Part 18

16.5K 487 18
                                    


THE ARMS of Love Children's Home, Bohol. Iyon ang pangalan ng bahay-ampunan na kinaroroonan nina Grace nang mga sandaling iyon. Isa lang iyon sa mga stopover nila sa kanilang mga charity work. Kahit sabihing bahagi lang iyon ng palabas, hindi pa rin niya maiwasang masaktan para sa mga inosenteng bata na naging biktima ng malupit na tadhana.

Ang ibang mga bata ay naroon dahil ibinenta ang mga ito kapalit ng maliit na halaga ng pera. Ang iba naman ay inabandona sa kung saan at nasagip ng foundation. Ang ilan pa ay dahil hindi na kayang suportahan ng mga magulang sa sobrang dami ng mga anak. Pero ang talagang bumasag sa puso niya ay ang mga batang inabuso.

Katulad ng batang pinipilit niyang kausapin nang mga sandaling iyon, si Ana. Walong taong gulang ito at napakaraming pilat ang buong katawan nito. Halos mamatay ito sa pambubugbog ng drug addict nitong ama noong masagip ito. Nakulong ang ama nito at napunta naman ito sa ampunan. Gumaling ang mga pisikal na sugat nito pero hindi ang emosyonal na sugat. Namamahay pa rin ang sugat na iyon sa pagkatao ng bata. Hindi na diumano ito nagsalita mula noon, laging takot at mailap sa mga tao.

Tinangka niyang haplusin ang buhok nito ngunit umiwas ito. At kasabay niyon ay nangislap ang mga mata nito sa mga luha. Parang piniga na naman ang puso niya. Nanikip ang dibdib, nanakit bigla ang lalamunan, at nag-init ang mga mata niya sa sobrang habag na nadarama niya para kay Ana. Mabilis siyang tumayo at halos patakbong tinungo ang banyo. Doon niya ibinuhos ang sama ng loob niya, iniyakan niya ang kapalaran ng bata. Napakalupit talaga ng mundo. Kung sino pa ang walang kalaban-laban ay siya pa ang madalas maging biktima ng mga karahasan.

"Grace, open the door."

Napapitlag siya ng marinig ang tinig na iyon sa labas ng pinto ng banyo. Mabilis siyang naghilamos at pilit nilinis ang bakas ng mga luhang naglandas sa kanyang mga pisngi. Pero mahirap yatang itago ang pag-iyak niya dahil namumula ang kanyang mga mata.

"Grace, I said, open the door."

"Okay lang ako, Mike. Lalabas na rin ako..." aniya.

"Bubuksan mo ba ang pinto o gigibain ko ito?"

Nagmadali siya sa paglabas. "Ano ba'ng problema—" Hindi niya naituloy ang sinasabi nang bigla nitong pinunasan ang mga mata niya gamit ang panyo nito.

Natilihan siya. Alam nito na umiyak siya? Pero ang mas humaplos sa puso niya ay ang ginawa nitong marahang pagpupunas sa paligid ng mga mata niya na para bang may luha pa roon.

"Masyado kang iyakin. Or rather, masyadong malambot ang puso mo. Paano na lang kapag marinig mo ang kuwento ng iba pang mga bata rito? Lulunurin mo sila sa luha mo dahil siguradong babaha ang mga iyan," malumanay na wika nito habang patuloy pa rin sa marahang paghaplos sa pisngi niya.

Paano nito nalaman ang bagay na iyon gayong abala ito sa pagpipintura ng mga upuan?

"Nasa iyo ang mga mata ko, silly," anito na tila nabasa ang iniisip niya. Pagkatapos ay bigla siya nitong hinapit at niyakap nang mahigpit.

Hindi makagalaw si Grace. Parang nanigas na ang buong katawan niya sa tensiyon. Pero agad din naman siyang na-relax nang magsimulang humaplos sa likod niya ang mga kamay nito. It felt so good. Bawat paghagod ng kamay nito ay naghahatid ng sanlaksang luwalhati sa namimigat niyang puso.

"Be strong. Ayoko ng iyaking babae. I can't promise to always wipe away your tears. Baka sa sobrang panlalabo ng mga mata mo dahil sa luha ay hindi mo makitang umiiyak na rin ako," mahinang sabi nito malapit sa tainga niya.

Kumabog ang dibdib niya at nanlambot ang mga tuhod niya. Hayun siya, nakakulong sa matipunong mga bisig ni Mike at binubulungan ng mga bagay na nakakapagpabilis ng tibok ng puso niya. At dahil napakalapit nito sa kanya ay ramdam niya ang init na nagmumula sa katawan nito at nasasamyo rin niya ang mabangong amoy nito. May hatid na kiliti sa ilong niya ang natural na panlalaking amoy nito. Nais niyang ipikit ang mga mata niya at humiling na sana ay panghabang-buhay na ang kaligayahang iyon na nararamdaman niya. Na sana ay pareho ang itinitibok ng kanilang mga puso.

Dapat ba siyang umasa na maaaring magustuhan din ng isang gaya nito ang tulad niya? Ah, fairy tale! Gusto niyang hilingin na sana ay may isang fairy tale na pag-ibig siya at na sana ay nangyayari iyon nang sandaling iyon mismo. Pero malayo ang fairy tale sa realidad.

"O-okay na ako, puwede mo na akong bitiwan," aniya bago pilit na kumawala sa mga bisig nito.

Tinitigan siya nito, tila pilit binabasa ang laman ng isip niya.

Nag-iwas siya ng mga mata dahil baka hindi lamang ang laman ng isip niya ang mabasa nito kundi maging ang nasa puso niya. Kapag nagkataon, hindi niya malalaman kung paano pa haharap dito.

Nagpakawala ito ng malalim na hininga. "Sige na, bumalik ka na roon."

Tumango siya at tinalikuran na ito.


Dare To Love You (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon