Ang Balon ng San Isidro

24 0 0
                                    

          Bakit kailangang lumipat? Iyan na lamang ang tumatakbo sa aking isipan, kasabay ng pagtakbo ng tren na aming sinasakyan patungong San Isidro. Nakasandal ang noo sa salaming bintana, bawat senaryong nadaraanan - palayang may mga nagkayukong magsasaka, ilog na walang tigil sa pag-agos, mga batang naglalaro sa kalsada, pagsikat ng araw, pagtulo ng tubig ulan sa salamin, at ang mga bituin sa gabi - ay nakapagpapaalala sa akin sa Sandoval.

          Ikalawang araw na namin sa tren na ito dahil ganoon kalayo ang San Isidro sa Sandoval. Maya-maya siguro ay mararating na namin ang paroroonan. Ngunit tandang tanda ko pa ang pagyapak ko sa kahapon ng alas sais ng hapon sa tren na ito habang kumakaway ng paalam sa mga kababata at kakilala. Batid sa kanilang mga mukha ang kalungkutan, at gayun din sa akin. Ang bawat "Paalam", "Mag-iingat kayo", at "Huwag niyo kaming kalilimutan, at hindi namin kayo kalilimutan" ay sadyang katagos-tagos sa puso at nakapanghihila sa iyo na bumalik na lamang doon. Sana'y mas mahaba pa ang panahon na makasama sila. Sana'y mas higit pa sa labing-limang taon ang pakikisalamuha sa kanila.

          Tutulo na sana ang aking luha ngunit hindi ito natuloy nang napahinto rin ang makina ng tren. Bagkus, sa pagkagulat ay nawala na lamang aking katahimikan, "Anong nangyayari?"

          "Huminahon ka lang, Lorenzo. Mag-abang tayo sa iaanunsyo ng operator." ang sabi ng aking inang nagising dahil sa aking ingay.

          Hindi rin gumagana ang aircon kaya naging mainit sa loob ng tren, lalo pa at tirik ang araw dahil tanghaling-tapat. Sa labas, sa kanang bahagi ay damuhan na may dalawang malalaking puno na may espasyo sa gitna na tila isang pasukan patungong gubat. Sa kaliwang bahagi naman ng tren ay may lawa at nakakabit na ilog. Tila kami'y ligaw sa kawalan.

          "Naubusan ng malalaking uling na nagpapatakbo sa tren," sambit ng kundoktor paglabas niya sa pintuan sa silid ng kutsero ng tren. "Huminahon tayong lahat sapagkat gubat ang ating nahintuan. Mangongolekta kami ng mga kahoy na maaaring gamitin upang mapaganang muli ang makina. Kung gusto ninyong mapabilis ang proseso, lahat ng nais tumulong, sumama kayo sa akin."

          Napuno ng ingay at bulong ang tren habang nagsisilabasan ang mga tao. Hindi pinahintulutang buksan ang mga pinto sa kaliwang bahagi dahil katubigan ang kalalagyan ng sinumang lumabas doon. Karamihan ay mga tatay, kasama ang akin, ang sumama sa kundoktor dala-dala ang kani-kanilang mga palakol na nakatambak sa tren papasok sa kagubatan para kumuha ng kahoy. Habang kami ay nanatili sa damuhan at naghanap ng komportableng puwesto. Walang signal sa lugar na ito kaya't walang saysay ang paggamit ng cellphone. Buti na lamang at may baon kaming pagkain dahil eksaktong oras na ng tanghalian.

          "Malayo pa ba tayo sa San Isidro?" tanong ng kapatid kong si Roberto sa akin.

          Dahil hindi ko nababatid ang sagot, lumingon na lamang ako sa aking ina na tila pinapasa ang tanong, na siya namang sinagot niya, "Mga ilang kilometro pa. Kapag nakaalis tayo agad, marahil mga ala una ay naroon na tayo."

          Wala akong pakiramdam na 'hindi-na-ako-makapag-hintay' na namamalagi sa akin hindi tulad ng kapatid kong may katiting na pananabik.

          "May mga de lata at inumin sa baul sa loob ng tren," ang handog ng drayber. "Baka may nagugutom at nais magtanghalian."

          Unti-unting umiitim ang mga alapaap at lalong uminit ang pakiramdam. Senyales ito na uulan. Sana ay makaalis na bago pa man pumatak dahil walang mapagsisilungan. Para hindi mainip, nag-usap nalang kami ni Roberto tungkol sa magiging hinaharap namin sa bagong lilipatan. Malapit kami ni Roberto sa isa't isa hindi tulad ng karamihan sa magkakapatid. Mas bata siya sa akin ng isang taon lamang kaya parang magbarkada lamang ang turingan namin sa isa't isa. Dalawa lang kaming anak nina Margaret Sakaray at Raphael Sakaray.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 28, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Balon ng San IsidroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon