"I... I was hiding from the likes of you," ani Grace.
Nagpakawala ito ng marahas na hininga. "And what do you mean by that?" tanong nito nang maupo na rin ito sa blanket.
Sinasabi ng isip niya na iwan na niya ito roon, ngunit nanatili siyang nakaupo lamang. Siguro dahil sa kaibuturan ng puso niya, gusto niyang makasama ito; silang dalawa lang at walang mga nakatutok at sumusunod na camera. Gusto rin niyang makakuwentuhan ito. Minsan lang iyong mangyayari kaya sasamantalahin na niya.
Nagkibit-balikat lang siya bilang sagot dito.
"You were hiding from the likes of me. What is my kind like?" tanong uli nito. Tila hindi ito titigil hangga't hindi siya sumasagot.
"Mayaman at playboy. That's what your kind is like, Mike. Mali ba ako?"
"'Yan din ang inaasahan kong isasagot mo," anito. Sa liwanag ng buwan ay nakita niyang natuon sa kanya ang mga mata nito. "You've heard a lot of bad things about me, haven't you? Malamang na noon pa man ay hindi na maganda ang impresyon mo sa akin."
"Why? Does it matter? May pakialam ka ba sa sasabihin ng ibang tao sa iyo?"
"No. I don't really give a damn. Hindi ko inaaksaya ang oras ko sa pag-intindi sa mga iyon. We can't please everybody. I won't bother explaining myself. My family and friends don't need it and my enemies won't believe it."
"Then my opinion of you doesn't matter as well."
"Of course it does," agad na sansala nito. Bumuntong-hininga ito.
Kinabahan siya. Seryoso ba ito nang sabihing mahalaga rito ang opinyon niya? "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Ito naman ang nagkibit-balikat at hindi sinagot ang tanong niya. Sa halip ay nagtanong uli ito. "Did a man of my sort break your heart once? May isang mayamang lalaki bang bumigo sa puso mo kaya umiiwas ka na?"
Para siyang sinampal sa tanong na iyon. Ang totoo ay wala pang bumibigo sa puso niya. Pero bakit nga ba nasabi niyang umiiwas siya sa mga kagaya nito? Mutual agreement naman ang nangyari nang mag-break sila ng unang boyfriend niya kaya wala iyong iniwang sakit sa puso niya.
"T-thank God, wala pa,"
"Then why are you trying so hard to push me away?"
She laughed nervously. "Sabi nga, prevention is better than cure, 'di ba? Hindi naman siguro masama na protektahan ko ang sarili ko at ang puso ko. That way, I won't end up crying."
"Then you won't find love at all, Grace. I thought you were brave, pero takot ka palang masaktan. Kapag nagmahal ka, kakambal n'on ang posibilidad na masasaktan ka. Pero paano mo malalaman kung takot kang sumubok?"
Umangat ang isang kilay niya sa sinabi nito. Hindi siya makapaniwalang sinabi nito iyon. "Kaya pala hindi ka takot sumubok. You constantly change girlfriends like you're just changing clothes," sarkastikong balik niya.
Umiling ito. "Funny that you'd say that based on what you've heard about me. You don't know me, Gracie, or what my thoughts are, or what's inside my heart. You just know my name, but not the man who possesses that name."
"Nagmahal ka na ba, Mike? You talk as if you have."
Nagkamot ito sa ulo, pagkatapos ay nawala na ang seryosong aura nito at nabahiran na uli ng kislap ang mga mata nito. Hindi niya alam kung epekto lang ba ng liwanag ng buwan kaya hindi niya maalis dito ang kanyang mga mata.
"Nagmahal? That's in the past tense. Sorry, dear, but I'd rather not answer that. I invoke my right to remain silent," nakangising wika nito.
Natawa siya. "'Yan ba ang turo sa inyo ni Attorney Milo sa mga ganitong tanong? To invoke your right to remain silent?"
Natawa na naman ito at sinuklay ng mga daliri ang buhok. Tumikhim ito bago muling sumeryoso. "Hindi ko itatanggi na maraming babae sa buhay ko noon. Pero wala akong inapi o niloko sa kanila. Maaaring minahal ko rin ang ilan sa kanila—minahal pero hindi inibig."
"Ano'ng pagkakaiba n'on? Pagmamahal at pag-ibig, parehong ibinibigay ang puso."
"Ang pagmamahal ay puwede mong ibigay kahit kanino, samantalang ang pag-ibig ay para lang sa iisang babae na magmamay-ari ng puso mo," sabi nito, saka tumawa. "You must think it funny, coming out of a playboy's mouth."
Gusto niyang umiling at sabihing hindi iyon nakakatawa, pero tumahimik na lang siya at ninamnam ang mga salitang iyon mula rito.
Inabutan siya nito ng kape, tinanggap niya iyon at marahang sinimsim.
"P-paano kayo naging magkakaibigan? Well, kung gusto mo lang namang ikuwento," pagbubukas niya ng panibagong paksa. Tama na muna ang usapan tungkol sa pagmamahal at pag-ibig. Gayunman, siguradong tumatak sa puso at isip niya ang bagay na iyon.
"Siyempre naman. Dahil kay Miro kaya nagdugtong-dugtong ang mga landas naming anim. It was because of Miro's love for Margaux," anito bago ikinuwento sa kanya ang detalye kung paano nabuo ang pagkakaibigan ng mga ito. "Si Milo naman, naging parte siya ng grupo nang bumalik siya sa Pilipinas pagkatapos ng pag-aaral niya sa Harvard," pagtatapos nito sa kuwento.
Marami na rin siyang nabasang artikulo sa mga magazine tungkol sa kung paano nabuo ang pagkakaibigan ng mga ito at sa lahat ng iyon ay iisa ang sinasabi: na sa St. Anthony's College nagkakilala at nabuo ang grupo. Pero kalahati lang pala iyon ng totoong kuwento. Mas nakakahanga ang kalahati pa ng kuwentong iyon. Na pag-ibig ang dahilan kaya naging magkakaibigan ang mga ito.
"Did you just tell me a Hollywood romance plot?"
Tumawa ito nang mahina. "Iyon ang totoo. So, you see, it's love that binds us. Kaya huwag kang magugulat kung makikita at maririnig mo kaming nag-uusap ng mga bagay na may kinalaman sa pag-ibig. Nag-uusap kami na parang mga babae, if you know what I mean."
Hindi siya makahanap ng tamang salita para isalarawan ang nararamdaman niya pero sigurado siya na mula nang mga sandaling iyon ay tuluyan nang nabura ang anumang masamang impresyon na mayroon siya patungkol dito.
Hanggang sa lumipas ang mga oras nang hindi nila namamalayan. Maraming kuwento si Mike at gusto ni Grace na palakpakan ito sa paraan ng pagdadala nito ng usapan. Ito ang tipo ng kausap na marunong tumimbang ng mga bagay-bagay. Tinatanong nito ang opinyon niya tungkol sa isang paksa, pagkatapos ay magdedebate na sila. Ang mas nakakatuwa ay marunong itong tumanggap ng pagkatalo kapag alam nitong hindi mananalo ang argumento nito sa kanya.
Marami siyang natuklasang magagandang katangian ng binata. At sa malas ay mukhang mahihirapan na siyang rendahan ang puso niya. Hindi na niya kayang pigilan ang pagbukas niyon para papasukin si Mike. Ang tanong lang ay kung kakatok ba ito?
"There it is!" masiglang bulalas nito habang nakaturo sa bandang likuran niya.
Nagtatakang nilingon niya ang itinuturo nito. "Oh, my God!" namamanghang bulalas niya. Mabilis siyang tumayo at awang ang bibig na pinagmasdan ang pagsisimula ng umaga. Unti-unti nang sumisilip ang araw sa bahaging iyon ng dagat. At kasabay ng paglitaw ng araw ay ang pagsasabog ng makapigil-hiningang mga kulay sa kalangitan. Makapanindig-balahibo ang kagandahan niyon.
Hindi niya alam kung epekto lang ba ng makapigil-hiningang tanawin na iyon kaya hindi siya nakaramdam ni katiting na pagtutol nang tumabi sa kanya si Mike at hinawakan ang kamay niya. Tulad ng dati, naroroon na naman ang tila init na agad nanulay papunta sa puso niya.
Naroon lang sila, nakatayo at nakaharap sa bukang-liwayway. Walang anumang salitang namagitan sa kanila, tanging ang matamis na katahimikan habang magkadaop ang kanilang mga kamay.