Si Lorenzo

86 47 25
                                    

Alagad ng sining kung ituring si Lorenzo. Bata pa lamang siya ay madalas na siyang sumali sa mga pagtatanghal noong siya ay nasa elementarya. Mapa-kanta man o mapa-sayaw ngunit ang pagdudula ang higit niyang kinahiligan.

Noong siya ay nasa hayskul na, mas lalo niyang minahal ang sining at pagtatanghal sa pamamagitan ng teatro. Ipinansasabak siya sa kung ano – anong mga patimpalak ng kanilang paaralan at madalas naman siyang nag-uuwi ng mga panalo. Dahil doon ay naging presidente siya ng organisasyong pang-Teatro ng kanilang paaralan. Bunga nito, mas napaunlad pa nito ang kanyang talento sa sining. Sa katunayan siya ay nakapagpakitang-gilas na sa Cultural Center of the Philippines (CCP) dahil sa kaniyang pambihirang husay.

Matapos makapagtapos sa hayskul, lahat ay abala na sa paghahanap ng kanilang mapapasukang unibersidad para sa kolehiyo ngunit desidido na siya sa eskwelahan na kanyang pipiliin. Ito ang "Makabayang Pamantasan ng Pilipinas (MPP)," na kilala dahil sa dekalidad na pagtuturo subalit ang pag-teteatro talaga ang nagtulak sa kanya upang piliin ito.

Ang "Makabayan Repertory", ang opisyal na grupong pang-teatro ng MPP, ay isa sa mga nangunguna at sikat na grupo ng mga manananghal sa buong bansa kaya naman hayskul pa lamang siya ay nais niya nang makasali rito.

Unang araw pa lamang ng pagpasok niya sa unibersidad ay bakas na sa kanyang mukha ang kagalakan at kasiyahan kung kaya naman ay pumasok na siya sa kanyang silid – aralan ngunit wala naman ang kaniyang mga propesor. Nagkataong sakto ang araw at oras na iyon sapagkat maaari nang magparehistro upang makasali sa Makabayan Repertory. Sabik na nagmamadali niya itong pinuntahan. Hindi alintana sa kanya ang kaba dahil sa kagalakan na mas nananaig.

Mahaba ang pila sa pagpaparehistro at awdisyon para sa pagsali sa teatro. Habang nasa pila ay nakilala niya sina Imelda at Benigno, na kapwa niya katabi. Halatang-halata sa kanilang istura at galaw ang bahid ng pagkakaba. Agad niya namang ningitian at dinaldal ang dalawa.

"Kaya niyo iyan, huwag kayong kabahan at isipin niyo lang na makakapasa tayong lahat," ani niya kina Benigno at Imelda.

"Maraming salamat, kinakabahan lang talaga ako dahil unang beses ko itong susubukan," sagot ni Imelda.

"Sana nga makapasa talaga tayong lahat. Sana rin maging malapit tayo sa isa't-isa kapag miyembro na tayo. Mukha namang magkakasundo tayo," wika ni Benigno habang tumatawa.

Doon na nga nagsimula ang kanilang tunay na pagkakaibigan.

Pagkalipas ng isang lingo, habang nagliliwaliw si Lorenzo sa pamantasan ay napadako siya sa malayang paskilan. Doon nakadikit ang isang papel na naglalaman ng mga pangalan ng mga nakapasa para sa Makabayan Repertory. Agad niyang nabasa ang kanyang pangalan dito. Nagtatalon sa tuwa si Lorenzo na akala mo ay nanalo sa lotto.

Sa unang araw bilang isang miyembro ng teatro ay nagkaroon ng programa at orientasyon. Katabi niya rito sina Imelda at Benigno na mga nakapasa rin. Sa umagang iyon, ipinakilala kung ano nga ba ang Makabayan Repertory at ipinakilala rin ang mga opisyales ng organisasyon. Isa sa mga nagsalita ay si Donald, pangulo ng grupo at apo rin ng presidente ng MPP.

"Ang sining ay para lamang sa sining. We are just all after the perfectness and beauty," banggit ni Donald sa kanyang talumpati.

"Iyang mga sining protesta na yan na ginagawa ng mga rallyista ay basura, they are not even artists. Art is beauty, hindi dapat binababoy at binabahiran ng kung anu-ano gaya ng politika! Anong ginagawa nila? Para sa pagbabago kuno ng lipunan na ating ginagalawan?" pasigaw na dagdag nito.

Marami ang nagulat at napaisip na mga tagapakinig, isa na roon ay si Lorenzo. Habang naglalakad palabas ng teatro nagnilay-nilay siya at biglang nagduda sa sarili.

"Tama ba ang pinasukan ko? Anong klaseng organisasyon ito? They are just performing to show perfectness and beauty? Sa realidad, hindi naman ganito ang nangyayari. Ito ba ang sining? Ang pagsayang sa talento na ipinagkaloob ng Diyos?" bulong niya sa sarili.

Kung kaya naman ay tila baga nawalan siya ng gana dahil sa pangyayaring ito. Hindi na ito nawala sa paglipas ng mga araw at linggo. Sa tuwing mag-eensayo sila ay tinatamad na siya. Paano ba naman ang mga dula na kanilang ginagawa ay mababaw at pangkaraniwan lamang.

Walang kaibahan sa mga kwento sa mga teleserye. Isang lalaki at babae na magkakatagpo at mag-iibigan ngunit magkakaroon ng away dahil sa kabit na sisingit. Sa huli, magkakaaayos din naman at mamumuhay sila nang maayos habang buhay. O kaya naman tungkol sa isang prinsesa na may mapang-aping madrastra na sasagipin isang ng prinsipe na nakapulot ng kanyang sapatos.

Marahil marami ang napupukaw sa ganitong uri ng istorya ngunit masyado na itong karaniwan at hindi nagpapakita ng makatotohanang nangyayari sa realidad ng buhay.

Isang araw habang nag-eensayo ang lahat para sa darating na pagtatanghal, bigla na lamang uminit ang ulo ni Donald na direktor ng dula.

"Punyeta Lorenzo, ano ba naman iyang pag-arte mo? Wala na bang ikagaganda iyan? Ayusin mo! Wala kang kwentang panoorin," sigaw ni Donald kay Lorenzo.

Tahimik lamang at malalim na humihinga si Lorenzo nang biglang nagulat ang lahat dahil sumagot ito.

"Bakit? Tingnan mo naman kasi ang mga uri ng mga kwento na ginagawa mo. Puro pag-ibig na kilig at katatawanan lamang ang dulot. Ano nga ba ang silbi ng grupong ito? Anong magagawa nito para sa bayan?," pabalang na sagot ni Lorenzo.

Agad naman siyang pinalayas ni Donald at sinibak sa organisasyon. Mabuti na lamang ay nanindigan din ang dalawa pa niyang kasamahan na sina Imelda at Benigno. Sabay-sabay silang umalis sa Makabayan Repertory na dati ay tinitingala at hinahangaan nila.

Hindi naglaon ay bumuo ang mga ito ng sariling grupo at naisipan nilang lumikha ng isang dulang may kabuluhan. Pinamagatan nila itong, "Bayang Nilugmok." Isang munting dulang pangtanghal na nagpapakita ng tunay na kalagayan ng lipunan. Ang mga paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan lalo na ng kabataan.

Matapos ang halos isang buwan na preparasyon, kung saan sila ay nagpakalat ng mga posters at personal na nag-imbita sa mga mag-aaral, ay handa na sila. Sa maliit na kwarto sa ikalimang palapag ng Silangang Gusali na walang bentilador sila magtatanghal.

Dumating na nga ang araw ng kanilang palabas. Malungkot ang tatlo dahil tila walang interes ang mga kapwa niya mag-aaral sa mga ganitong sining ngunit may kasabihan sa teatro na "The show must go on."

Maya-maya pa ay may dumating na isang lalaki na sinundan din ng isa pang babae. Kahit papano ay natuwa si Lorenzo dahil may manonood sa kanilang pagtatanghal. Kahit dalawa lamang ang madla ay nagtanghal silang magkakaibigan. Maayos naman na nagtapos ang palabas na pinalakpakan ng dalawang nanonood.

Pagkatapos nito, habang nagliligpit sina Benigno at Imelda ng kanilang gamit ay lumapit si Lorenzo sa lalake at babae na sina Marcelo at Marie na tila nag-uusap. Nakipagkamay at taos-pusong nagpasalamat sa kanila.

"Ako nga pala si Lorenzo, at sina Benigno at Imelda iyong dalawang nagliligpit doon. Maraming salamat talaga sa inyo!," banggit ni Lorenzo.

"Kami ang dapat magpasalamat sa inyo, ang huhusay ninyo kaso nakakalungkot na dalawa lamang kami rito ang nakakita niyon," sagot ni Marcelo.

"Oo nga sayang pero hayaan mo may naisip akong plano. Kung maari lamang ay iimbitahin ko sana kayong kumain ng hapunan sa labas mamaya. Kayong tatlo nina Benigno at Imelda at kasama na rin itong si Marcelo kasama ang tatlo pa niyang kaibigan na sina Antonio, Luna at Greg. Gustong-gusto ko kayo makilala at maka-kwentuhan pa," masayang sabi ni Marie.

Muling Pagkikita (The Reunion)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon