Noong unang panahon, sa bulubunduking lugar ng isang lalawigan ay may isang tribong nakatira sa gitna ng malawak na kagubatan. Sila ang mga Ata.
Ang mga Ata ay matatangkad at may maaamong mukha. Ang kababaihan ay may magagandang pangangatawan; ang kanilang buhok ay mahahaba. Ang kalalakihan naman ay matitipuno ang pangangatawan.
Kapansin-pansin din sa mga Ata ang kanilang mapupungay na mata. Pero ang higit na kapansin-pansin ay ang kanilang mga balat na napakaitim–kasing-itim ng gabi.
Dahil doon ay nililibak sila ng mga tao sa kabihasnan–sa bayan–kaya pinili nilang mamuhay sa kagubatan.
Si Apo Tatong ang pinuno sa komunidad ng mga Ata. Madalas na laman siya ng panunukso dahil sa loob ng sampung taong pagsasama nila ng asawang si Salod ay hindi sila nabiyayaan ng anak.
Ngunit dumating din ang araw na pinakaaasam-asam niya–nagdalang-tao si Salod.
Isang araw, nagtungo si Salod sa pinakamataas na bundok sa kagubatan. Taimtim na nagdasal siya sa kinikilala nilang may likha ng lahat–ang Haring Araw.
"Haring Araw, may isa po akong kahilingan sa inyo. Sana maging puti ang kulay ng balat ng magiging anak ko."
Dininig ni Haring Araw ang hiling ni Salod. Laking tuwa niya at ng buong tribo ng Ata nang manganak siya at makita nilang kulay-puti ang balat ng sanggol. Pinangalanan niya ang anak na "Duha."
Lumaking napakagandang bata ni Duha.
Sa simula pa lamang ay nais na ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya para hindi siya matulad sa mga Ata na hindi marunong magbasa at magsulat.
"Ang aking anak na si Duha ang pag-asa ng mga Ata," laging sinasabi ni Apo Tatong sa mga katribo tuwing sila'y nagtitipon. "Hindi na magiging mangmang ang tribong ito. Makapagbabasa at makapagsusulat na ang lahat ng inyong mga anak at mga apo dahil pag-aaralin ko si Duha sa lungsod. Siya ang magtuturo sa atin."
Natuwa ang lahat sa planong iyon ni Apo Tatong.
Nang sumapit sa hustong gulang si Duha ay nagsimula siyang mag-aral sa kabihasnan. Naging mahusay siyang mag-aaral.
Siya ang laging nakatatanggap ng pinakamataas na parangal bilang pinakamatalinong mag-aaral ng kanilang klase.
Sa kolehiyo, kumuha si Duha ng kursong pagtuturo upang matupad ang plano ng ama.
Sa kanyang pag-aaral sa lungsod, nakilala niya ang simpatikong si Armando. Naging masugid na manliligaw niya ito.
Hindi naglaon ay umibig din si Duha sa binata.
"Ngayong magkasintahan na tayo, Duha, at sa palagay ko'y ikaw na ang iniibig ko at gustong pakasalan, kailan ko kaya makikilala ang iyong mga magulang, ang iyong pamilya?" minsan ay tanong ni Armando sa kanya.
"Bukas ang aming tahanan para sa iyo, Armando," sagot ni Duha.
Naglakbay si Armando at sumama kay Duha patungo sa lalawigang inuuwian nito.
BINABASA MO ANG
Alamat ng Duhat ( Published by Lampara Books)
AcciónKuwento ni Segundo D. Matias, Jr. Guhit ni Rovi Jesher R. Salegumba Editor: Edith Garcia Salin sa Ingles ni Becky Bravo Book Production: Joen Chionglo