukas ito. Pinaharurot niya nang sobrang bilis ang van. Pagewang-gewang itong tumatakbo sa kalsada. Pilit n'yang iniiwasan ang mga bala na pinapakawalan ng mga hindi kilalang lalaki. Nang maraanan n'ya ang gate ng subdivision nila ay namataan pa n'ya ang mga security guard na nakahandusay roon. Lalo s'yang nakaramdam ng takot.
Pinabilis pa n'ya nang husto ang sasakyan. Hinahabol pa rin sya ng mga ito. Hindi sila titigil. Hindi hanggat hindi s'ya namamatay. Gulong-gulo na s'ya. Bakit kailangan nitong mangyari sa kanila? Bakit kailangan nilang mamatay para matahimik ang mga politikong halang ang bituka? Alam n'yang may kinalaman ang mga death threat na natatanggap nila sa mga armadong lalaking humahabol sa kanya.
Gusto pa n'yang mabuhay, pinalaki s'ya sa kanyang mga pangarap at nais pa n'ya itong makamit, ngunit sumagi na sa kanyang isip na wala nang saysay pa kung mabubuhay s'ya. Patay na ang kanyang ama't ina. Hindi na n'ya alam ang dapat gawin. Unti-unting lumalabo ang kanyang paningin kasabay ng pagtulo ng mga luha sa kanyang pisngi.
Nasa ganoon s'yang pag-iisip nang may rumaragasang truck ang sasalubong sa kanya. Dapat s'yang umiwas, alam n'yang dapat s'yang umiwas, pero taliwas ang kanyang nais, sa halip, pumikit s'ya at dinama ang mga huling sandali.
BINABASA MO ANG
Cattiva [ON HOLD]
ActionSypnosis: Si Jean Lorraine Buendia o mas kilala bilang JL ay ang unica hija ng kagalang-galang na si Senador Ruel Buendia at ng asawa nito na si Mariane Buendia. Lumaking masayahin, mabait at malambing ang dalaga sa piling ng kanyang mga magulang. N...