Simula

175 59 39
                                    

Alas-onse ng gabi. Malamig at malakas ang simoy ng hangin na nagpapasayaw sa mga puno. Maririnig ang alingawngaw ng tahol ng mga aso.


Kasabay nito ay ang pagdating ni Marcelo kasama ang tatlo niyang matalik na kaibigan na sina Antonio, Luna, at Greg sa isang kwarto sa ikalimang palapag sa Silangang gusali ng Makabayang Pamantasan ng Pilipinas (MPP).


Ngayong gabi ay ang muling pagkikita o ang reunion ng isang grupo ng magbabarkada na pawang mga naging mag-aaral ng MPP. Walo sila sa barkadahan. Sina Marcelo, Antonio, Luna, Greg, Marie, Lorenzo, Imelda at Benigno. Solido kung ituring ang barkadahan nila. Sa nakalipas na tatlong dekada ay taon-taong walang palya ang muling pagsasama nila upang gunitain ang kanilang samahan.


Nauna na ngang dumating ang apat sa grupo. Umupo sina Marcelo, Antonio,Greg at Luna na para bang pagod na pagod ngunit maya-maya pa ay nagkwentuhan na rin patungkol sa mga bagay-bagay.


Maya-maya pa ay sumunod na sabay-sabay dumating ang tatlo pa sa barkadahan na sina Lorenzo, Imelda at Benigno. Labis ang kanilang pagngiti nang makita nila ang apat nilang kaibigan na nauna. Sinamahan nila ito sa pag-upo sa lapag. Nagsimula na ang kwentuhan.


"Grabe no, na-miss ko kayong lahat. Isang taon na rin mula nang tayo ay muling magkita-kita. Mabuti nga at kada taon ay nagrereunion tayo," kwento ni Lorenzo.


"Ang dadrama niyo naman. Ito may dala akong alak. Mag-inuman na muna tayo bago pa may umiyak diyan dahil sa kwentuhan." Pagbibiro ni Marcelo.


Tuloy pa rin ang masayang pag-uusap at tawanan ng barkada nang biglang dumating na rin sa wakas si Marie. Sa pagpasok ni Marie ay sabay-sabay na kinantsawan ng barkda si Marcelo.


"Marcelo, ayan na yung pinakahinihintay mo na si Marie hahaha. Ang iyong baby loves," asar ni Antonio.


"Gago ka talaga, tama na nga ito," sagot ni Marcelo.


"Pikon ka talaga kahit kailan Marcelo. Aminin mo na kasi, sayang nga at hindi kayo nagkatuluyan pero ayos na rin yan." Patawang wika ni Lorenzo.


Umupo na lang din si Marie sa lapag upang saluhan ang mga kaibigan na nag-iinuman na. Maya maya pa ay nagsalita na rin ito.


"Oh ano na guys, kwentuhan na ulit tayo. Isang beses sa isang taon na lang naman natin ito nagagawa. Sulitin na natin. Kahit paulit-ulit pa ang kwento natin. Hinding-hindi tayo magsasawa panigurado," banggit ni Marie.


Doon na nga muling nagsimula ang kwentuhan at pag-uusap ng barkadahan. Isang samahan ng mga magkakaibigan na dati ay hindi naman magkakakilala ngunit dahil sa pagkakapareho at dahil sa iisang layunin ay nagbuklod-buklod. Walo sila sa barkada, at kung babaliktarin ang walo ay mabubuo ang simbolo ng walang hanggan na simbolo rin ng kanilang pagkakaibigan. 


Dahil sa pagkakatagpo nina Marcelo, Marie at Lorenzo ay nabuo ang isang pagkakaibigan na kung bansagan ay "The Infinite."

Muling Pagkikita (The Reunion)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon