Taym Pers (Time First)

205 1 0
                                    

Hindi naman sa oras nabibilang ang pagiging magkaibigan niyo. Kundi sa mga pagkakataong nagkakaintindihan kayo… tayo. Sa mga pagkakataong alam mong masama ang budhi ng isang tao, pero sa bandang huli, tanggap mo pa rin ang buong pagkatao niya. -Antonio Tigue

-ooo-

Taym Pers (Time First)

-ooo-

Ilang taon na akong nabubuhay dito sa mundo ito. Ilang taon pa ba ang bibilangin para masabi ng mga taong nakapaligid sa akin na nagampanan ko ang misyon ko dito sa mundong ibabaw?

Pero sandali lang. Teka muna. Taym pers kumbaga sa mga larong pambata. Ano nga ba ang misyon ko? Wala naman ata. Ang hirap kasing magpakabait, ang hirap magpakatino. Pero ang pinakamahirap, yung magpanggap kang matino kahit alam naman ng buong mundo ang lahat ng bahong tinatago mo sa mga kasingit-singitan ng katawan mo. Yun. Gets? Ako hindi, e.

Ah. Dumating na sila. Sila Tonyo, Ruding, Berto at Trining. Mga kabarkada ko, kadugtong ng bituka ko, kalahati ng kaluluwa ko. Sa madaling salita, oo. Natumpok mo. Sila ang mga kaibigan ko.

Bigla akong napangiti.

Isang gabi na naman ito ng mga hindi malilimutang sandali sa piling nila.

-ooo-

Lasing na si Tonyo. Si Ruding naman, papikit-pikit na. Si Trining at Berto, hala. Sige lang sa pagkanta.

Katatapos lang ng isang session namin. Tama. Nag-inuman kami. Ay, sila lang pala. Hindi kasi ako umiinom. Bata pa ako, may gatas pa sa aking mga labi. Hay naku, sino pa bang maniniwala sa palusot kong 'to? Joke lang yun. Hindi ako dapat uminom ngayong gabi dahil may pasok pa ako kinabukasan. Ewan ko ba naman sa mga 'to. Masayang makipag-inuman hindi dahil sa alak, kundi dahil sa mga kwentuhang napag-uusapan niyo kapag medyo malakas na ang tama niyong lahat.

Pero baka ako lang may ganoong pananaw.

Si Tonyo, kababalik lang galing sa banyo. Sumuka ang gago. Haha. Iinom-inom kasi nang marami, hindi naman pala kaya ng katawan niya. Kung tutuusin, siya dapat ang gumagawa ng ginagawa ko ngayon: ang pag-aasikaso sa mga lasing niyang kabarkada. Siya kasi ang pinakamatanda sa grupo. Ang kuya kumbaga. Pero heto, siya pa ang pasimuno ng nangyari nitong gabi.

Hinga lang nang malalim, Enrico.

Hindi ko siya masisisi. Sa bahay kasi nila, siya lahat ang nag-aasikaso. Ultimo pambayad ng kuryente, tubig, pambili ng bigas, ulam, shampoo, sabong panlaba, feminine wash ng mga kapatid na babae, pang-DOTA ng bunsong kapatid na lalaki… at ang pinakamahalagang gastos sa lahat: ang pang-inom ng kanilang butihing ama.

Tatlong taon nang patay si Aling Karing, nanay ni Tonyo. Ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin maka-get-over si Mang Ole. Tru lab daw niya kasi ang mabuting maybahay.

Napangisi ako nang marinig na naman ang walang humpay na talumpati ni Tonyo. Tuwing malalsing siya, parehong-pareho lang din ang mga salitang lumalabas sa bibig niya.

“Hindi ba nila alam na hirap na hirap na ako? Mahirap magtrabaho. Mahirap maghanap-buhay! May sarili din akong buhay, hindi ba nila alam? Kailangan ko din ng oras para sa sarili ko…”

“Oo na, oo na,” sabi ko na lang habang hawak-hawak ang kwaderno ko. Syete. May quiz pa nga pala kami bukas. Ngayon ko lang naalala. “Kung pagod ka na, bakit hindi muna magpahinga? Sabihin mo sa kanila na taym pers lang, wait lang. Pahinga muna ako.”

“Madali lang yan sabihin, pero mahirap gawin. Hindi naman kasi laro itong ginagawa ko. Hindi ganun kasimple ang lahat. Sh-sino pang ibang magtatrabaho para sa aming lahat kundi ako?”

Taym Pers (Time First)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon