Part 1

56.7K 703 31
                                    


Randall Clark--- At First Sight (Story Status: Completed)

Miro Lagdameo--- Written In The Stars (Story Status: Completed)

Milo Montecillo--- Love On Trial (Story Status: Completed)

Jared Montecillo--- You Had Me At Hello (Story Status: Completed)

Mike Villamor--- Dare To Love You (Story Status: Completed)

Arthur Franz de Luna--- Paint My Love (Story Status: Completed)

Lance Pierro Alvarez--- When Miss NBSB Meets Mr. Bully (Story Status: Completed)




"GRACIE!"

Agad na tinuyo ni Grace ang mga kamay niyang abala sa paghuhugas ng mga pinggan. Katatapos lang niyang mananghalian kasama ang dalawa niyang kaibigan na sina Marissa at Sisi. Maagang umalis si Sisi dahil may pupuntahan pa ito, samantalang si Marissa ay nagbabad agad sa harap ng telebisyon. May sinusubaybayan itong TV series na kinalolokohan nito nang sobra. Apartment nila iyon ni Marissa sa Maynila dahil taga-Cebu talaga sila.

"Kung makatili ka naman. Bakit ba?" Ibinato niya kay Marissa ang towel na ipinantuyo niya sa kanyang mga kamay. Talo pa ang may emergency sa lakas ng pasigaw na pagtawag nito sa kanya.

"May solusyon na tayo sa problema natin!" patiling wika nito.

Ang problema ba nila sa pera ang tinutukoy nito na may solusyon na? Aba, magtatatalon siya sa tuwa kung ganoon nga. Pero saang lupalop naman kaya ng mundo ito nakakita ng solusyon para sa halagang four hundred fifty thousand pesos na kailangan niya?

"Maupo ka muna rito, bilis! Itutok mo lang ang mga mata mo sa TV. Sayang, umalis agad si Sisi. Pero hindi bale, ikukuwento ko na lang sa kanya nang bonggang-bongga mamaya."

Pabirong binatukan niya ito, saka siya umupo sa tabi nito. "Ano ba kasi 'yon?"

"Nandito ang sagot, Gracia— O, 'ayan na uli. Panoorin mong mabuti, huwag kang kukurap."

Nagtataka man ay itinutok na lang niya ang kanyang mga mata sa telebisyon at pilit hinahanap kung bakit naroroon ang sagot sa problema nila sa pera.

Halos mapasinghap siya sa napanood. Tama si Marissa, nandoon nga ang sagot. Isang reality show sa Villamor Broadcasting Network o VBN. Tila halaw sa The Bachelor ang konsepto niyon. May isang lalaki na hahanapin ang pag-ibig sa sampung babaeng magpa-paligsahan sa pagkuha sa atensiyon ng lalaki. All the girls would live in the same house and each of them would have a chance to date the man in search of Miss Right.

Naiintindihan na niya kung bakit iyon ang magiging solusyon sa problema nila. Five hundred thousand pesos ang premyong naghihintay sa mananalo. Malaking pera talaga iyon at sobra-sobra pa sa perang kailangan niya. At kung pagbabasehan ang requirements para sa mga gustong sumali, sa palagay niya ay pasado naman siya.

At least five-five ang taas—five-eight ang height niya, salamat sa matangkad niyang ama na dating PBA player; with pleasing personality—hindi lang pleasing ang personality niya kundi nag-uumapaw pa at hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, maganda siya.

"Sasali ka, 'di ba, Galeng?"

Ang tinig ni Marissa ang pumutol sa pagmumuni-muni niya. Sa loob lang ng ilang minuto ay natawag na siya nito sa mga pangalang Gracie, Gracia, at Galeng. Sigurado siyang hindi rin nito makakalimutang tawagin siyang "Gale," bagaman ang totoo talaga niyang pangalan ay Grace Fernandez.

"Hmm... malaki nga ang perang makukuha ng mananalo. Pero sorry, dahil isang malaking 'hindi' ang sagot ko," matatag na sabi niya bago tumayo at iniwan ito. Nagtungo siya sa kusina upang ituloy ang paghuhugas ng mga pinggan.

Agad naman itong sumunod sa kanya. "At bakit? Hayan na nga ang sagot sa problema mo, o."

"Diyos ko, Marissa, TV iyon! Para namang hindi ka nakakapanood ng mga reality show. Kita mo nga sa The Bachelor, grabe kung maghalikan ang mga kasali do'n. Hindi ko keri ang gano'n."

Napahagikgik ito sa sinabi niya. Hindi kaya ng powers niya na magpaka-daring nang ganoon sa telebisyon at makita siya ng milyon-milyong manonood. Baka mamaya ay bumangon mula sa hukay ang mga magulang niya at itakwil siya. No, she wasn't that naïve, but she wasn't someone used to media attention. Kaya nga hindi niya pinatulan ang ilang offer ng mga talent scout noong nanalo siya sa isang beauty contest sa kanilang bayan.

"Grace, baka nakakalimutan mong nasa Pilipinas ka at Pilipino ka. For sure, hindi ganoon kabulgar ang ipapalabas sa TV. Isa pa, late night ang time slot n'on! At saka 'yong mga kissing scene na sinasabi mo? Aba, baka nakakalimutan mong mas daring pa roon ang mga eksenang binubuo mo sa mga libro mo?"

Natameme siya. Tama ito, mas daring pa nga kaysa sa halikan ang mga eksenang nabubuo niya mula sa kanyang imahinasyon. Isa siyang romance writer, at dahil romance, marami talagang romansa. At tama rin ang kaibigan niya na hindi lang kissing scene ang nagagawa niya. Nagsusulat din siya ng love scenes kung talagang kailangan sa eksena. Hindi niya alam kung paano niya naisusulat ang mga iyon samantalang isang beses pa lang siyang nagkaroon ng boyfriend. Ah, malawak lang talaga siguro ang kaalaman niya dahil mahilig siyang magbasa ng kung ano-anong libro. Hindi naman siya sikat na writer, kumbaga ay sideline lang niya iyon. Sa awa naman ng Diyos ay nakakapasa ang mga manuscript niya.

"Para kang timang. 'Yong mga isinusulat kong kuwento, coach lang ang papel ko roon at hindi iyon base sa experience ko. Alam mo namang isa pa lang ang naging boyfriend ko," nakangusong wika niya. "Basta, hindi mo ako mapapapayag na sumali!"

"Bahala ka. Magpakasal ka na lang kay Francis, kung gano'n," sabi nito.

Iyon ang problema nila—ay, niya lang pala, dinadamayan lang siya ng mabubuti niyang kaibigan. Malaking halaga ng pera ang kailangan para ipambayad sa pamilya ng kababata niyang si Francis. Nagkasakit kasi ang kuya niya at kinailangang maoperahan agad. Dahil kamamatay pa lang noon ng mga magulang nila sa isang car accident at wala naman silang malaking pera sa bangko, napilitan siyang isangla ang ilang ektaryang sakahan nila sa Cebu. Ayos naman ang usapan nila ng ina ni Francis sa simula. Hanggang sa dumating na sa puntong pinipilit na siya nitong ipakasal kay Francis. Wala siyang mairereklamo pagdating kay Francis. Magkaibigan sila at pareho nilang alam na hanggang pagiging magkaibigan lang ang damdamin nila para sa isa't isa. Masyado lang nahuhumaling sa kanya ang ina nito kaya ganoon na lang ang kagustuhan nitong maging manugang siya.

"Graciana, hanggang pagiging girlfriend lang naman ang ending ng TV show. Hindi naman katulad ng sa The Bachelor na may proposal talagang nagaganap. Isa pa, sigurado akong contract signing pa lang ay may datung na," ayaw paawat na wika ni Marissa. Pinagdikit pa nito ang hintuturo at hinlalaki nito para ipakita sa kanya ang sign ng pera.

Humugot siya ng malalim na hininga. Sa ngayon, tila iyon lang ang malinaw na solusyon para sa perang kailangan niya. "Paano kung hindi ako makapasa sa screening at hindi ako makapasok sa top ten list?"

"Ewan ko na lang sa kanila kapag pinakawalan nila ang beauty mo, ha. Kung ako lang ang may ganyang kagandahan, sasalihan ko lahat ng beauty contest."

Napahagikgik siya. "Hay, naku, nambobola ka na naman! If I know, sasabihin mo sa akin ang lahat para mapapayag mo ako riyan. Sorry, pero 'hindi' ang sagot ko. Final answer!" aniya na para bang ito ang may problema at hindi siya. "At saka, sino namang matinong lalaki ang hahanap ng Miss Right kapalit ng pera?" hamon niya.

"Ah, ewan ko sa 'yo. Basta iyan lang ang solusyong meron ka ngayon. Take it, or marry Francis!"

Dare To Love You (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon