Chapter One

6.9K 503 64
                                    

PABUNTONG-HININGANG pinihit ni Martina ang seradura ng pintuan ng unit ng kasintahan. Nakailang door bell na siya ngunit wala pa ring nagbubukas ng pinto. Sa totoo lang ay alam niya naman ang passcode niyon, dala na lamang ng kagandahang asal at bilang pagsasa-alang-alang na rin sa privacy ng kasintahan, kaya't pinili niyang mag-door bell kaysa kapagdaka ay pakialaman agad na buksan ang pinto. Nang sa tingin niya ay talagang walang tao sa loob para pagbuksan siya ay saka niya na lamang napag-pasyahang pakialaman na iyon at sa loob na lamang maghintay.

Hindi naman siguro ibibigay sa kanya ng nobyo ang passcode ng pinto nito kung hindi siya maaaring pumasok doon kung wala ito.

Nauna na siyang nanggaling sa opisina nito ngunit sinabi ng sekretarya nito na maaga raw umalis ang binata, ngunit hindi naman masabi kung saan ito nagpunta, kaya't naisipan niyang magpunta na lamang sa bahay nito.

Mula nang makatapos si Jet ng kursong Architecture ay bumukod na ito ng bahay sa mga magulang at kumuha na lamang ng condo unit na malapit sa firm na pinagtatrabahuhan nito.

Kanina niya pa nais na magtampo sa nobyo. Akala pa naman niya ay masosorpresa niya ito nang sadyain niya ito kanina sa opisina. Alas-tres pa lamang iyon ng hapon kaya't umaasa siyang naroon pa ito. Ngunit siya ang nasorpresa nang malamang pagkapananghali pa lamang ay umalis na ito ng opisina at ang nakakainis pa ay walang makapagsabi kung nasaan ito. Ilang beses niya na ring sinubukang tawagan ito ngunit natatapos at natatapos na't lahat ang ring ay hindi naman nito iyon sinasagot.

Gayunpaman, binigyan niya pa rin ng benefit of the doubt ang kasintahan. Baka naman may importante lamang itong nilakad, at pagkatapos niyon ay susunduin din siya nito sa eskuwela upang iselebra ang napaka-espesyal na araw na iyon para sa kanilang dalawa, katulad ng dati. Siya lamang talaga itong excited at hindi nakapaghintay. Nagkataon kasi na may meeting daw ang mga professor kaya't nag-cut na ng klase sa unibersidad na pinapasukan niya, alas-dos y medya pa lamang ng hapon, kaya't dumiretso na siya sa opisina ng nobyo.

Maghahanap na lamang siya ng maaaring mailuto sa ref nito upang kahit papaano masorpresa niya pa rin ito pag-uwi nito.

Sa gayong kaisipan ay nanumbalik ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Na dagli ring napalis at napalitan ng panlalaki ng mga mata, kasabay ng pag-awang ng mga labi nang tuluyan na siyang makapasok sa loob.

Naroon sa sahig, at tila kung papaano na lamang inihagis ang isang itim na blusa, gayundin, ang isang skinny jeans na sa wari niya ay sumampid lamang sa sofa kung kaya't hindi tuluyang nahulog sa sahig.

What the...?! Sigurado siyang babae ang nagmamay-ari ng mga iyon!

Kagyat na lumipad ang nanlalaki niyang mga mata sa direksyon papunta sa silid ng kasintahan. May dalawang silid ang unit na iyon, ngunit alam niya kung alin doon ang ginagamit nito. Isang mariing lunok ang ginawa niya nang makitang nakaawang ang pintong iyon.

Kung para hindi maramdaman ng mga talinpandas ang kanyang presensya, o, tila napipilitan na lamang ang kanyang katawan na kumilos, ay hindi niya na mawari. Dahan-dahan ang mga hakbang at pigil ang hiningang tinungo niya ang silid na iyon na sa malamang ay kinaroroonan ng mga ito. Ang isang kamay niya ay mariing nakatakip sa kanyang bibig upang hindi makagawa ng kahit na ano mang ingay.

Mula pa kaninang umagang magising siya ay maganda na ang simula ng araw niya. Bukod sa kaarawan niya ngayon, today is their second year anniversary bilang opisyal na magkasintahan. Nais sana ng mga magulang niya na ipaghanda siya para sa kanyang kaarawan ngunit tumanggi siya at sinabing matanda na siya para sa ganoong bagay. Sinabi niyang uuwi na lamang siya mamayang gabi kasama ang kasintahan at sama-sama na lamang silang maghapunan bilang selebrasyon sa kaarawan niya.

Martina: Love and LiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon